13

940 39 0
                                    


MY UNIDEAL GIRL

by: sha_sha0808 Ash Simon

CHAPTER 13

Unedited...
"Tapos ka na?" tanong ni Clouds nang
lumabas si Seola sa stock room matapos i-
remit ang kita niya sa araw na ito.
"Oo. May pupuntahan ba ako? Ano ang sabi
ni Red?" tanong ni Seola. Baka may schedule
siya mamaya sa agency.
"Mukha ba akong messenger ni Red?"
tanong ni Clouds kaya napakamot sa ulo si
Seola.
"B-Bakit ka nandito? Wala ka na bang
pasok?" nagtatakang tanong niya.
"Wala na," sagot ni Clouds. "Halika na."
"Saan tayo pupunta? Maglalaba pa ako
ngayong hapon sa kabilang village, wala na
kaming pambigas ni Ash," sagot ni Seola.
Nakasalubong niya noong isang araw ang
suki niya sa paglalabada at sinabing
magpapalaba ito. Siyempre tuwang-tuwa
naman siya. Sayang din ang 250 na bayad
nito. Ilang kilo na ng bigas ang maibili niya.
"Isang oras lang, Seola," sabi ni Clouds kaya
pinagbigyan na ng dalaga. Sumunod siya kay
Clouds palabas ng paaralan. Medyo
dumistansiya siya dahil baka kung ano pa
ang isipin ng mga ito.
"Idol!"
"Hello, Ate Singer!"
Tawag sa kaniya ng mga estudyanteng
nakakasalubong nila. Nang dahil sa pagkanta
niya kahapon, singer na ang tawag sa
kaniya. Dumarami na rin ang mga bumibili sa
kaniya.
Tumigil si Clouds at nilingon siya. "Bilisan
mo nga ang paglalakad!"
"B-Baka kasi kung ano ang sabihin nila
kapag magkasama tayo," mahinang sabi ni
Seola.
"Manager mo ako kaya ano ang masama
kung magkasama tayo?" tanong ni Clouds
kaya tumahimik na ang dalaga. Nagtataka
man siya kung saan sila patungo pero mas
pinili niyang huwag na lang kumibo at
sumunod na lang sa binata hanggang sa
tumigil sila sa ice cream house na malapit
lang sa Westbridge.
"Halika na," yaya ni Clouds nang mapansing
tumigil si Seola.
"Sige," ani Seola. Kilala niya si Clouds, wala
siyang mapala sa ganito at paiinggitin lang
siya nito.
"Maupo ka muna dahil baka mawalan tayo
ng table," bilin nito kaya tumango si Seola
at naupo matapos niyang ilapag sa ibabaw
ng mesa ang dalang bag.
Iginala niya ang paningin. Ang daming
estudyanteng narito. Up and down ang ice
cream house at napalunok siya ng laway
nang makita ang presyo ng ice cream. Ang
mahal. Pinakamababa yata ay isang daan.
Maraming branch na ito lalo sa mall pero
ang sabi, ito raw ang main branch nitong ice
cream house.
"Here," ani Clouds at inilapag ang ice cream
na may rainbow color.
"Hindi ako makakain, 'di ba? Sana kahit
tubig ay ilibre mo ulit ako," hiling ni Seola.
Masarap ang hitsura ng ice cream kaya
kailangan niya bg tubig. At least nakaamoy
siya nito at nakapasok sa mamahaling ice
cream house na ito.
"Hindi naman masama na kumain ka kahit isa
lang. Nextweek pa natin malalaman ang
schedule mo sa Bright Star kaya puwede ka
pang kumain ng ice cream," sabi ni Clouds
kaya lumiwanag ang mukha ng dalaga.
"T-Talaga?" bulalas niya. Tumango si Clouds.
"Pero bawal ka nang uminom ng malamig na
tubig, okay?"
"Yes, manager!" masayang sabi ni Seola at
kinuha ang maliit na kutsarita at kumain.
"Hmmm? Ang sarap!"
"Hinaan mo lang ang boses mo, baka isipin
nilang hindi ka nakatikim ng ice cream,"
saway ni Clouds. "Isa pa, bagalan mo ang
pagkain! Maging babae ka naman kahit
ngayon lang!"
"Hindi pa nga ako nakatikim sa ganito
kasarap na ice cream," tuwang-tuwang sabi
ni Seola at walang pakialam sa pagsaway ni
Clouds.
"Bagalan mo ang pagkain para malasap mo
ang sarap," suhestiyon ni Clouds dahil para
itong baboy kung lumamon. "Hindi ka na
puwedeng dumagdag."
"Seola!" bati ni Red nang palapit sa kanila.
Kasama nito ang dalawang kaklaseng babae.
"Sir Red," nakangiting wika ni Seola.
"Magandang hapon po."
Tumawa si Red. "Masyado naman yatang
pormal kapag tawagin mo akong sir? Kapag
nasa agency na lang 'yan. Red na lang kapag
nasa labas tayo."
Hinila ni Red ang dalawang upuan para sa
dalawang babae.
"Ako na ang bibili. Tig dalawa sa amin ni
Chummy," sabi ni Yesha at inilahad ang
kamay kay Red para humingi ng pera.
"Kahit lima pa," nakangiting sabi ni Red at
kinuha ang pera sa pitaka saka ibinigay ang
isang libo kay Yesha. Sumama si Chummy sa
kaibigan kaya naiwan silang tatlo sa mesa.
"Sir--" Seola.
"Red na lang, 'di ba?" pagputol ni Red.
"Pina-practice lang ni Seola na maging
pormal para hindi siya magkaroon ng isyu sa
agency ninyo," sabat ni Clouds at
ipinagpatuloy ang pagkain.
"Iba sa agency at iba sa labas," ani Red.
"Pareho pa rin 'yon. Boss ka namin!" ani
Clouds at ipinagpatuloy ang pagkain.
"Gusto mo pa? Order kita. Eat-all-you-can,"
tanong ni Red kay Seola nang mapansing
paubos na ang ice cream nito.
"Bawal na siyang magpadagdag," sabat ni
Clouds at napataas ang kilay nang mahinhing
pinahidan ni Seola ang mga labi saka
binagalan ang pagkain ng ice cream.
"Why not? Treat ko," tanong ni Red.
"Alaga ko siya kaya ako ang mas nakakaalam
sa kakainin niya at hindi!" seryosong sagot ni
Clouds at sinalubong ang mga titig ng
pinsan.
"A-Ahm... O-Okay na po ako sa ice cream
na ito, Sir Red. Busog na po ako dahil
kumain din ako ng kikiam na paninda ko
kanina. Nextime na lang po," sabat ni Seola
at nginitian ang boss.
"Ganoon ba? Ikaw ang bahala pero sabihin
mo lang kung gusto mo pa. Wait lang,
salubungin ko lang ang dalawa." Paalam ni
Red nang makitang palapit na sina Yesha at
Chummy sa kanila.
"Bakit ganiyan ka kung kumain? Kanina lang,
para kang pulubi ah!" puna ni Clouds.
"Nakakahiya naman kapag maging burara ako
sa harapan ni Sir Red," bulong ni Seola.
"Psh! Kumain ka kagaya ng kanina! Huwag ka
ngang plastik!"
"Hindi ako plastik!" depensa ni Seola.
"Mahirap bang magpakadisente sa harap ng
boss mo?"
"Sana kanina mo pa ginawa 'yan!" ani Clouds
na medyo tumaas ang boses.
"Ikaw lang naman kaya okay lang 'yan!" sabi
ni Seola. Wala siyang pakialam kay Clouds.
Lahat naman ng gagawin niya, mali sa
paningin ng mokong e.
Tumahimik na si Clouds nang malapit na ang
tatlo sa kanila.
Naupo ang mga ito sa harapan nila.
"Magpapadagdag ako ng isa pang ice cream
mamaya," sabi ni Chummy.
"Tsk! Ubusin mo muna 'yang dalawang in-
order mo. Kaya ka tumataba eh," sabi ni
Red.
"So? Kung ayaw mo, huwag ka nang
magpagawa ng assignment sa amin!"
nakasimangot na sabi ni Chummy.
"Si Yesha ang gumagawa ng assignment ko
at hindi kayo. Sampid ka lang e," sabi ni Red
at napatingin kay Yesha saka inagaw ang
cellphone nito.
"Ano ba! Ibalik mo ang cellphone ko!" galit
na sabi ni Yesha.
"Kumain ka muna. Pagkain muna bago ang
cellphone," sabi ni Red at ibinalik ang
cellphone ng dalaga.
"Ang ingay ninyo!" reklamo ni Clouds at
binilisan ang pagkain saka siniko si Seola na
mas mabagal pa sa pagong kung kumain
pero inirapan lang siya ng dalaga. "Bilisan
mo at may gagawin pa tayo."
"Seola?" tawag ni Red at inabot sa dalaga
ang cellphone. "Tingnan mo 'to, sikat ka
na."
"H-Ha?" ani Seola at tiningnan ang
pinapakita ni Red. Nanlaki ang mga mata
niya nang makita ang sariling kumakanta
habang may nagvi-video. Ito ang nangyari
kahapon. Ang daming views at comments
tapos marami rin ang nag-share. May
caption pa na "The Singing Tindera".
"N-Nakakahiya..." sabi niya at ibinalik kay
Red ang cellphone nito.
"Huwag kang mahiya, makakatulong 'yan
para mas makilala ka ng mga tao,"
nakangiting sabi ni Red at kinindatan ang
dalaga.
"Naku, ang mga estudyante talaga sa
Westbridge," nakangiting sabi ni Seola.
Pinilit lang talaga siya kahapon pero hindi
niya akalaing may kumuha pala ng video at
nagpasa sa iba't ibang FB page.
"Sisikat ka. Aalagaan ka ng agency namin,"
sabi ni Red at napasulyap sa dalawang
kaibigan na wala nang pakialam sa kanila
dahil busy sa pagkain ng ice cream.
Pustahan, iniisip ng mga ito ang pagdagdag
nila kapag maubos ang kinakain.
"Hindi ba puwedeng manager muna ang
mag-aalaga sa kaniya?" sabat ni Clouds.
"Tapos na po kaming kumain, Sir. Mauna na
po kami ni Clouds," paalam ni Seola. Siya
ang nahihiya sa pinagsasabi ni Clouds.
"Sige, ingat ka, Seola."
"Si Seola lang? Pinsan ba kita?" sabat na
naman ni Clouds kaya natawa si Red.
"Mag-ingat siya sa 'yo, Ulap," sagot ni Red
at napailing sa pagkasuplado ng pinsan.
Ayan na, lumalabas na ang pagiging
Villafuerte nitong mainitin ang ulo.
"Oo na lang, Pula!" nakasimangot na sabi ni
Clouds saka hinila si Seola palabas ng ice
cream house.
"Ang sarap naman ng ice cream nila," puri ni
Seola nang napalingon sa pinasukan nila
kaninang ice cream house.
"Bilisan mo na--" Natigilan si Clouds nang
makasalubong ang nakababatang pinsan.
"Tin? Ano ang ginagawa mo rito?"
"Gusto ko pong kumain ng ice cream," sagot
ng dalagita na pumuslit sa bodyguard nito.
"Nanaman? Pagagalitan ka na naman ng
daddy mo," sabi ni Clouds.
"Kuya naman. Huwag mo akong isumbong,"
nakalabing sabi ni Tintin at ipinakita ang
maliit na card. "Sayang ang unlimited free
ice cream ko."
"Bahala ka. Nasa loob si Red kaya
magpahatid kang umuwi, okay?"
Tumango si Tintin at niyakap ang pinsan.
"Dalaw ka minsan sa house, miss ko na po
kayong Team Galaxy."
"Ako lang ang i-miss mo, huwag na ang
lima," sabi ni Red.
"Team kayo kaya lahat kayo miss ko na,"
nakangiting sagot ni Tintin at pumasok na sa
ice cream house na paborito niyang
puntahan. Paano, binigyan siya ng mommy
niya ng card for unli ice cream sa ice cream
house na ito.
"Pinsan mo? Ang ganda niya," puri ni Seola.
"Wala akong kapamilya na pangit," proud na
sabi ni Clouds at napasulyap sa mukha ni
Seola.
"Bakit ganiyan ka makatingin sa akin?"
nagtatakang tanong ni Seola.
"Wala," sabi ni Clouds saka pumara ng taxi
at nagpahatid sa mall.
"Maglalaba pa ako eh!" reklamo ni Seola.
"Bukas na lang. Tawagan mo siya at
sabihing may mahalaga kang gagawin," sabi
ni Clouds.
"Wala na akong pera!" reklamo ng dalaga.
"Saan ba ang may sanlaan ng panty at
maisangla ko ang hindi ko na ginagamit?"
Sinamaan siya ng tingin ni Clouds.
Makapagsalita ito, parang wala silang
kasamang taxi driver e.
Pagdating nila sa mall, dumiretso sila sa
house appliances at bumili si Clouds ng air
cooler fan tapos umuwi na.
"Gamitin mo ang isa para kay Ash," sabi ni
Clouds at ibinigay ang kulay pink kay Seola
nang makapasok sila. Sinipa niya ang sandal
ni Seola para tumabi sa sapatos niya. Wala
pa ang kay Astray Czarina kaya sigurado
siyang nasa school pa ang bata. "Matuto ka
namang maglagay nang maayos ng mga
sapatos at tsinelas natin! Ako na lang ba
palagi ang mag-aayos?"
"Para sa amin 'to?" tanong ni Seola na hindi
na pinansin ang huling sinabi ni Clouds.
"Para kay Ash para hindi siya mainitan sa
gabi," pagtatama ni Clouds at pumasok na
sa kuwarto bitbit ang air cooler niya.
"Salamat, Ulap!" pahabol niya pero isinara
na ng binata ang pinto. Ano kaya ang nakain
nito at nanlibre sa kaniya ngayong araw?

My Unideal GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon