Chapter 13.2

2.6K 41 1
                                    

NAPASANDAL si Sophia sa pinto ng bahay niya at mariing napapikit. Hindi niya alam kung bakit parang pagod na pagod na siya. Kababalik niya lang ng hapong iyon pagkatapos makipagkita kay Drake at ibigay dito ang mga files na nakuha niya kay Vincent nang nagdaang gabi.
Iminulat niya ang mga mata at lumakad patungo sa sofa. Hinang-hina siyang napaupo doon. Pagkatapos ng lahat ng ito, magba-bakasyon muna siya sa malayong lugar para alisin ang lahat ng pagod sa katawan.
Napatingin siya sa may pinto nang marinig ang pag-doorbell doon. Tinatamad pa siyang tumayo at tumungo sa pinto para buksan iyon. Nagulat pa siya nang makita ang Tita Joyce niya.
Pumasok ito sa loob at naupo sa sofa. Nag-aalangan pa siyang lumapit dito dahil sa nakikitang kaseryosohan sa mukha nito. Matagal-tagal na rin nang huli niya itong makita.
Tumingin ito sa kanya nang makaupo siya sa katapat nitong sofa. “Nababalitaan ko ang pakikipag-relasyon mo sa Vincent Fabella na iyon, Sophia,” panimula nito. “Bata pa lang kilala na kita, at alam ko ang tumatakbo sa isipan mo. Hindi kaila sa akin ang plano mong paghihiganti sa lalaking iyon. Alam kong siya ang sinisisi mo sa pagkamatay ni Jessie.”
Napabuntong-hininga siya. “Dahil siya naman talaga ang dapat sisihin. Nakita niyo ang mga ipinakita kong e-mails niya kay Jessie noon.”
“Alam ko,” tumango-tango ito. “Pero, Sophia, hindi pa rin tama na maghiganti ka. Hindi mo na kailangang gantihan ng kasamaan ang ginawa niyang kasamaan. Anong magiging pinagkaiba niyong dalawa?”
Naiinis siyang napatayo. “Hindi niyo ako naiintindihan, Tita. Hindi niyo alam kung gaano kasakit sa akin ang pagkawala ni Jessie. Tuwing naiisip ko ang paghihirap na pinagdaanan niya sa piling ng Vincent na iyon, patuloy na nagdurusa ang puso ko.”
“Pare-pareho lang tayong nasaktan, Sophia,” mahinahong wika ng Tita niya. “Ngayon ikaw ang mananakit ng tao, kakayanin ba iyon ng konsensiya mo? Hindi ganyan ang pagkakakilala ko sa’yo, mabuti kang tao dahil ganoon ka pinalaki ng mga magulang mo.”
Tiningnan niya ito, walang kaemo-emosyon ang mukha. “Nagbabago ang tao, Tita, lalo na kung sobra-sobrang paghihirap at kasamaan ang pinagdaanan. Ang taong mabait, patuloy lang na pinag-sasamantalahan ng mga walang-pusong taong wala ng inisip kundi ang manira ng buhay ng iba. Jessie had been a very good person, pero anong ginawa ng lalaking iyon?” tumaas na ang boses niya, hindi niya magawang pigilan ang pag-alpas ng sariling emosyon kapag naaalala niya ang kapatid.  “Sinamantala niya ang kahinaan ng kapatid ko! Dahil alam niya na gustong-gusto siya ni Jessie at gagawin nito ang lahat para sa kanya!”
Ilang ulit siyang bumuntong-hininga para kalmahin ang sarili. “Kaya tama lang na iparanas ko rin sa kanya ang paglalaro niya sa damdamin ng kapatid ko. That man is a black-hearted person and I will never forgive him,” buong tatag na wika niya. “Nararamdaman ko na malapit na ang pinaka-hihintay kong paghihiganti sa lalaking iyon. At wala ng makakapag-pabago ng desisyon ko. Wala na.”
Bumuntong-hininga ang Tita niya at tumango-tango. “Kung iyan ang desisyon mo, ano pa bang magagawa ko?” pagsuko nito. Tumayo na ito at lumapit sa kanya. “Tatandaan mo lang, Sophia. Lahat ng nangyayari sa mundong ito ay may dahilan. At lahat ng desisyon mo ay may katumbas na kabayaran sa bandang huli, mabuti man iyon o masama. Pinaalalahanan na kita,” hinaplos nito ang buhok niya at malungkot na ngumiti. “Sana naman ay matuto kang mag-desisyon ng tama at matuto ka ring magpatawad.”
Iniiwas niya ang tingin dito at hindi na sumagot hanggang sa muli itong lumabas ng bahay. Tumulo na ang mga luha sa mukha niya. Magpatawad? Hindi naman ganoon kadali iyon, lalo na at sobrang nasaktan ka.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 8: Vincent FabellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon