IROS
Ang sarap ng tulog ko sa home van nang may bumulabog sa akin. Kulang nalang sirain niya ng pinto. Kahit na hindi ko pa siya nakikita ay alam ko na kaagad na si Remi iyon dahil sa kakaibang boses niya.
Tsaka maliban kay Paris siya lang ang babaeng may alam ng lugar ko na 'to, malabo naman kung si Paris ang pumunta, sinusumpa na ako n'on. Baka nga gabi-gabi pa 'yon nagtitirik ng kandila para lang na ipanalangin na sana magwala na ako.
"Rems ano ba?! Natutulog— Tangina!"
Nagising lahat ng diwa sa katawan ko ng sampalin niya ako gamit ang shoulder bag niya. Kung tignan niya ako parang gusto niya ako saktan hanggang sa malagutan ako ng hininga.
"Nanahimik ako rito mananakit ka," reklamo ko habang hinihimas ang mukha na nasaktan.
"Ikaw tangina mo talaga eh!" Dinuro niya ako sa mukha. "Alam mo ba si Paris kung ano-ano sinasabi sa akin? Dinamay mo talaga ako. Natsismis na ako sa hospital na kabit sa kagagawan mo."
Pinadyak niya ang mga paa niya tsaka niya ako pinaghahampas ng bag. Bumaba ako ng tuluyan sa home van, hindi ko mapasok sa utak ko lahat ng sinasabi niya.
"Saan ba kayo nagkita? Sana umiwas ka nalang."
Sinamaan niya lalo ako ng tingin. "Concern lang naman ako sa kanya. Nag-offer ako ng tulong tapos inakusahan na ako na kabit. Ayusin mo talaga 'yan Iros!"
Akmang hahampasin niya ulit ako ng bag nang agawin ko na 'yon mula sa kanya. "Rems naman alam mo namang galit sa atin 'yon parehas tapos offer ka pa ng tulong. May sa baliw ka rin eh."
Napanguso siya. Paiyak na talaga. Umupo siya sa picnic table tsaka ginulo ang buhok niya. "Nag-alala nga ako. Sinugod siya sa hospital dahil sa panic attack. I was trying to help."
Naupo ako sa bakanteng upuan. Hinila ko ang kamay niya para mapatingin sa akin. "Anong pinagsasabi mo? Si Paris ko nasa hospital?"
Napangiwi si Remi. "Paris mo? Kelan pa? Nabagok ba ulo mo? Delusyonal ka ba?"
"Rems seryoso nga! Nasa hospital pa rin siya?"
"Oo nga. Pero mukhang maayos na, nagmaldita na nga. Tsaka huwag ka ng mag-abala may lalaking dumalaw sa kanya may bodyguards pa, boyfriend niya yata. Linisin mo nalang pangalan ko."
Nandilim ang paningin ko na marinig lang na may boyfriend si Paris. Paanong mangyayari 'yon samantalang ako mahal n'on? O putangina nilalaro niya ba talaga ako? Pero putangina talaga, karapatan niya pala 'yon kasi kung may naglaro, ako 'yon.
"Sigurado ka bang boyfriend?"
Inagaw ni Remi ang bag niya mula sa akin. "Oo nga, ang kulit. Linisin mo pangalan ko, hindi ko pangarap maging kabit mo."
Napatayo ako. Hindi pwede 'to. Boyfriend pa lang naman, kaya ko pa 'yon agawin. Nagpapahinga lang ako pero hindi ko naman sinabing hindi na ako gagalaw para suyoin si Paris. Ang bilis naman ng kung sinong gagong 'yon para salisihan ako.
Dahil sa ginawa ko noong nakaraan sa kalsada para abutan na buhay si Sebastian ay kinuha ni Kuya Art ang kotse ko kaya walang nagawa si Remi nang hatakin ko siya pabalik sa hospital.
"Iros naman, magdahan-dahan ka sa pagmamaneho. Bago lang 'tong kotse ko, mabangga mo."
"Tangina! Hindi ba kayo marunong magmaneho! Bilisan niyo naman!" Binaba ko ang binatana sa tabi ko para sigawan ang mga motorista sa harap ko. Kung kelan ba naman ako nagmamadali tsaka pa magkakagulo sa kalsada. "Bwisit!"
Busina ako ng busina pero parang mga bingi talaga. Kaonti nalang bababa ako para bigyan sila isa isa ng bigwas.
"Gago neto, oh! Dinadamay mo na naman ako sa kahihiyan mo!" Sinapok ni Remi ang ulo ko, kung hindi lang babae 'to kanina ko pa pinatulan. Hindi pa man din natutunaw ang alak sa katawan ko.
Inabot kami ng siyam-siyam bago makarating sa hospital. Natagalan pa akong maghanap ng parking space pero nakabuti iyon sa isip ko, kumalma ako.
"Oh ano na? Hindi ka pa lalabas?"
"Rems tama ba 'tong ginagawa ko? Tinulak ko na siya palayo, anong ginagawa ko rito?"
Sinubsob ko ang noo ko sa manubela tsaka ilang beses na inuntog. Hindi ako inawat ni Remi tinapik-tapik niya lang ng mahina ang likuran ko.
"Ni hindi ako sigurado sa nararamdaman ko tapos nandito na naman ako. Gugulohin ko lang buhay niyang tahimik na."
"Hindi ka sigurado sa lagay mo na 'yan?"
Hinatak niya ako paupo ng tuwid. Hinila niya ang manggas ng t-shirt ko. "Hindi ka nga nakapagbihis. Amoy alak ka pa. Mahal mo iyong tao kaya ka nandito. Tsaka lumabas ka na nga, puntahan mo na. Ako nahihirapan sa taguan niyo ng feelings na 'yan."
Matagal ko pang pinag-isipan bago ako nagdesisyon na bahala na. Kung ipagtabuyan man niya ako bahala na. Atleast sinubukan ko, atleast nilaban ko kahit papano.
Karapatan niyang itulak din ako palayo, tinulak ko rin naman siya ng ilang beses simula umpisa.
Nabigay na ni Remi sa akin ang room number pero dahil sa hindi naman ako pamilyar sa hospital ay nagkandawala pa ako. Nakasalubong ko pa si Denise na mukhang hindi masaya na makita ako.
"Oh, nandito ka. Pinuntahan mo kabit mo?"
Nakapamewang pa siya habang nakataas ang kilay. Kamukha niya nga si Paris pero sobrang magkaiba ang direksyon ng ugali nila. Ang Paris ko mabait, maarte lang talaga.
"Wala akong kabit," tanggol ko sa sarili ko. Ayaw ko naman na masama isipin niya sa akin, magsusumbong pa siya sa tatay nila edi lalo akong nalugmok at hindi na makuha pabalik si Paris.
Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa. Kung pwede niya lang yata akong pitikin palabas ng hospital ginawa na niya. "Ginagawa mo bang sinungaling ang ate ko?"
"Wala akong sinasabing ganoon, Denise."
"Ah, so bale sinasabi mo naman ngayon na gumagawa ako ng kwento? Ayos, ah. Kung wala kang magawang tama huwag mong idamay ang ate ko. Masaya na siya sa loob."
Makasarili man pakinggan pero nainis ako na isiping masaya si Paris na wala ako. Umiyak siya sa harap ko, nagmakaawa, pinaglaban niya na mahal niya ako pero wala pang isang buwan masaya na siya kaagad?
"Papasok na ako. Sa ate mo nalang ako magpapaliwanag."
Paghakbang ko ay hinarang niya ako. Maliit siya kumpara sa akin pero hindi ko siya mahawi at baka mabalian ng buto.
"Bawal ka nga pumasok!" singhal na niya.
Napalinga ako sa paligid. Isa sa pinaka-ayaw ko ay nae-eskandalo, maswerte naman at walang ibang tao.
"Bata ka pa, hindi ka dapat nakikisali."
Parang nainsulto siya sa sinabi ko. Sinubukan niyang sampalin ako pero naiwas ko ang mukha. Lalo tuloy siyang namula sa inis. "Umuwi ka na lang o di kaya doon ka sa kabit mo. Ginugulo mo si ate, andiyan na si Kuya Dylan. Ang bait, tapos hindi gaya mo pinapaiyak mo ang ate ko."
Nang mapangalanan ang lalaking kasama ni Paris sa loob ay hindi na ako nakapagpigil pa. Hinawakan ko sa balikat si Denise tsaka inalis sa daanan ko. Hinawakan niya ang laylayan ng t-shirt ko para pigilan ako pero nawaksi ko lang ang kamay niya.
Hindi pwede sa akin 'to. Kukunin ko kung anong dapat para sa akin.