MY UNIDEAL GIRL
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 19
Unedited...
"Clouds? Bakit ngayon ka lang?" tanong ni
Seola at tumayo nang makitang pumasok si
Clouds. Tahimik na inayos nito ang mga
tsinelas nila dahil nakakalat na naman sa
doormat.
"Clouds? Galit ka ba sa akin?" tanong ni
Seola.
"Bakit gising ka pa?" tanong ng binata. Alas
diyes na ng gabi at kapag ganitong nandito
si Seola, natutulog na sila.
"Hinihintay kita. Kanina pa kita tinatawagan
pero hindi kita makontak," sagot ng dalaga.
"Dumaan lang ako kina Luke," sagot ni
Clouds. "Matulog ka na."
"Kumain ka na? Nagluto ako ng sinigang na
bangus," sabi ni Seola. Gusto niyang
ipagluto ito dahil sigurado siyang napagod
din si Clouds sa kakabantay kay Ash sa
hospital. After kasi ng klase nito,
dumidiretso ito sa hospital.
"Kumain na ako kina Luke," sagot ni Clouds.
"N-Nakainom ka?" Naaamoy kasi ng dalaga
ang alak.
"Kaunti lang," tipid na sagot ng binata at
nilagpasan si Seola.
"Clouds!" Pinigilan niya ito sa braso kaya
humarap si Clouds sa kaniya. "P-Pasensiya
ka na kung dahil kay Ash, napagod ka.
Hayaan mo, ako na lang ang pupunta sa
agency para hindi ka mapagod."
"Magpahinga ka na, Seola. Alam kong
pagod ka na rin," mahinang sagot ng binata.
Lasing na nga siya. Ang ganda na ni Seola
sa paningin niya e.
"Clouds? Salamat sa lahat," taos-pusong
pasalamat ng dalaga. "Hindi mo pinabayaan
si Ash kahit na pagod ka. Salamat sa
pagbantay at salamat sa pag-alaga habang
wala ako."
"Masaya ako sa ginagawa ko, Seola. Hindi
mo na kailangang magpasalamat."
Tumalikod na si Clouds para lumapit sa
pinto ng kuwarto niya pero napatigil sa
paghakbang nang maramdaman ang mainit
na mga kamay ni Seola na pumulupot sa
bewang niya.
"Alam kong galit ka dahil iniwan ka namin
kanina. Pasensiya ka na, siya kasi ang
nagpautang sa akin at wala na akong
matatak--"
Nanlaki ang mga mata ni Seola nang
angkinin ni Clouds ang mga labi. Mabilis lang
iyon pero ramdam na ramdam niya ang
lambot at init niyon.
"H-Hindi ko alam kung bakit ko ginawa iyon
pero gusto ko lang malaman mo na iyon ang
gusto kong gawin, Seola," nahihirapang sabi
ni Clouds habang nakatitig sa mga mata ng
dalaga. "Goodnight, Pancit Canton Girl."
Hindi niya kayang kumilos habang ang mga
mata ay nakatingin kay Clouds na papasok
sa kuwarto nito. Gusto sana niyang tumakbo
nang lumingon si Clouds pero namamanhid
ang mga paa niya.
"Gusto ko ng pancit canton bukas,"
nakangiting sabi ni Clouds bago tuluyang
isinara ang pinto.
"Ate Seola? Tulog na po tayo," yaya ni Ash
nang lumabas na kakagising lang at magulo
pa ang mga buhok.
"B-Bumalik ka na sa pagtulog, susunod ako.
L-Liligpitin ko pa ang pagkain sa mesa."
Nakalabing tumango si Ash at muling
bumalik sa higaan nila.
-------------------
Kinabukasan, nagising si Clouds sa amoy ng
pancit canton kaya napayakap siya sa unan.
Ang sakit pa ng ulo niya dahil sa pag-inom
sa bar kagabi. Hindi totoong magkasama sila
ni Luke. Mag-isa siyang tumungo sa bar
para ibuhos ang sama ng loob sa alak. Nang
hindi na niya nakayanan ay umuwi na siya.
Mabuti na lang dahil nasuka siya habang
naglalakad papasok sa eskinita kaya medyo
nawala ang lasing niya.
"Damn!" sambit niya habang nakatingala sa
marupok na bubong ng bahay na
tinutuluyan nila.
"Shit!" muling sambit niya at napahawak sa
mga labi habang nakangiti nang maalala ang
nangyari kagabi.
Tumayo siya at kinuha ang tuwalya saka
lumabas.
"Morning, Kuya Clouds!" masiglang bati ni
Ash.
"Morning," tipid na sagot ni Clouds at
napasulyap kay Seola na mini-mix ang
seasoning ng pancit canton. "Morning,
Seola."
Napatingin si Seola kay Clouds.
Naramdaman niya ang pag-init ng pisngi
nang mapadako ang mga mata sa mga labi
nito.
"M-Morning..." nauutal na sagot ni Seola.
"Maliligo lang ako para kakain na tayong
tatlo," paalam ni Clouds na tinanguan ni
Seola.
Matapos ang kalahatibg oras, nakaupo na
silang tatlo sa dining room.
"Ate? Sinigang na lang po ang ulam ko,"
sabi ni Ash. May natira pang sinigang kagabi
dahil hindi kumain si Clouds.
"Sige," ani Seola. "Ikaw Clouds?"
"Pancit canton," sagot ni Clouds at kinuha
ang pancit canton saka sinubukang iulam sa
kanin. Firstime niyang gawin ito. Nakikita
lang niya na ito ang ginagawa nina Seola at
Ash kaya gusto niyang subukan.
"Gusto mo ng sabaw?" alok ni Seola.
"Ayaw ko," tanggi ni Clouds.
"Pero baka may hangover ka pa," nag-
aalalang sabi ni Seola at uminit naman ang
pisngi nang maalala ang ginawa ni Clouds
kagabi. Gusto niyang tanungin ito pero
nahuli niyang umiwas ito ng tingin nang
mapasulyap siya sa mukha ng binata.
"Haist! Medyo masakit pa nga ang ulo ko
kaya wala akong maalala sa nangyari kagabi,"
sabi ni Clouds at napahawak pa sa ulo.
"W-Wala kang maalala?" tanong ni Seola.
Inosenteng napatitig si Clouds saka umiling.
"M-May nangyari ba, Seola? M-May nagawa
ba akong hindi kanais-nais?"
Naikuyom ni Seola ang kamao. Hindi niya
alam kung magagalit kay Clouds o hindi.
Matapos siya nitong halikan kagabi, wala
palang maalala ang mokong?
"Ano ba ang ginawa ko kagabi, Seola?
Pasensiya ka na, ganoon talaga ako kapag
malasing e, nakakalimutan ko ang lahat."
"Okay lang, wala namang nangyari. Natulog
ka lang pagdating mo," sagot ni Seola at
nilagyan ng pancit canton ang plato niya
saka walang hiyang sumubo nang marami sa
harapan ni Clouds.
"Baka mabulunan ka, Seola," nag-aalalang
sabi ni Clouds sabay abot ng tubig.
"Gusto kong kumain nang kumain, Clouds.
Hayaan mo na ako," sabi ni Seola na
salubong ang kilay. Gusto niyang sumbatan
ito pero sabi nito, wala itong maalala. Baka
mamaya, siya pa ang lalabas na masama
dahil lasing ito.
"Clouds--"
"Wala talaga akong naalala, Seola," mabilis
na sagot ni Clouds kaya natigilan ang
dalaga.
"Wala pa akong sinasabi."
"W-Wala pa ba?" tanong ni Clouds na
napakamot sa ulo.
"Next week na pala i-release ang album ko
sabi ni Sir Red," ani Seola.
"Congrats," bati ni Clouds kaya matamis na
ngumiti si Seola.
"Malaki ang pasasalamat ko sa agency lalo
na kay Sir dahil binigyan niya ako ng chance.
Kung hindi dahil sa kaniya, hindi pa sana ako
magkaka-album," sabi ni Seola na puring-
puri kay Red kaya tumigil sa pagkain si
Clouds. "Minsan ka lang kasi makakita ng
boss na guwapo na, mabait pa."
Napatingin siya kay Clouds na tumayo.
"Tapos ka na?" tanong ni Seola. Napatingala
rin si Ash sa binatang umiba ang mukha.
"May hangover pa ako kaya nawalan ako ng
gana," sagot ni Clouds at dumiretso sa
kuwarto para mag-ayos dahil papasok pa
siya.
"Psh! Mabait my ass!" bulong ni Clouds
habang nagpapalit ng damit.
Paglabas niya, nagliligpit si Seola ng
pinagkainan nila.
"Huwag kang pumasok, Ash. Bawal ka pang
bumalik sa school," bilin ni Clouds at
napatingin kay Seola. "Huwag ka ring umalis
ng bahay dahil walang magbabantay kay
Ash."
"Maglalabada ako pero dalhin ko lang ang
damit ng kapitbahay rito para may bantay si
Ash. Sayang din kasi ang kikitain ko," sagot
ni Seola kaya tumango si Clouds.
Nasa pinto na ang binata nang muli niyang
tawagin. "Clouds? Nakalimutan mo ang
gitara mo?"
Sa pagkakatanda niya, palagi nitong dala
ang gitara dahil gumagawa ito ng bagong
kanta para sa comeback nito.
Iniwas ng binata ang mga mata. "Iniwan ko
sa condo ni Luke para hindi na ako
magbibitbit araw-araw. Mas safe roon kaysa
rito sa bahay. Baka mamaya, mawala pa.
Ang mahal pa naman no'n," sagot ni Clouds.
"Oo nga e, ang bigat kaya bitbitin. At least
kapag mag-practice ka, nandoon na," ani
Seola.
"Alis na 'ko, alagaan mo si Ash."
"I will," sagot ng dalaga.
Nang makaalis si Clouds, kinuha niya ang
labahin sa kapitbahay at sa labas siya
naglaba.
"Ate?"
"Doon ka sa loob. Bawal ka pang lumabas
dahil hindi ka pa magaling."
"Ate Seola? Uuwi po ba si Kuya Clouds
dito?" tanong ni Ash.
"Mamaya. May klase lang siya," sagot ni
Seola at tumayo saka pinunas ang may
bulang kamay sa likod ng sa shorts niyang
hanggang tuhod saka lumapit sa kapatid.
"Ash? Secret lang natin na kasama natin
dito sa bahay ang Kuy Clouds mo, okay?"
pakiusap niya sa kapatid. Kahit ang
magkapatid na kaibigan niya ay pinakiusapan
din niya.
"Bakit po?"
"Kasi, bawal. Alam mo naman ang mga
sikat, 'di ba? Alam mong singer si Kuya mo
Clouds kaya bawal malaman ng lahat na dito
siya nakatira," paliwanag ni Seola.
"Kahit kanino po?" inosenteng tanong ng
bata.
"Kahit kanino," ani Seola kaya tumango ang
kapatid. Madaling makaintindi si Ash kaya
wala siyang problema. Sa katunayan,
pangalawa ito sa klase. Hinihila lang talaga
ito ng projects dahil siya lang naman ang
gumagawa ng proyekto ng kapatid. Hindi
naman siya magaling gumuhit o mag-
lettering.
Pumasok ang bata kaya tinapos na niya ang
paglalaba. Nang magtanghalian, nagluto siya
saka sabay silang kumain. Panay rin ang
tawag ni Clouds kung kumusta na si Ash.
Nang may kumatok ay si Ash na ang
tumakbong bumukas ng pinto.
"Kuya Red!"
"Hello, Miss Beautiful," nakangiting bati ni
Red at binuhat ang bata. "Kumusta ka na?"
"Mabuti naman po," masayang sagot ng bata
matapos abutin ang binibigay ni Red na
laruang manika sa kaniya.
"Good to hear," ani Red.
"S-Sir? Napadalaw ka po?" nahihiyang
tanong ni Seola. Ang kalat pa naman ng
bahay nila.
"Gusto ko lang kumustahin si Ash," sagot ni
Red.
"G-Ganoon ba? Pasensiya ka na po sa
bahay, hindi pa ako nakapagligpit,"
paumanhin ni Seola.
"Wala iyon. May dala pala akong merienda,
kain tayo."
"Wow! May cake po," bulalas ni Ash pero
agad na nanahimik nang sawayin siya ng
mga mata ni Seola.
"Kain tayo?" yaya ni Red na agad na
ikinatango ng bata.
"Ayusin ko po muna ang mesa," sabi ni Seola
at kinuha ang bitbit ni Red na pagkain.
Naiwan ang dalawa sa sala. Nang matapos
ayusin ni Seola ang cake at donuts sa mesa,
tinawag na niya ang dalawa.
"Ang sarap po," masiglang sabi ni Ash na
may icing sa sa gilid ng labi.
"Dahan-dahan lang, baka mabulunan ka,"
saway ni Seola sa kapatid. Natawa si Red
dahil ang cute ni Ash.
"Hayaan mo lang siya, ang cute kaya niya
tingnan," puri ni Red na ikinapula ng
magkabilang pisngi ni Astray Czarina.
"Seola? Puwede bang makigamit ng CR?
Naiihi na kasi ako," paalam ni Red dahil
kanina pa siya nagmamaneho pero walang
madaanan na public CR.
"Sige po," sagot ni Seola at sinamahan si
Red sa banyo nila. "Pasensiya na kung
medyo madumi." Pasimpleng napasulyap
siya sa loob ng banyo. Nakahinga siya nang
maluwag nang malinis naman ito dahil si
Clouds ang huling gumamit kanina.
Kakapasok lang ni Red nang bumukas ang
pinto.
"Kuya Clouds!"
Nanlaki ang mga mata ni Seola at agad na
tumakbo palapit kay Clouds.
"Lumabas ka muna!" ani Seola.
"Bakit ba? Kaninong sapatos 'to?" tanong ni
Clouds at napasulyap kay Ash na kumakain
ng cake. "Bumili kayo ng cake?"
"Dala po ni Kuya Red," sagot ni Ash kaya
napatingin si Clouds sa dalaga.
"Pumunta si Red dito?"
"H-Ha? Ah... Eh..."
"Nasa CR po siya," sabat ni Ash kaya
napakagat sa ibabang labi si Seola.
"C-Clouds? Sa kuwarto ka na muna, huwag
kang lumabas, okay?" Tinulak niya si Clouds
papasok sa kuwarto pero nagmamatigas ang
katawan ng binata.
"Bahay ko rin 'to, Seola. Nagbabayad ako ng
renta!"
"Clouds naman, magtago ka na, please,"
pakiusap ni Seola at sapilitang tinulak ang
binata papasok sa kuwarto nito.
"Fine! Itulak mo lang ako palayo dahil
nandito si Red! Okay lang! Palaging okay
lang!" galit na sabi ni Clouds at binuksan
ang pinto saka pabagsak na isinara.
"Hindi ka na nakakatuwa, Seola!" bulong ni
Clouds at pabagsak na inihiga ang katawan
sa kama. Pagod pa naman siya tapos ito pa
ang madadatnan niya?
Mas lalong nagngingitngit siya sa galit nang
marinig ang boses ni Red na nakikipag-usap
sa dalawa.
"Kuya Clouds?" pabulong na tawag ni Ash
nang pumasok ito.
"Bakit nandito ka?" tanong ni Clouds.
"Inaantok na po ako. Puwede bang tumabi
sa pagtulog?" tanong ng bata.
"Sige, matulog ka na," ani Clouds na
hinayaang humiga ang bata sa kama niya.
Niyakap ni Ash ang hotdog pillow kaya
napangiti si Clouds habang pinagmasdan
ang mala-anghel na mukha ng bata.
"Kapag magkaanak ako, gusto kong
magiging kamukha mo siya," bulong niya sa
batang mahimbing na ang tulog.
Dahan-dahan siyang lumapit sa pinto na
parang magnanakaw sa hating-gabi. Maingat
na binuksan niya ang pinto na sakto lang
para masilip ang dalawa sa labas.
Tumayo si Red. "Uuwi na ako, Seola."
"Salamat po sa merienda," nakangiting
pasalamat ni Seola.
"Talagang ngingiti-ngiti pa siya!" galit na
wika ni Clouds.
Nakalabas na si Red kaya binuksan ni Clouds
ang pinto.
"Clouds? Mag-merienda ka muna, may
dalang cake si Sir Red," alok ni Seola.
"Hindi ako mahilig sa cake!" sagot ni Clouds
at lumapit sa kusina.
"Ano ang gusto mong kainin?"
"Wala!"
"Gusto mo ng pancit canton? Iluluto kita,"
alok ni Seola na nakipagtitigan kay Clouds
na walang emosyon ang nga mata.
"Chili-mansi!" sagot ni Clouds kaya ngumiti
ang dalaga.
"Pancit canton is coming," sabi ni Seola at
nagluto ng pancit canton para kay Clouds.
Nagulat siya nang maramdaman ang baba ni
Clouds sa kanang balikat niya. "Matagal pa
ba 'yan?"
"One minute," sagot ng dalaga na hindi
makakilos nang maayos dahil sa presensiya
ng binata. Nalalanghap pa niya ang pabango
nitong masarap langhapin dahil hindi
masakit sa ilong.
"Seola?" malambing na tawag ni Clouds saka
niyakap ang bewang ng dalaga. "About pala
kagabi..."
Nanigas na naman ang katawan ni Seola.
Naalala kaya ni Clouds ang nangyari?
"K-Kalimutan na natin ang nangyari, Clouds.
Wala naman talaga," sabi ni Seola at
tinanggal ang nakapulupot na kamay ng
binata sa bewang niya saka lumayo rito.
Ngumiti si Clouds saka tinalikuran siya.
"Nag-kiss kaya tayo kagabi, tandang-tanda
ko pa eh," mahinang sabi ni Clouds na tama
lang sa pandinig ni Seola.
"Akala ko ba, wala kang maalala?" galit na
tanong ni Seola na pulang-pula na ang
mukha lalo na ang ilong niya.
"Psh! Paano ko makalimutan eh, firstime
kong humalik sa pangit," nakangising sabi ni
Clouds kaya naikuyom ni Seola ang kamao.
"Guwapo ka ba?" singhal niya.
Naupo si Clouds at pinagmasdan si Seola na
tinitimpla ang pancit canton niya.
"Pangit na nagkaroon ng karapatan para
saktan ako nang hindi niya nalalaman,"
bulong ni Clouds habang nakatingin sa
ginagawa ng dalaga.