PINILI ni Sophia na yayain si Vincent na maglakad-lakad sa isang park sa Ayala malapit sa tinutuluyan niyang bahay. Ikinawit niya ang mga kamay sa braso nito at sinabayan ito sa paglalakad.
“I’m so happy walking with you here,” pagsisinungaling niya na naman. Ilalabas niya na ang lahat ng kasinungalingang alam niya para maisip nitong gustong-gusto niya talaga ito.
Ngumiti ito at tumingin sa kanya. “Ikaw ang unang babaeng pinayagan kong makasama sa paglalakad kahit na napakarami ko pang dapat asikasuhin.”
“Talaga?” sinadya niyang idikit ang dibdib sa braso nito. “Baka binobola mo lang ako?”
Hindi niya napalampas ang pagsulyap nito sa dibdib niya bago sumagot. “Hindi.”
Ngumiti siya at inilipat ang tingin sa unahan. “Malapit lang dito ang bahay ko. Kung may oras kang dalawin ako, you’re very much welcome in my home,” sinabi niya dito ang address ng bahay niya at tumigil sa paglalakad. Hinarap niya ito at inayos ang suot nitong business suit. “Sana naman mabisita mo ako doon,” paglalambing niya pa.
Inayos naman nito ang nakaharang na buhok sa mukha niya at pinanatili niya lang ang pekeng ngiti sa mga labi. “That would be my pleasure,” he said in a husky voice.
Bumuntong-hininga siya. Yeah, your pleasure. Iyon lang naman ang hanap mo sa mga babae, hindi ba?
Napatingin sila sa isang bench na naroroon nang marinig ang pag-uusap ng isang babae at isang lalaki. Malakas ang boses ng mga ito kaya nakakuha na ang mga ito ng atensiyon.
“Wala naman akong ginawang mali sa’yo, ah?!” ani ng babae na umiiyak na. “Bakit mo ako hihiwalayan?!”
“Puwede ba, Ann, huwag ka ngang sumigaw,” ani lalaki. “Nakakahiya ka,” luminga-linga pa ito sa paligid. “Tigilan na natin itong pag-uusap na ito. Hindi na magbabago ang pasya ko,” pagkatapos ay iniwanan na nito ang babaeng napahagulhol na sa kinauupuan nito.
Hindi niya napansin ang pagkakakuyom ng mga kamao niya habang pinagmamasdan ang babae. Jessie… Gusto niyang lapitan ang babae at aluin ito pero tumakbo na ito palayo.
We’re over, Jessie. At hindi na magbabago ang desisyon ko… Kalimutan mo na lang ang lahat, isa ka lang sa mga pampalipas oras ko. Tigilan na natin ito…
Bahagya siyang napalayo kay Vincent nang maalala ang mga salitang iyon na e-mail nito sa kapatid noon. Tiningnan niya ang hayop na lalaking nasa harapan at hindi niya na napigilan ang pagsiklab ng galit sa mga mata.
Nang makita niya ang pagkunot ng noo nito ay mabilis siyang nagyuko ng ulo at kinalma ang sarili. Hindi. Hindi niya dapat pairalin ang emosyon ngayon. Hindi puwedeng masira ang mga plano niya.
“Is there something wrong?” narinig niyang tanong nito.
Dalawang beses siyang bumuntong-hininga at nakangiti na nang tumingala dito. “Wala naman, naawa lang ako doon sa babae. Bakit kaya siya hiniwalayan ng lalaking iyon?” napailing pa siya.
“Isa lang ang alam kong dahilan kung bakit hinihiwalayan ng isang lalaki ang isang babae. It was if he doesn’t want her anymore,” sagot nito.
Kaya ba hiniwalayan mo si Jessie dahil ayaw mo na sa kanya at pinagsawaan mo na siya? Napakasama mo talaga!
Malungkot siyang napabuntong-hininga. “So, ganoon din ang mangyayari sa akin kapag ayaw na ako ng lalaki,” sumulyap siya dito. “Kapag ayaw mo na.”
Tumitig ito sa kanya at bahagyang ngumiti. “I don’t know. But it’s really hard not to want you, Sophia. I don’t know why.”
Ngumiti siya at iniyakap ang mga kamay sa baywang nito. Pagkatapos ay tumingala siya dito. Yes, Vince. Sisiguraduhin kong mauuna akong umayaw sa’yo bago mo ako ayawan.
Ginantihan nito ang yakap niya. “You are so beautiful,” he said, staring at her, admiring her.
Inihilig niya ang ulo sa dibdib nito para iwasan ang mapatitig sa kaseryosohang nasa mga mata nito. Walang totoo sa lahat ng sinasabi nito, sanay na lang talaga itong mambola at manloko.
Itinuon niya na lang ang paningin sa napaka-gandang sunset na nasa harapan habang nakikinig sa tibok ng puso nito. Ipinikit niya ang mga mata at malungkot na napabuntong-hininga. Matagal niya ng pinangarap na mayakap ang lalaking makakasama niya habang-buhay habang pinapanood ang paglubog ng araw. Hindi niya akalaing gagawin niya iyon kasama ang lalaking kinamumuhian niya. Hindi niya na kaya pang makasama ito ng matagal, hindi na siya makapag-hihintay na madurog ang puso nito.

BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 8: Vincent Fabella
RomanceSophia needed to enter Vincent Fabella's life, a heartless bastard na may malaking pagkaka-utang sa kanya. Wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang itaya ang sarili niya para lamang makalapit dito. Hindi siya titigil hangga't hindi nahuhulog ang l...