Balak kong ilibing sa limot lahat ng galit na nararamdaman ko sa pamilya ni Sebastian, plano ko na huwag na silang pansinin at gawing parang hangin lang pero mapaglaro talaga ang tadhana. Kahit anong iwas ko gusto pa rin talaga akong gawing gago.
Pagkatapos ng ilang taon ay muli kong nakita si Paris sa harap ng kwarto ko. Wala siyang pinagbago. Nandoon pa rin ang malumanay niyang tingin at malambing na boses na para sa akin.
Nagpigil ako dahil alam kong wala akong idudulot na maganda sa buhay niya pero nang magkita kami sa bahay ni Darlene nahibang na ako. Akala ko hindi siya papayag, akala ko mag-iinarte at magdadahilan pero hindi.
Binuksan niya ang sarili sa akin. Nag-alangan ako, naawa sa kanya pero para akong nadarang at paulit-ulit ko ng hinanap ang presensya niya.
Ilang beses kong pinaramdam sa kanya na katawan lang talaga ang habol ko pero hindi nagbabago ang kislap sa mga mata niya sa tuwing nakikita niya ako. Palaging halik o yakap ang salubong niya sa akin. Parang may kung ano sa loob ko na gustong-gusto ng magwala.
"Kanino galing ang mga bulaklak?" tanong ko sa guard ni Paris nang minsan ko siyang sinundo sa opisina niya.
"Ah sa mga manliligaw po ni Ma'am."
Mga manliligaw.
Patuya akong natawa. Ang kagaya niya ay hindi ko dapat balaking seryosohin at pagkatiwalaan. Ihuhulog niya lang ako sa kanya at wawasakin. Uuwi akong hawak na siya ng iba at pagsisisihan ko na hinayaan ko ang sarili na malunod sa bait-baitan niya.
Pagkatapos ng trabaho niya pumunta kami sa bistro ni Joseph. Sa tingin palang ng barkada halata ko na binibigyan na naman nila ng kulay na kasama ko si Paris.
"Ang ganda ni tisay namumukadkad kahit gabing-gabi na," bulong ni Matthew sa akin bago niya ako pabirong sinuntok sa tagiliran.
Binatukan ko nga. Alam naman 'yan nila na hindi ako seryoso, walang pinagkaiba sa mga naging karelasyon ko. Init lang ng katawan para sa paghihiganti ko.
Sa gitna ng inuman lumabas si Paris para magpahangin. Naiwan ako sa mga barkada ko na walang ibang ginawa kundi bigyan ng malisya ang lahat.
"Oh, si legal mistress," turo ni Matt sa dumating na si Celine.
Nakangiti ito ng malapad, deretsong umupo sa pinagmulan ni Paris. Kinuha niya sa kamay ko ang iniinom kong beer— hinayaan ko lang siya, ganito naman na kami noon pa.
"Walang shooting?" simula ko ng usapan namin. May pinagsamahan kami ni Celine. Ilang beses ko ng napatunayan ang katapatan niya sa akin. Kaya niyang iwan lahat para sa akin.
"Tapos na. Pupunta ka ba sa premiere night ng movie? It's a big help for me, it will create a big buzz lalo sikat na sikat ka na."
"Ginagamit mo na naman ako."
Tumaas ang kilay niya. Inabot niya ang binti ko tsaka hinaplos iyon. Tinulak ko ng isang beses pero nang binalik niya ulit ang kamay niya hinayaan ko na. "Ako Iros ginamit mo rin naman 'di ba?"
Naiintindihan ko ang tinutumbok niya. Iyon ang panahon na hindi ko alam kung anong gagawin ko sa buhay ko dahil sa biglang pag-alis ni ate. Andoon si Kyle at Remi para makinig sa mga hinaing ko pero si Celine katawan niya ang inalay niya sa akin. Pumayag siya maging parausan ko— maging labasan ng galit na hindi sapat ang salita para kumalma.
"Tapos na 'yon. Kaibigan nalang talaga tingin ko ngayon sa 'yo."
Nalungkot ang mukha niya. "Dahil ba kay Paris? Kasi sa wakas may lakas ka na ng loob na aminin sa sarili mo na siya talaga ang hanap mo? She is to blame why your sister is somewhere you don't know, Iros."