Inusisa ko si Denise kung bakit nag-alala rin si Paris sa akin pero wala siyang alam sa dahilan. Tinuro niya ako kay Callum kaya kahit hindi naman kami magkasundo kinuha ko ang number niya kay Kuya Justin at nakipagkita.
"Bakit mo ba ako gustong makita? Kung magpapatulong ka sakin para mauto mo si Paris huwag ka ng mangarap. Pagkatapos mo akong bastusin ng ilang beses," intrada niya kaagad hindi pa man din umiinit ang pwet niya nang magkita kami sa bar.
Pinagbuksan ko siya ng beer. Kinuha naman niya pero bago niya inumin ay tinignan muna niya ako na parang akala mo nilagyan ko ng lason ang alak.
"Hindi ko kailangan ng tulong mo para makuha si Paris."
Inubos niya ng isang inuman ang beer tsaka siya tumayo. "Ah talaga? Edi pwede na akong umalis?"
Pinigilan ko siya sa siko tsaka hinila pabalik sa upuan. Inambahan niya ako ng suntok, tinaas ko lang ang mga kamay ko. Hindi naman pakikipag-away ang gusto ko ngayon. "May tanong lang naman ako."
Inayos niya ang damit niya. Pinagpagan pa niya ang parte kung saan ko siya hinawakan. "Ayusin mo lalabas diyan sa bunganga mo, wala na si Kuya Seb para pigilan akong bangasan 'yang mukha mo," seryoso na niyang sabi.
Tumango ako. Kahit naman alam kong kaya ko siyang patulogin ay ayaw kong mas lalong magalit si Paris sa akin. Parang magkapatid na silang dalawa. Lahat ng gagawin ko kay Callum may epekto sa iisipin ni Paris tungkol sa akin.
"Noong na-ospital si Paris, anong dahilan?"
Tumaas ang isang gilid ng labi niya. Kumuha ulit siya ng isang beer at binuksan. "Bakit gusto mong malaman?"
"Sagutin mo nalang para makauwi na tayo pareho."
Natawa siya. "Iyan ba gusto mong malaman o nacurious ka tungkol sa video niyong dalawa?"
Napakunot ang noo ko. "Anong video?"
Lalo siyang natawa. "Your sex tape asshole," tugon niya bago inubos na naman ang isang beer at kumuha muli ng isa.
"Sex scandal? Tangina? Pinagsasabi mo? Hindi kami gumawa ng sex scandal."
Umiling siya. "Wala naman akong sinabi na gumawa kayo. May isa lang talagang gago na manyakis na naglagay ng camera sa niregalo niya kay Paris, nagkataon namang gumawa kayo ng kababalaghan sa kwarto niya edi may instant sex tape kayong dalawa."
"Nasaan na? Kumalat ba?"
Tinapik niya ang balikat ko. "Don't worry dude, wala na. I recover all the copies and destroy it for you guys. Pasalamat ka pinsan ko kasama mo kundi trending ka sana sa buong mundo," pang-asar niya.
"Bakit hindi ko alam 'to?"
"Paris don't want to bother you. She loves you that hard, hindi ba halata?"
Maaga na naman akong napapunta sa bahay nina Paris kinabukasan. Hindi ako nakatulog kaka-isip na nagkaproblema kami pero sinolo niya lang lahat.
Sumabay ako sa pagkain sa kanila, hindi manlang umaangat ang tingin ni Paris at panay lang ang subo niya.
"Ihatid mo ako sa school tapos turuan mo akong magdrive," pabulong na salita ni Denise sa tabi ko.
Sumandal ako ng kaonti sa upuan niya habang hindi inaalis ang titig sa ate niya. "Gawan mo ng paraan na makausap ko ang ate mo na kami lang tsaka kita pagbibigyan."