AGAD na sinalubong si Vincent ng sekretarya niyang si Sheila nang araw na iyon pagkapasok niya sa loob ng opisina niya.
“Sir, mabuti naman po at nakapasok na kayo,” nag-aalalang wika nito. “Nakita niyo po ba ang mga balitang lumalabas?”
Hindi niya ito sinagot at dumiretso sa sariling upuan at naupo doon. Ipinikit niya ang mga mata at isinandal ang ulo sa headrest ng upuan. Napilitan lang siyang pumasok ngayon dahil sa walang-tigil na pagtawag sa kanya ng sekretarya niyang ito at maging ng Mama niya.
“Sir, malapit na po ang nakatakdang araw ng new product launch ng kumpanya natin at nagsisimula na pong magtanong ang mga board members kung ano ng plano ninyo,” pagpapatuloy ng sekretarya niya. “Kailangan na po nating makapag-isip ng bagong ideya o tuluyan ng maagaw ng mga competitors natin ang mga investors at maging ang mga consumers. Kapag hindi natin ito nagawa, posibleng maging dahilan ito ng pagbagsak ng FGC.”
Hindi niya pa rin ito sinagot. Wala siyang maintindihan sa lahat ng mga pinagsasasabi nito.
“Sir!”
Napamulat siya sa pagsigaw nito. Galit siyang tumayo at hinarap ito.
Agad naman itong napayuko. “Galit na galit na po ang mga board members, Sir. Makinig naman po kayo.”
Bumuntong-hininga siya. “Bahala ka na,” wika niya sa tinatamad na tono. “Gawin mo kung ano ang tama,” pagkasabi noon ay lumabas na siya ng opisina. Hindi niya na pinansin ang pagtawag nito o hindi kaya ang pagtitinginan at bulungan ng mga empleyadong nadadaanan niya. Wala na siyang pakialam sa mga ito o sa kung kanino man.

BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 8: Vincent Fabella
RomanceSophia needed to enter Vincent Fabella's life, a heartless bastard na may malaking pagkaka-utang sa kanya. Wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang itaya ang sarili niya para lamang makalapit dito. Hindi siya titigil hangga't hindi nahuhulog ang l...