TATLONG buwan na rin ang dumaan pero ni minsan ay hindi nabawasan ang kasiyahan sa puso ni Sophia sa pagsasama nila ni Vincent bilang mag-asawa. Mas higit niya pa itong minamahal sa pagdaan ng mga araw.
Pero kung kailan maayos na ang lahat ay saka naman babalik ang isang parte ng nakaraan niyang pilit siyang sisingilin sa isa pang maling desisyon na ginawa niya.
Kasalukuyan siyang nagpa-plantsa ng damit ni Vince ng mga oras na iyon dahil wala siyang ibang magawa sa loob ng unit nito habang nasa trabaho ito nang makarinig siya ng pagkatok sa pinto.
Lumapit siya doon at binuksan iyon. Parang tumigil ang paghinga niya nang makita doon si Drake. Nasa itsura nito ang galit.
“Mabuti naman at mukhang naaalala mo pa ako, Sophia,” sarkastikong wika nito. “Matagal ka ring hindi nagpakita. Mababalitaan na lang namin na nagpakasal ka na sa Fabella na iyon!”
“D-Drake… parang-awa mo na,” pagmamakaawa niya dito. “A-Ayoko na. Umaayaw na ako sa grupo.”
“Umaayaw?” umismid ito. “Ganoon na lang kadali iyon? Anong akala mo sa amin, Sophia? Tanga?” marahas nitong hinawakan ang braso niya. Napangiwi siya sa sakit. “Akala ko ba gusto mong sirain ang lalaking iyon? Ginawa namin ang lahat para matulungan ka, pero anong ginawa mo?!”
Pilit niyang hinihila ang braso dito. “D-Drake, ano ba? Nasasaktan ako,” napaiyak na siya.
“Talagang masasaktan ka, Sophia,” hinigpitan pa nitong lalo ang pagkakahawak sa kanya. “Akala mo ba hindi ko alam na ikaw ang tumulong na makabangon ang kumpanya ng Fabella na iyon?! Akala mo ba mapag-tataguan mo ako?! Walang naitatago sa akin, Sophia!”
Pinakawalan siya nito para lamang padapuan ng isang malakas na sampal ang mukha niya. Napahawak siya sa nasaktang pisngi at malakas na napaiyak.
“Hindi mo alam kung gaano kalaki ang ginastos namin sa tulong na hiningi mo,” dinuro pa siya nito. “Pagbabayaran mo ang lahat ng ito, tandaan mo iyan! Hindi ko alam na isa ka rin sa mga babaeng nagpapaka-tanga sa pag-ibig na iyan! Mga walang-kuwenta! Pare-parehas lang kayo!” pagkasabi noon ay tumalikod na ito at lumakad palayo.
Bumagsak na siya sa sahig at nagpatuloy sa pag-iyak. Alam niyang hindi ito titigil hangga’t hindi nakakaganti sa kanya pero hindi niya alam kung paano lalaban dito. Bakit ba napakarami niyang maling desisyon noon na pagsisisihan niya ngayon? Bakit?
Pinunasan niya ang mga luha at mabilis na tumayo. Muli siyang pumasok sa loob at dumiretso sa kinalalagyan ng telepono. Idi-nial niya ang numero ng opisina ni Vincent, nag-aalala siya para dito.
Ang sekretarya nito ang sumagot ng tawag. Sinabi nitong nasa isang conference meeting daw si Vincent at maya-maya pang hapon ang tapos noon. Pinasalamatan niya ito at tinapos na ang tawag. Humiling siya na sana naman ay maisipan na ni Drake na pabayaan na lang siya. Kung kailangang bayaran niya ang lahat ng nagastos nito ay gagawin niya.

BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 8: Vincent Fabella
RomanceSophia needed to enter Vincent Fabella's life, a heartless bastard na may malaking pagkaka-utang sa kanya. Wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang itaya ang sarili niya para lamang makalapit dito. Hindi siya titigil hangga't hindi nahuhulog ang l...