Chapter 7.4

2.6K 52 1
                                    

NAPATINGIN si Sophia kay Rachel Leigh nang bumaba ito ng stage pagkatapos nitong mag-perform at lumapit sa kanya. Pagkatapos nilang lumabas ni Vincent kanina ay dito na siya dumiretso dahil wala rin naman siyang makakausap sa bahay. Pakiramdam niya ay pagod na pagod na siya kahit na nagsisimula palang naman siya. Napakahirap palang umarte at magpanggap na gusto mo ang isang tao.
“Kumusta na?” tanong sa kanya ni Rachel nang makaupo ito sa tabi niya.
Nagkibit-balikat siya. “Sa tingin ko naman may patutunguhan ang ginagawa kong pagpapanggap sa harap ng Vincent Fabella na iyon, pero ayoko siyang pag-usapan ngayon.”
Tumango na lang ito at hindi na sumagot.
Napabuntong-hininga siya. “May bago din akong pino-problema,” aniya. “Tungkol naman sa kaibigan kong si Ashlee, iyong ipinakilala ko sa’yo noon.”
“Oh, ‘yong tungkol sa relasyon niya sa kakambal ng fiancé niya?” tanong nito.
Gulat siyang napatingin dito. “P-Paano mo nalaman?”
Ngumiti ito. “Hindi mo ba alam na kasama sa mga ‘breakers’ ang magka-kambal na Choi na iyon?”
Hindi siya makapaniwala sa nalaman. Hindi niya iyon alam.
“Natural lang na subaybayan nina Drake at Anthony ang bawat kilos ng mga miyembro doon at humanap ng puwedeng ikasira ng mga ito,” pagpapatuloy nito. “They wanted to ruin the whole society, kahit gaano pa ka-inosente ang mga miyembro doon.”
Hindi niya alam kung tama bang may nahimigan siyang panunuya sa tono nito. Naisip niya tuloy kung hindi ba nito gusto ang ginagawa ng grupong kinabibilangan nila. Well, kung siya ang tatanungin, ayaw niya rin namang manira ng buhay ng mga taong inosente – kung hindi lang talaga sa kagustuhan niyang makapag-higanti sa Vincent na iyon ay hindi siya mapipilitang humingi ng tulong sa mga ito.
Tinitigan niya ang katabing si Rachel, maganda ito kahit pa parang wala sa bokabularyo nito ang mag-ayos na parang isang babae. Ilang lalaki rin ang napapansin niyang nakasunod ang tingin dito tuwing bumababa ito sa stage pagkatapos ng performance nito, pero parang wala ni katiting na interes ang babaeng ito sa mga iyon. Hindi rin ito ang klase ng taong magsisimula ng isang conversation at magpapakita ng tunay na nararamdaman. Wala siya masyadong alam tungkol dito dahil hindi naman ito nagku-kuwento ng tungkol sa buhay nito.
She heaved a sigh. “Kay Christopher ka naka-assign, tama?” wala sa isip na naiwika niya. “Sa kanya ka pinalalapit ni Anthony para masubaybayan ang kilos niya.”
Nakita niyang bahagya itong natigilan sa sinabi niya pero hindi ito sumagot. Patunay na tama ang hinala niya. Sino pa nga bang pagkakatiwalaan ni Anthony sa bagay na iyon kundi ito? Nahahalata niya kasing parang pabor na pabor si Anthony dito.
“Sino naman ang para sa lawyer na si Arzadon?” tanong niya pa, tinutukoy si Thaddeus Arzadon na lawyer ni Christopher Samaniego at isa rin sa mga ‘breakers’ na nabanggit nito sa kanya noon.
Bumuntong-hininga ito. “Hindi mo pa siya kilala,” tugon nito.
Tumango-tango siya. “Talagang planadong-planado ni Anthony ang pagsira sa mga breakers na iyon, ah?” pinilit niyang gawing biro ang tungkol sa bagay na iyon.
“Kay Christopher,” pagtatama nito at itinutok ang paningin sa panibagong banda na tumutugtog sa stage. “Kay Christopher lang naman siya galit, nadamay lang siguro ang iba.”
“Mahirap ba?” naisipan niyang itanong dito.
Tumingin ito sa kanya, nagtatanong ang mga mata.
“Mahirap ba ang ginagawa mong pagsubaybay sa taong iyon? Para masira siya?”
Ilang sandali itong tahimik, nag-iisip ng isasagot. “Medyo,” muli nitong ibinalik ang tingin sa banda. “Wala naman kasi siyang kasalanan sa akin pero kailangan ko siyang lokohin. In your case, madali lang ang lahat dahil may kasalanan siya sa’yo.”
Hindi niya nagawang sumagot. Hindi rin ganoong kadali ang lahat, nahihirapan din siya sa ginagawa niya. Pero kailangan, kailangan niyang ibalik sa lalaking iyon ang lahat ng sakit na ipinadanas nito sa kapatid niya.
“Pero wala naman akong pakialam sa mangyayari,” dugtong pa ni Rachel. “Basta sumusunod lang ako sa utos, iyon ang mahalaga,” tumayo na ito at iniwanan siya.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 8: Vincent FabellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon