Chapter 34

126 2 3
                                    

JEZELLE'S P.O.V.

“MANANG, tumawag na po ba si Claude? Alam niya po kaya kung nasaan si Darrell?” umiiyak kong sabi habang palakad-lakad sa sala at hinihintay ang asawa ko, hindi ko na iniinda ang bigat ng malaking tiyan ko. Alanganing oras na pero hindi pa siya umuuwi.

“Wala pa, hija. Pero sige na, magpahinga ka na. Mauna ka nang matulog at alanganing oras na. Nakakasiguro ako na bukas ay maayos n'yo iyan.” Umiling ako.

“Kailan ko siyang hintayin, Manang. Hindi rin po ako makakatulog lalo pa at masama ang loob niya sa akin. Kailangan ko siyang kausapin, Manang. Hindi pwedeng hindi namin maayos ito agad at paabutin pa ng kinabukasan dahil ang problema nang mag-asawa ay hindi dapat pinapaabot pa ng kinabukasan o matutulog na may sama ng loob ang isa't isa”

“Hija, buntis ka. Ang isipin mo muna ngayon ang mga anak mo. Makakasama sa ’yo kung ipagpapatuloy mo ang pagpupuyat mo. Hayaan mo muna si Darrell, nagpapalamig lang ng ulo iyon.”

Napasapo ako sa aking mukha at hindi pa rin mapigilan ang aking mga luha. Lumapit si Manang Elma sa akin at niyakap ako para kahit papaano ay gumaan ang loob ko. Wala sina Mama at Papa ngayon dito umuwi na sila nang mabalitaan nilang bumalik na ang anak nila pero hindi nila alam na may hindi kami pagkakaunawaang ngayong mag-asawa.

Sa mga lumipas na oras ay pinakinggan ko si Manang Elma. Umakyat ako sa itaas at sinubukan na magpahinga pero wala pa rin talaga. Hindi ako dinadapuan ng antok dahil sa tuwing ipipikit ko ang mga mata ay ang nanlilisik na asul na mga mata ng asawa ko sa galit sa akin ang nakikita ko.

Hindi lang iyon dahil tila ipinaalala ng mga huling salita niya ang maaaring mangyari sa hinaharap. Para akong minulto ng mga salita niya. Paulit-ulit sa aking isipan na balang araw ay kukunin niya ang kambal sa akin at hindi ko na makikita ang mga anak ko. Iyong tipong nagmamakaawa ako kay Darrell na makita man lang kahit saglit ang mga bata pero hindi siya pumayag.

Parang isang pahiwatig na mangyayari iyong napanaginipan ko kagabi.

Muli akong napahagulgol habang nakahawak sa tiyan ko. Nagsisisi ako na sana hindi na lang ako nagsinungaling. Sana hindi na lang ako lumabag sa mga gusto niya, 'di sana ay maayos pa kami. Muli kong tinignan ang aking cellphone. Sinubukan na tawagan ang numero ng asawa ko pero hindi talaga niya sinasagot ang tawag ko hanggang sa nakarinig ako ng busina ng kotse sa labas. Tumungo ako sa bintana at nakita na kotse iyon ni Darrell at kararating lang. Napangiti ako at inalalayan ang sarili na bumaba uli sa sala para salubungin siya.

“Hon,” nakangiti kong sambit ng pumasok siya sa pinto ngunit agad nawala ang ngiting iyon at naudlot ang paglapit ko sa kanya nang makita na hindi lang siya nag-iisa. May babae na sumunod sa kanya at agad na niyapos siya. Nasa babaeng iyon din ang pansin niya habang nakaakbay at bumubulong-bulong pa sa tenga ng babae na tumatawa halatang lasing ang dalawa dahil sa pagpikit-pikit nilang mga mata.

“Darrell, sino siya?” Bakas ang sakit sa aking salita habang nasasaksihan kung papaano hawakan ng asawa ko ang babae na kasama niya pero hindi niya ako sinagot at pinansin dahil tanging abala siya sa babaeng kasama niya.

Napapikit ako. Huminga nang malalim habang nasa tiyan ko ang isang kamay ko. Ayokong umiyak. Ayokong magpaapekto sa nararamdaman ko dahil baka mapaano ang mga anak ko. Kaya pinanatili kong kalmado ang sarili ko sa ilang beses kong paghinga nang malalim.

Nilapitan ko ang dalawa na tila may sariling mundo. Naamoy ko ang alak sa sistema ng dalawa na parang hangin lang ako sa paningin nila. Hinawakan ko ang kamay ni Darrell bago pinakatitigan siya sa asul niyang mga mata.

“Darrell, tara na sa taas. Magpahinga ka na,” sabi ko at hindi pinansin ang babaeng kasama niya.

“Babe? Who is she?” tanong ng babae na ikinatikom ng bibig ko bago napalunok.

BS1: Tears of Loving You [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon