Chapter 37

195 7 1
                                    

JEZELLE'S P.O.V.

“OH! Hija, saan ka pupunta?” tanong ni Manang Elma pagkapasok niya rito sa kusina kung saan amoy ang niluto kong ulam para sa asawa ko.

“Manang, aalis lang po ako saglit, may inihanda kasi ako para kay Darrell. Nilutuan ko po kasi siya ng pananghalian niya para mas lalo siyang ganahan na magtrabaho sa kumpanya,” nakangiting sabi ko.

“Aba, kaya naman pala agad kang tumungo sa kusina kanina.”

“Opo. Balak ko po kasi sana gumising ng maaga kaso po tinanghali na ako.” Napangiti si Manang Elma pagkatapos ay tinignan ang laman ng mga bag.

“Na'ko! Ang dami. Matutuwa talaga iyong asawa mo, lalo na't ang paborito niyang Caldereta ang niluto mo.”

“Opo, matagal na po kasi niya iyang request sa akin. At saka, roon na rin po kasi ako kakain, dinamihan ko na po para makakain nang marami si Darrell.”

“Sige, anak, basta mag-ingat ka, ha? Magpahatid ka na lang kay Ronald.” Lumabas kami ng kusina habang si Manang Elma ang may bitbit ng bag kung saan nakalagay ang mga niluto ko.

“Opo, Manang, magpapahatid po ako kasi tinawagan ko si Darrell kanina, hindi nga lang sinagot. Baka masyadong busy at sinabi niya kanina sa akin na may meeting siya ngayon,” Sumakay na ako sa kotse at si Manang Elma ang nagsara ng pinto. “Sige, Manang, alis na po ako,” paalam ko.

“Sige, Anak.” Tumuon ang atensyon ni Manang Elma sa driver. “Ron, ingatan mo 'tong si Jezelle, huwag masyadong kaskasero, ha?”

“Opo, Manang,” sagot ng driver ko na si Ronald. Ngumiti na lang ako at ikinabit ang seatbelt. Napatingin pa ako kay Ronald na nasa harapan ko. “Okay na po ba, Ma'am?”

“Oo, tara na,” sabi ko.

Sinubukan kong tawagin si Darrell dahil baka makaistorbo ako sakaling pagdating ko roon ay masyado pa itong abala, pero hindi talaga ito sumasagot kaya naisip ko rin na magandang sorpresahin ko na lang siya kapag pumunta ako roon at makikita ako sa opisina niya na naghahanda ng pagkain niya pagkalabas niya ng meeting. Napahaplos ako sa malaking tiyan ko at hindi maiwasang napangiti.

Sana talaga matuwa ang daddy n'yo kapag nakita niya ako roon. Alam ko ngayon pa lang siya nakabalik sa kumpanya at alam kong magi-guilty iyon kapag pumunta ako roon na mag-isa pero namimiss ko na rin kasi talaga siya, hindi na talaga ako sanay na wala ang daddy n'yo sa tabi ko, ewan ko ba naguguluhan ako. Ako itong nangungulit sa kanya na bumalik sa kumpanya pero ngayon parang hindi naman ako sanay na wala siya sa tabi natin. At alam kong mas lalong hindi magiging madali kapag dumating na ang araw na makakasama namin kayo. Alam kong magiging bago lahat ng bagay sa amin ng daddy n'yo kapag dumating na ang araw na pinakahihintay namin...ang makasama kayo. Pinapangako ko na mas lalong pagbubutihin ko ang pagiging asawa ko sa kanya at pagiging ina ko sa inyo.

Muli akong napangiti at napahimas sa aking tiyan bago napatingin sa bag kung saan inilagay ko ang mga hinanda ko para sa asawa ko. Ilang saglit lang ay nakita ko na ang napakalaking kumpanya naming mag-asawa. Pumarada ang kotse sa harapan at huminto iyon sa napakalaking entrance ng lobby. Na-miss ko na ang pumunta rito para magtrabaho. Pinagbuksan ako ni Ronald ng pinto at binuhat ang bag na dala ko bago ako lumabas ng kotse.

“Salamat, Ron.”

“Wala po iyon, Ma'am. Sige po, ihatid na po kita sa loob.”

“Hindi na, kaya ko na pumasok nang mag-isa sa loob.”

“Sigurado ka po ba, Ma'am Jezelle?”

“Oo, kaya ko na,” nakangiting sagot ko.

“Sige po, dito lang po ako sa labas.”

BS1: Tears of Loving You [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon