48 - He's back !

57 2 0
                                    

March 04, 2012

Dear Diary,

Tuwang-tuwa si Tiya Lizeth nang dumating kami ni Marga sa bahay nila. Nagtext sa akin si Jasmin noong isang linggo na pumunta kami rito, dumating siya noong isang linggo pa galing sa California, nalipat siya ng destino doon mula sa Canada two years ago at ngayon lang siya nakauwi para magbakasyon.

Malaki na rin ang ipinagbago ng bahay nila, meron na silang second floor kumpara noong huli akong makapunta dito. Dinala kami ni Tiya Lizeth sa sala at inutusan ang kanilang kasambahay na dalhan kami ng meryenda.

“Eto oh, iuwi nyo sa inyo,” sabay abot ni Tiya Lizeth ng isang paper bag na tinanggap naman ni Marga. “Ba’t ngayon lang kayo napadalaw dito? Sabi ni Jasmin noong isang linggo pa siyang nagtext sa inyo.”

“Busy po sa trabaho,” sagot ko na lang.

Maya-maya ay bumaba si Jasmin at tuwang lumapit sa amin at yumakap. Ang laki nang naging impluwensya dito ng ibang bansa. Kulay blonde na ang buhok nito at lalo pang gumanda at pumuti.

“Wala kayong facebook dalawa ano?” tanong sa amin ni Jasmin at umupo sa pang-isahang sofa. “Hindi ko kayo mahanap dalawa eh.”

Ngumiti na lang ako at hindi ko na sinabing wala naman akong cellphone na kayang makapag-gawa ng facebook account. Si Marga naman ay may account pero hindi naman niya lagi nabubuksan. Busy na rin ito lagi sa trabaho.

“Anyway, ‘wag kayong mawawala sa kasal ko ha,” sabi pa ni Jasmin.

“Ikakasal ka na?” hindi makapaniwalang tanong ko pa.

Ngumiti lang ng malapad si Jasmin at tila excited na tumango.

“Two weeks from now. Hindi ko nga pala kayo naisali sa entourage ha, iba kase ang gusto kong maging role nyo sa kasal ko.”

Inabot ni Jasmin ýung maliit na parang notebook na ibinaba niya sa center table kanina at iniabot sa akin.

“Here. Andyan lahat ng wedding playlist namin ng fiancé ko. At kayong tatlo nila Ate Mary ang gusto kong kumanta sa kasal ko. Syempre gusto kong ipagyabang ang Gonzales’ Royalties sa pamilya ng mapapangasawa ko.”

“Hindi ba nakakahiya ýon Jas?” alanganing sabi ko.

Matagal ng hindi ako kumakanta. Actually kinalimutan ko na nga ang pagkanta mula nang iwan ako ni Iñigo.

“Si Ate Quey na lang siguro at si Marga.”

“Ate Jas parang hindi din ako ready eh, matagal ko ng hindi nako-kundisyon ang boses ko,” pagdadahilan naman ni Marga na palihim pa akong siniko.

Kasinungalingan naman talaga ýon dahil hanggang ngayon sumasama pa rin siya sa mga gig ng banda nila kahit may trabaho na siya, pero alam kong dahil kay Ate Quey kaya siya tumatanggi.

“Hala, ano ba kayong dalawa,” nakasimangot na sabi ni Jasmin at tumingin pa kay Tiya Lizeth na muling bumalik dito sa sala matapos kaming iwan kanina. “Ma oh, ayaw nilang kumanta sa kasal ko,” parang batang sumbong niya.

“Aba eh bakit? Kagaganda ng boses ninyong tatlo. Pumayag na kayo at matagal ng pangarap ni Jasmin maging kabilang sa Gonzales’ Royalties, malas lang at hindi siya biniyayaan ng magandang boses.”

“Mama!” eksaheradong sigaw ni Jasmin kay Tiya Lizeth na natatawa na lang saka muli kaming binalingan. “Basta, magtatampo talaga ako ‘pag hindi nyo ako pinagbigyan. Minsan lang ako ikakasal.”

Casanova's DiaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon