MY UNIDEAL GIRL
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 27
Unedited...
"Saan ka pupunta?" tanong ni Star sa
kapatid pero hindi na lumingon si Clouds at
lumabas sa bar.
Sumakay siya sa taxi na nag-aabang sa
pasahero sa gilid ng kalsada.
"Saan ho?" tanong ng taxi driver.
"Pakisundan ng BMW na 'yan," pakiusap ni
Clouds kaya sinunod naman siya ng driver.
Dalawa o tatlo ang pagitan nila ng sasakyan
ni Red pero hindi naman niya kailangang
sundan talaga dahil alam naman niya kung
saan ang uuwian ni Seola. Maliban na lang
kung sa ibang kama ihahatid ni Red.
Nang makarating sila sa lugar ni Seola,
bumaba siya matapos bayaran ang driver.
Tumambay muna siya mambabalot nang
makita ang sasakyan ng pinsan na
nakaparada.
Matapos ang ilang minuto, bumalik na si Red
at sumakay sa sasakyan saka umalis.
"Salamat po sa balut, Manong," pasalamat ni
Clouds.
"Ako nga ang dapat na magpasalamat kasi
bumili ka," masayang sagot ng matanda kaya
tumango si Clouds at naglakad patungo sa
boarding house nina Seola.
Naupo siya sa mahabang upuang gawa sa
kahoy na nasa tapat ng bahay at kinuha ang
cellphone.
"Hello?" tanong ng nasa kabilang linya.
"Ash."
"Kuya Clouds? Miss na po kita!" bulalas ni
Ash.
"Miss na rin kita. Natutulog na ba kayo?"
tanong ni Clouds at napatingala sa kuwarto
nina Seola na bukas pa ang ilaw.
Napapamura siya dahil ang dami ng lamok
na pumapapak sa dugo niya.
"Hindi pa po ako, Kuya Clouds. Pero si Ate
Seola, tulog na po nang ihatid ni Kuya Red."
"Magpahinga ka na rin, gabi na," ani Clouds.
"Kuya Clouds? Kailan ka pupunta?" tanong ni
Seola at tumayo pero natumba kaya
nadaganan niya ang katawan ng kapatid.
"Ano ba!" reklamo ni Seola.
"Kuya Clouds? Nagising ko po si Ate."
Napabangon si Seola nang marinig ang
pangalan ni Clouds. Iginala niya ang mga
mata. Nasa kuwarto na siya. Ang huling
naalala niya, nasa loob siya ng sasakyan ni
Red kanina.
"Si Clouds ang kausap mo?" tanong ng
dalaga at tumango si Ash.
"Ate naman!" reklamo ni Ash nang hablutin
ni Seola ang cellphone.
"Clouds? Kung galit ka sa akin,
nagpapasalamat ako dahil hindi mo dinamay
ang kapatid ko."
"Matulog ka na," sabi ni Clouds.
"Nasaan ka na? Nasa bar ka pa ba?"
Hindi sumasagot si Clouds sa kabilang linya
kaya inulit niya ang tanong. "Nasa bar pa
kayo?"
"Oo," sagot ni Clouds kaya sumimangot siya.
"Uminom ka na alam mo namang si Ash lang
ang madadatnan mo?"
"I'm fine. Matutulog na kami!" naiinis na
sagot ni Seola. Ne hindi man lang kinumusta
kung okay ba siya? Kung safe ba siyang
nakauwi? Mas nag-aalala pa ito kay Ash
kaysa sa kaniya.
"Okay."
"Umuwi ka na rin dahil gabi na. Baka
matsismis ka na naman," sabi ni Seola.
Marami ang babae sa bar kanina kaya
malamang, may makilala na naman si Clouds.
Napatingin siya sa cellphone. Wala na pala si
Clouds sa kabilang linya.
"Pinatayan ako."
"Ate Seola? Amoy alak ka po," sabi ni Ash
kaya tumayo si Seola.
"Magpupunas lang kaya matulog ka na."
---------------------
"Naiiwan ka na sa ere, Clarissa!" galit na sabi
ng ina niya nang pumasok sa mini studio
niya.
"Pinagsasabi mo? Marami pa rin akong
proyekto," depensa ng dalaga.
"Really? Kaya pala mas pinili ng Priza na si
Seola ang maging model nila," panunuya ng
ina niya na ikinabigla ni Clarissa. Kinausap
siya ng advertising representative ng Priza
na isa sa mga malalaking clothing company
ng bansa at ang sabi ay siya ang napipisil na
maging endorser dahil mag-i-expire na ang
kontrata ng isang sikat na teen actress.
"P-Pero hindi pa sila nakapili."
"Nakapirma na si Seola at ang manager
niya!" galit na sabi ni Rica at napatingin sa
manager ni Seola. "Ikaw? Wala ka na bang
ginawa para sa alaga mo? Palagi na lang
kayong nalulusutan!"
Nanghihinang napaupo si Clarissa. Hindi siya
naniniwala sa mga nangyayari.
"Kung ganito ka na lang palagi, mas mainam
pa na tumigil ka na sa pagkanta bago ka pa
malaos, Clarissa!" madiin na sabi ng ina
bago lumabas.
"T-Totoo ba?" tanong ni Clarissa na
humarap sa manager.
Hindi ito sumagot at nanlulumo lang ang
mga mata kaya totoo nga.
"Dito ka lang!" wika ni Clarissa at lumabas sa
studio para kausapin si Red dahil
pakiramdam niya, may kinalaman ang binata.
Napatigil siya nang makita ang mga tauhan
ng agency na tinatanggal ang posters niya.
"T-Teka, ano ang ginagawa ninyo?"
natarantang tanong niya at pinigilan ang
mga ito.
"Ma'am? Papalitan na raw po ang posters ng
bago," sagot ng isang tauhan.
"No!" tanggi ni Clarissa pero hindi nakinig
ang mga ito sa kaniya kaya patakbong
lumapit siya sa opisina ni Red.
"Cla? Bakit ganiyan ang mukha mo?"
natatawang tanong ni Red. Para kasing may
hinahabol ang dalaga.
"P-Puwede mo bang ipaliwanag kung bakit
tatanggalin nila ang posters ko sa hallway at
kung bakit naagaw ni Seola ang
endorsement ko sa Priza?" hinihingal na
tanong niya pero nanlilisik ang mga mata.
"Well? About sa posters mo, si Dad ang
may gusto niyan dahil ayaw niyang
magkaroon ng special treatment sa talents.
Pero huwag kang mag-alala, magkakaroon
kayo ng group pictorial para sa bagong
posters."
Pinaikot ni Red ang swivel chair niya habang
nakatingin sa dalagang nakatayo sa harapan.
Maganda si Clarissa at wala siyang masabi sa
mukha nito. Isa sa mga asset nito ang
magandang mukha at hubog ng katawan
kaya marami ang umiidolo rito. Dagdagan pa
ng mala-Anghel na boses. Kumbaga, nasa
kay Clarissa na ang lahat.
"About naman sa endorsement, hindi ko
alam iyan. Nasa kanila na iyon kung sino ang
pipiliin nila. Hanggat talent ng Bright Star
ang mapisil nila, walang problema sa amin
iyan. They have the right to choose their
endorser," sabi ni Red nang hindi kumibo si
Clarissa. Siguro mas pinili ng Priza si Seola
dahil alam nilang mas malaki ang sales and
profits nito kapag bagong mukha ang
magiging endorser nila. Si Seola ang
namamayagpag ngayon kaya sinamantala
nila ang kasikatan ng dalaga. Pero ayaw na
niyang sabihin pa ito kay Clarissa dahil mas
lalo lang na masaktan ang dalaga.
"Alam kong may gusto ka kay Seola at sa
aming dalawa, mas papaboran mo siya,"
sabi ni Clarissa na diretso ang mga mata sa
mga mata ng binata. Nasasaktan siya.
"Pagdating sa business, wala akong
pinapaboran, Cla. Kung iyon ang sa
paniniwala mo, wala na akong magagawa,"
sabi ni Red. Napatingala siya sa dalaga nang
hampasin nito ang mesa niya.
"Bakit Red?" tanong ni Clarissa at bigla na
lang nagbagsakan ang mga luha niya. Luha
ng hinanakit. "Bakit hindi mo pa rin ako
makita? B-Bakit ba si Seola na lang palagi?
B-Bakit balewala parati ang mga ginagawa
ko para sa 'yo?"
"Cla--"
"Gusto kita! L-Lahat ng bagay, ginagawa ko
para lang magustuhan mo pero bakit?"
sumbat niya at pinahidan ang mga luha. "B-
Bakit hindi mo pa rin ako magustuhan?"
Nakatitig lang si Red sa babaeng umiiyak sa
harapan niya. Gusto niyang lapitan ito at
pahidan ang mga luha pero baka bigyan
lang ni Clarissa ng kahulugan ang gagawin
niya.
"Kakalimutan ko ang mga pinagsasabi mo
ngayon, Cla."
"H-Hindi mo ako naiintindihan!" singhal ni
Clarissa at humagulgol sa pag-iyak.
Napahimalos si Red sa mukha. Naintindihan
niya ito kaso hindi niya kayang ibigay ang
hinihingi ng dalaga. Natatakot siya.
Natatakot na baka hindi niya kayang
panindigan at baka mas lalo lang niyang
masaktan ito. Mabuting tao si Clarissa kaya
hanggat maari, ayaw niya itong masaktan
dahil hindi niya kayang tumbasan ang
pagmamahal nito para sa kaniya.
"Huwag mong kalimutan dahil hindi naman
ako nagsisi na ipinaalam ko sa 'yong gusto
kita," mahinang sabi ng dalaga.
Napatingin si Red sa taong bumukas ng
pinto.
"Cla? Halika na, pinapatawag ka ng mommy
mo," sabi ng manager na hindi nakikita ang
luhaang mukha ni Clarissa dahil nakatalikod
ito sa pinto.
"Susunod na siya, nag-uusap pa kami,"
sabat ni Red kaya tumango ito at umalis na.
"Here," sabi ni Red at inabot kay Clarissa
ang panyo niya. "Ayusin mo ang sarili ko
bago ka lumabas."
Inabot ni Clarissa ang panyo at pinahidan
ang mga luha saka pinakalma ang sarili.
"Pasensiya ka na kung madrama ako sa
harapan mo, Red. Boss pa rin kita at hindi
tama ang inasal ko," paumanhin ni Clarissa
saka lumabas na.
Malapit na siya sa studio niya nang
makasalubong si Seola.
"Magandang hapon, senior," nakangiting bati
ni Seola.
"Seola? Bakit inagaw sa akin ang
endorsement ng Priza?" diretsahang tanong
ni Clarissa na ikinagulat ni Seola.
"H-Hindi ko siya inagaw," naguguluhang
sagot ni Seola.
"Alam mong mas nauna ako sa 'yo!"
"Hindi ko alam," sagot ni Seola sabay iling.
Kahapon lang ipinaalam ng manager niya
ang tungkol sa endorsement. Wala naman
siyang malaking proyekto kaya pumayag
siya. Isa pa, malaking pera din naman iyon at
free pa siya sa Priza hanggat hindi pa
expired ang kontrata niya sa clothing
company na iyon.
"Sinungaling!" mataray na sabi ni Clarissa at
nilagpasan si Seola na napakamot sa ulo.
Wala siyang alam dahil manager lang naman
niya ang humahanap ng paraan para sa mga
proyekto at gig niya.
Lumabas siya sa building ng agency at
sumakay sa taxi saka nagpahatid sa
producer ng first album niya. Nag platinum
ang first single album niya at balita niya ay
gagawa ulit siya ng isa pa.
Habang nasa taxi, tinawagan niya ang
manager at tinanong ng tungkol sa bagong
endorsement. Ang sabi nito, hindi nito alam
na nauna sina Clarissa dahil ang pamunuan
mismo ng Priza ang lumapit sa kaniya at
inalok na maging endorser kaya pumayag ito
dahil malaking manufacturer naman ang
Priza.
Pagdating niya sa nais puntahan, agad na
dinala siya ng secretary ni Mr.Lim sa opisina
nito.
"Sige, pupunta ako ngayon," sabi ni Mr. Lim
sa kausap sa telepono.
"Maupo ka muna, lalabas lang ako," bulong
ng secretary matapos bigyan ng upuan si
Seola.
Tumango ang dalaga kaya lumabas na ito.
"Seola? Ano ang ginagawa ng sikat na
singer sa opisina ko?" nakangiting bati ni
Mr. Lim na kakatapos lang makipag-usap sa
telepono.
"Magandang hapon po, Mr.Lim," magalang
na bati ng dalaga at nginitian ang
matandang producer.
"May kailangan ka? Next month, magpro-
produce ulit ako ng bagong album mo,"
sabi nito.
"Nandito lang po ako para personal na
magpasalamat sa 'yo," nakangiting
pasalamat ni Seola. "Kung hindi dahil sa
tiwala mo, wala sana ako sa kinalalagyan ko
ngayon."
Malaki ang pasalamat niya kay Mr.Lim at
Red dahil sa tiwala nila sa kakayahan niya sa
pagkanta.
"Marunong tumanaw ng utang na loob?
Gusto ko ang ugaling 'yan," sabi ni Mr.Lim.
"Seola? May mahalaga akong puntahan kaya
maiwan na muna kita. Business lang,"
paalam ng matanda at lumapit sa pinto dahil
mahalaga ang lakad nito.
"Napadaan lang po ako para magpasalamat,"
sabi ni Seola at tumayo na rin.
"Nextime na lang, ako mismo ang mag-
imbita para magkausap tayo," ani Mr.Lim at
lumabas na.
Napangiti si Seola. Palabas na sana siya
nang mahagip ng mga mata niya ang isang
gitara na naka-display sa gilid ng table ni
Mr. Lim.
Lumapit siya rito at pinagmasdan ng gitara.
"May kapareho ba ang gitara ni Clouds?"
nagtatakang tanong niya.
Bumukas ang pinto ang pumasok ang
secretary ni Mr.Lim.
"Pasensiya ka na, busy si Sir Lim ngayong
week," paumanhin nito na may dalang CD.
"Pa autograph ako, idol kita."
Ngumiti si Seola at nag-smile sa camera
nang kunin nito ang cellphone at nakipag-
selfie sa kaniya. Kinuha niya ang ballpen at
pinirmahan ang CD.
"Miss? Alam mo ba kung kanino ang
gitarang ito?" tanong ni Seola at itinuro ang
gitarang nasa gilid ng table ni Mr. Lim.
"Yan ba?" sabi nito habang nakatitig sa
gitara. "Hindi e. Pero ang sabi ni Sir,
collateral daw ng isang male singer sa
kaniya."
"Collateral?" ulit na tanong ni Seola.
Natawa ang secretary. "Hindi kasi nagpro-
produce si Sir ng album kapag wala itong
makukuha sa isang singer."
Napakunot ang noo ni Seola.
"Ikaw, Miss Seola? Sigurado akong may
kapalit din ang pag-released ng album mo,"
natatawang sabi ng secretary.
Natahimik si Seola at napasulyap sa gitara.
Walang hininging kapalit si Mr.Lim sa kaniya.
Nagulat na lang siya nang pumayag na ito.
Malungkot na napasulyap siya sa gitara bago
lumabas. Mula nang magka-album siya, hindi
na niya nakita ang gitara ni Clouds. Napatigil
siya at muling lumingon sa opisina ni Mr.
Lim. Bakit parang naiwan yata ang puso niya
sa kasama sa gitarang nasa loob? Hindi niya
maintindihan ang sarili pero kusa na lang
tumulo ang mga luha niya sa labis na
kalungkutan.
