Iros
Kahit na parang babagsak ang katawan ko ay pinilit kong tumayo. Bumaba ang tingin ko sa tiyan ni Paris. Inisip ko na rin na baka buntis siya sa lahat ng pagbabago sa ugali niya pero hindi ko lubos pinaniwalaan dahil alam kong may contraceptive shot siya.
"B—buntis ka?" pagklaro ko at baka mali lang ako ng pagkakaintindi.
"Yes, unfortunately," mapait na sagot niya. "I am so stupid to forgot about my shot. Ang tanga ko na nagpabuntis ako sa kagaya mo."
Humakbang ako palapit sa kanya, mas may mahalaga pa lang dahilan para mas ipaglaban pa namin ang relasyon namin. Wala na akong pakialam sa ibang sinabi niya. Handa na akong sabihin sa kanya ang lahat lahat nang biglang pumasok si Eaton.
"Labas ka muna. May pag-uusapan pa kaming dalawa," pakiusap ko.
"As much as I want that hindi pwede. May pulis sa baba. They are looking for you."
Napamura ako sa isip ko. May ideya na ako kung sa anong dahilan ba ito. Nilingon ko si Paris pero wala na siya sa kinatatayuan niya kanina, nakapasok na siya sa walk-in. Desidido na talaga siyang iwan ako.
"Pwede mo ba siyang pigilin na umalis?" pakiusap ko kay Eaton.
"I'll see what I can do."
Hinugasan ko muna ang kamay ko na dumudugo tsaka ko binalot ng gauze. Naghilamos din ako tsaka nagpalit ng damit bago ako bumaba. Nagkasalubong pa kami ni Paris sa walk-in pero tanging buntong hininga lang ang nagawa ko.
"Kayo si Iros San Jose, sir?" Sinalubong ako ng apat pulis sa pagbaba ko.
Tumango ako. Ito na nga ba ang sinasabi ni Remi na ikakapahamak ko pero madali namang malusotan itong lahat.
"Sir, may warrant kami para sa 'yo sa salang pagpatay kay George Advincula."
Akmang poposasan ako ng isang pulis nang itaas ko ang kamay ko para iiwas. "Sino? Hindi ko kilala 'yang sinasabi niyo."
"Sumama nalang kayo ng matiwasay, Sir."
"Gago ka ba? Hindi ko nga— tangina!" Napabulyaw ako nang bigla akong itulak ng dalawa papunta sa lapag. Napamura ako ng napamura sa tahasan nilang pagposas sa akin.
"Huwag na kayong magpumiglas, Sir."
Patuloy nila akong dinidiin sa lapag. Sa pagtingala ko ay nakita ko ang pagbaba ni Paris habang hila niya ang luggage niya. Nabitiwan niya ang bagahe sabay takbo papunta sa akin.
"Huwag kang tumakbo!" singhal ko sa kanya nang maalala ko na buntis nga pala siya.
Sapilitan akong tinayo ng mga pulis. Dalawa ang humahawak sa akin habang ang dalawa ay kinakausap si Paris.
"What is going on?"
"May warrant of arrest kami para sa asawa niyo, Ma'am."
Inabot ng pulis kay Paris ang warrant na agad naman niyang binasa. Pakiramdam ko ay tumigil ang mundo ko nang matapos niyang basahin ay tinignan niya ako. Puno ng hindi paniniwala ang mata niya, may mga butil ng luha na nagbabadya na namang mahulog.
Gusto ko siyang yakapin at aluin na walang katotohanan ang bintang sa akin pero hindi ko mabuka ang labi ko. Nakatunganga lang siya sa mukha ko hanggang sa hilahin na ako palabas ng mga pulis.