Nagdalawang isip pa akong bumaba nang marating namin ang bahay nila. Wala na akong magawa kundi bumaba nang pagbuksan na ako ni Justin ng pinto.
Bahagya akong nakayuko habang nakasunod sa likuran ni Justin papunta sa garden area. Lumiwanag ang mukha ko nang makita ko si Kuya Seb na nag-iihaw habang kausap si Nathan, ang kapatid ni Justin. The oldest sa kanilang limang magpipinsan.
Lumapit kami sa kanila. Bahagya pang nagulat si Kuya Seb nang makita niya ako.
"Oh, andito ka," sabi niya.
Nahihiya akong tumango. "Doon ka muna kina Maureen at Lola Arminita," utos niya. Hinawakan niya ako sa balikat tsaka pinatalikod at marahang tinulak.
Nahihiya na naman akong lumapit sa gawi ng Lola nina Justin. Masaya silang nag-uusap pero nang nasa tapat na nila ako ay napatingin sila sa 'kin. Mas lumawak ang ngiti ng Lola nila tsaka tumayo pa ito.
"Hija, andito ka. Ang tagal nating hindi nagkita," bati niya. Hinawakan niya ang kamay ko tsaka niya ako sandaling niyakap. Hinila niya ako paupo sa tabi niya. "Naalala mo pa si Maureen, asawa siya ni Nathan. Ikaw ba may asawa na?"
Nahihiya akong umiling. "Wala pa po, eh."
"Ah, mabuti. Iyong mga apo ko rin ayaw pang magsipag-asawa. Iyon na yata ang uso ngayon," natatawa pa niyang sambitin.
Gaya ng dati ay very accommodating pa rin siya. She made sure na hindi ako left out sa usapan nila ni Maureen. Nang inayos na nina Kuya Seb at Nathan ang mesa ay lumabas na rin ang Lolo nila habang tulak ni Art ang wheelchair niya.
Napayuko ako nang bahagya. Natatakot pa rin talaga ako sa kanya. I can still vividly imagine how he pointed a gun to me, Cali and Kuya.
"Wow, ang galing ng timing ko. Kainan na?" biglang sulpot ni Cali nang nakahanda na lahat ng pagkain.
Umupo siya sa tabi ko at walang hiyang nauna pa talagang kumuha ng barbecue.
"Hala kulang pa pala tayo. Si Iros nasa taas pa tulog pa siguro 'yon."
Napatigil si Cali sa sinabi ni Lola Arminita. Napatingin siya sa 'kin. Hinawakan ko ang binti ko na hindi ko matigil sa paggalaw dahil sa biglang kaba. Parang babaliktad din ang sikmura ko.
"Hija, pwede mo bang akyatin si Iros at gisingin na kakain na?"
"Po?"
Parang nabingi ako ng utusan ako ni Lola Arminita. Alam ko na sinabi ko na susubukan ko pa rin na umasa pero hindi ko akalain na sa ganitong sitwasyon ulit kami magkikita ni Iros.
"Ako nalang po Lola," volunteer ni Kuya Seb upang salbahin ako.
Napakagat ako sa labi ko. Baka kung saan mapunta ang lahat kapag hinayaan ko si Kuya na siya ang gumising kay Iros. Baka magkainitan lang sila kapag nagkataon.
Hinawakan ko ang braso ni Kuya nang dumaan siya sa tabi ko. "Ako na." Tumayo ako at naglakad na papasok sa bahay nila.
Alam ko ang pasikot-sikot sa bahay nila. Dati noong highschool pa lang kami ni Irene ay tambay rin ako ng bahay nila para makita si Iros.
Matagal akong nakatayo sa harap ng pinto niya bago ako tuluyang kumatok. Nang marinig ko ang pagsalita niya sa loob ay kulang nalang tumakbo ako sa kaba pero nanatili akong nakatayo hanggang sa bumukas ang pinto.
Napalunok ako at napalayo ang tingin nang buksan niya ang ilaw sa kwarto niya at makita ko siya ng malinaw. He's wearing a grey sweatpants at walang kahit anong suot sa taas maliban sa silver dog-tag necklace niya. Gulo-gulo rin ang buhok niya at halatang bagong gising.