KAHARAP ngayon ni Sophia si Drake sa isang restaurant sa Makati dahil tinawagan niya ito kanina para sa isang importanteng bagay. Naroroon rin sa tabi niya si Rachel Leigh. Magsisindi sana ito ng sigarilyo nang agawin niya iyon at itinuro ang ‘no smoking’ sign ng restaurant.
Tumawa na lang ito at umiling. “Ano na?” naiinip na tanong nito.
Iniabot niya dito ang folder na hawak. “Help me,” sagot niya.
Kumunot ang noo nito at binuksan ang folder. “Ano ‘to?”
“List of investors ng Fabella Group of Companies, ipinadala sa akin iyan ni Vincent noong isang araw.”
Tumango-tango ito. “Anong plano mo?”
Bumuntong-hininga muna siya bago sumagot. “Gusto kong alamin mo kung sino ang mga iyan at gawin ang lahat para patigilin sila sa pag-i-invest sa FGC. Do everything, suhulan niyo, takutin, kahit ano. Wala na akong pakialam. Hindi ko magagawa iyan dahil siguradong malalaman ni Vincent kapag ako ang kumilos. Alam ko namang kayang-kaya niyo iyan, hindi ba, Drake?”
“Siyempre naman, walang imposible kay Anthony,” tugon nito. “Pero sa isang kondisyon, Sophia.”
“Kondisyon?” Anong kondisyon naman ang nais ng mga ito?
“Gustong malaman ni Anthony kung hanggang saan ang loyalty mo sa grupo,” anito, bahagya pang inilapit ang mukha sa kanya. “Hindi kaila sa’yo na kasama sa mga breakers si Rafael Choi, ‘di ba? At alam kong alam mo ang itinatagong relasyon nila ng kaibigan mong si Ashlee Fortich.”
Bahagya siyang napalayo dito, pagkagulat ay nasa mukha.
“Sirain mo ang buhay ng Rafael Choi na iyon, ibunyag mo sa lahat ang relasyon nila ng kaibigan mong si Ashlee at ang pagtataksil nito sa fiancé niyang si Raffy,” dagdag pa nito.
Napailing siya. No, hindi niya iyon magagawa sa kaibigan niya. “Ba-Bakit ako?” tumingin siya kay Rachel na nakikinig lang.
“Bakit ikaw? Dahil ikaw lang naman ang may kakayahang gumawa noon, Sophia. Well, kung ayaw mo, kalimutan na rin natin ang tulong na hinihingi mo,” ibinagsak pa nito sa mesa ang hawak na folder. “There are a lot of ways to ruin Vincent Fabella, sa oras na gustuhin namin. Pero hindi pa ngayon ‘yon. Dahil nagmamadali ka, ikaw ang gumawa ng lahat ng iyan.”
Napayuko siya, gulong-gulo na siya. Gusto niyang makapag-higanti kaagad pero hindi niya naman magagawang traydurin ang kaibigan na nagtiwala ng sikreto sa kanya.
Ilang sandali siyang tahimik hanggang sa pumasok sa alaala niya ang kapatid nang makita niya ito sa kuwarto nitong walang buhay. Muli na namang tumulo ang mga luhang pilit niyang pinipigilan nitong nakaraang mga linggo. “S-Sige,” pagpayag niya. Mas matimbang ang paghihiganti niya kaysa anumang bagay. “Gagawin ko iyon, basta sisiguraduhin mong masisira ang Vincent Fabella na iyon.”
Ngumiti si Drake. “Good. Siguradong magiging masaya si Anthony sa desisyon mo,” iyon lang at tumayo na ito at lumabas ng restaurant.
Pinunasan niya ang mga luha at tumingin kay Rachel Leigh na tahimik lang na nakaupo. “Tama ba ang desisyon ko?” wala sa loob na tanong niya dito.
Tumingin ito sa kanya. “Hindi ko alam,” sagot nito. “Ang totoo, wala akong alam, Sophia. Sumusunod lang din ako sa utos, kahit hindi ko alam ang mangyayari sa bandang huli.”
Sa bandang huli. Ano nga ba ang mangyayari sa lahat ng desisyon niya sa bandang huli?

BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 8: Vincent Fabella
RomanceSophia needed to enter Vincent Fabella's life, a heartless bastard na may malaking pagkaka-utang sa kanya. Wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang itaya ang sarili niya para lamang makalapit dito. Hindi siya titigil hangga't hindi nahuhulog ang l...