Chapter 15.1

2.7K 40 2
                                    

PABAGSAK na napaupo si Sophia sa sahig nang makapasok siya at agad na napaiyak ng malakas. Sobrang sakit ang nararamdaman niya sa puso niya ng mga oras na iyon. Sobrang sakit.
Bakit ganito na lang ang sakit na nararamdaman niya? Bakit ganito na lang ang paghihinagpis niya? What was really wrong with her? Hindi ba dapat maging masaya siya dahil nakamit niya na ang paghihiganting inasam niya ng pagkatagal-tagal na panahon? Nakikita niya na ang paghihirap nito, dapat magtatalon na siya sa tuwa pero bakit patuloy lang siya sa pagluha?
Napalingon siya sa pinto nang makarinig ng pag-doorbell doon. Mabilis siyang tumayo at pinunasan ang mga luha. Pagkabukas niya ng pinto ay sumalubong sa kanya ang mukha ng Tita Joyce niya.
Pumasok ito sa loob, may pag-aalala na sa mukha. “Anong nangyari, Sophia? Bakit ganyan ang itsura mo?”
Napahikbi siya. “T-Tapos na, Tita. Tapos na ang lahat. Naipag-higanti ko na si Jessie,” gumagaralgal na ang tinig niya.
Niyakap siya nito. “Sinabi mo ba kay Vincent ang totoo?”
Tumango siya. “Alam kong nasaktan ko na siya,” hikbi niya.
“Pero bakit mukhang ikaw ang nasasaktan, Sophia?” bahagya siya nitong inilayo. “Bakit mukhang ikaw ang nahihirapan?”
Umiling siya. “H-Hindi ko alam, Tita. Hindi ko alam. Siguro dahil sa mga sinabi niya sa akin, hindi ko talaga alam.” Gulong-gulo na siya, ang isip, puso at damdamin niya. Bakit ba siya nagkaka-ganito?
“Sophia,” tinitigan siya ng Tita niya, puno ng pag-aalala ang mga mata. “Hindi ka masasaktan ng salita niya kung hindi siya mahalaga sa’yo.”
Tumingin siya dito at marahas na napailing. “Hindi siya mahalaga sa akin, Tita. Galit na galit ako sa kanya, imposible ang sinasabi ninyo.”
“Sige, pero ano iyang nangyayari sa’yo ngayon, Sophia? Tingnan mo ang sarili mo,” sinuri nito ang kabuuan niya. “Hirap na hirap ka din, hindi ba?”
Yumuko siya. Gusto niyang pabulaanan ang sinabi nito pero alam niya naman sa sariling tama ito. Hirap na hirap na nga ang kalooban niya.
“Ano bang sabi ko sa’yo? Hindi maganda ang maghiganti,” pagpapatuloy nito. “Bakit hindi mo na lang ipinaubaya sa Diyos ang lahat? No matter how painful things were, alam naman ng Diyos ang lahat ng iyon. Alam Niya kung sino ang nasa tama, kung sino ang nasasaktan at ang naaapi. Sa huli, lahat ng tunay na nagkamali ay magbabayad sa lahat ng maling ginawa nila.”
Bumuntong-hininga ito at pinunasan ang mga luha niya pero patuloy pa rin iyon sa pag-agos. “Minsan mahirap, alam ko iyon,” sabi pa nito. “Mahirap pigilan ang sariling huwag maghiganti sa mga taong nanira at nanakit sa atin. But we need to give the authority of vengeance to someone who can control everything well. And that is Him. Siya na ang bahalang magparusa sa mga taong gumawa sa atin ng kasamaan. Dahil nagkakamali ang tao, nagpapadala tayo sa galit at sakit. Wala na tayong iniisip na iba.
“Masaya ka na ba ngayon, Sophia? Masaya ka bang nakikitang nahihirapan at nasasaktan ang isang tao dahil sa’yo? Hindi, ‘di ba? Dahil nasasaktan ka rin. Your conscience is killing you.”
Muli na naman siyang napahagulhol at napaupo sa sahig. Hinayaan na lang siya nito. Pagod na pagod na siya, bakit ba puro na lang pasakit ang nararamdaman niya sa buong buhay niya? Hindi niya na gustong masaktan. Hindi niya na gustong umiyak.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 8: Vincent FabellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon