Iros
Parang may nakadagan na mabigat na bagay sa dibdib ko matapos kong umuwi. Hindi naman ako sumusuko, wala akong balak na sumuko pero para akong pinapatay ng paulit-ulit.
Ganito pala 'yon kapag tinaboy ka ng taong mahal mo? Tangina, hindi ko lubos maisip kung ilang sakit na kagaya nito ang naibigay ko kay Paris mula pa noon.
"Tangina tol, sana nang mabangga ako sa Vietnam deretso kamatayan na ako kesa ganito na mahal naman namin ang isa't isa pero parang bawal na."
Hinila ko lang si Kyle mula sa bahay niya papunta sa bistro ni Joseph. Kailangan ko ng kausap kundi mababaliw ako. Sila lang ni Remi nakakaintindi ng nararamdaman ko kay Paris. Sila naman unang nakaalam, mas nauna pa nga nila malaman kesa sa akin.
Kumuha siya ng yosi at inalok ako, tinanggihan ko iyon kahit na naglalaway na ako. Sinusubukan kong alisin ng paunti-unti ang lahat ng bisyo ko, gusto ko rin namang bumagay kay Paris kapag tinabi kami.
"Ang dami mong atraso sa kanya, hindi mo masisi 'yong tao kung ayaw na sa 'yo. Kahit ako man, baka hindi na kita gustong makita buti pa nga si Paris nakakaya pa na makita 'yang pagmumukha mo."
"Ang hindi ko lang maintindihan ay dala-dalawa tinatanggap niyang manliligaw."
Tinapik ni Kyle ang balikat ko. "Ganyan talaga magmove-on ang mga babae. Pinapamukha sa 'yo pati sa sarili nila na kaya nilang palitan ka kahit ilan pa."
Tamayo ako tsaka kumuha ng tako para makisali sa ibang nagbibilyar. Baka kapag naglasing ako doon na naman ako dalhin ng mga paa ko sa tapat ng bahay nila Paris, baka magwala na ako sa pagmamakaawa.
"Kailan alis mo?" tanong ni Matthew bago sumargo na kinalat lang naman ang mga bola sa mesa.
"Sa lunes na."
Naghintay akong mapaso si Mark bago ako naman ang naglaro. Pinasok ko lahat ng bola sa butas. Tangina, isang butas lang gusto kong mapasukan habang buhay pero hindi na pwede.
"Bukas punta tayo sa bahay ni Darlene. House warming," si Mark.
Natawa ako. "Pang-ilang house warming na 'yan? Sobrang init na ng bahay niya sa dami n'on. Naghahanap lang yata ng dahilan para makapagparty."
Pabirong tinulak ni Mark ang balikat ko. Alam nila kung anong ibig kong sabihin. Nakahanap ng matandang politiko 'yon si Darlene at ginagawang excuse ang house party para makipag-anohan sa ibang lalaki, hindi ko nga maintindihan paano sila naging magkaibigan ni Celine— ang isang 'yon may tinatago pero hindi gaya ng kanya. Sinubukan niya akong akitin pero hindi ko tipo ang may asawa na.
"Seryosong house party na 'to. Bagong bahay nila. Tsaka nandoon si Congressman, malamang hindi makaka-aksyon 'yon."
Panay kwentohan na sila kung gaano kagaling si Darlene sa ibabaw ng kama. Tahimik lang akong naglaro ng bilyar, wala na sa isip ko na gumalaw ng ibang babae. Kontento na akong aliwin ang sarili ko hanggang sa bumalik si Paris sa akin, kung babalik, kapag hindi edi kami nalang ni Maria ang magkasama habang buhay.
"Ano, sama tayo bukas?" aya ni Kyle sa akin.
Binigay ko sa kanya ang tako tsaka ko kinuha ang hawak niyang baso ng alak. Ininom ko 'yon tsaka binalik sa kanya. "Sige, huling araw ko naman na rito bukas."
Nag-aayos ako ng bagahe ko nang pumasok si Lola. Aasikasuhin ko na lahat para wala akong iisipin sa araw ng pag-alis ko. Kapag pa naman nagmamadali ako ang dami kong naiiwan.