9

933 38 0
                                    



MY UNIDEAL GIRL

by: sha_sha0808 Ash Simon

CHAPTER 9

Unedited....
"Kyaaah. Nakapasa ako!" tili ni Seola
matapos kausapin ang secretary ni Red.
"Ate? Bakit po ang saya mo?" inosenteng
tanong ni Astray.
"Nakapasa ako sa audition! Magte-training
na ako sa Bright Star agency. Magiging
singer na ako!" masayahf pagbalita ni Seola.
"Talaga po? Yehey! Yayaman na tayo! Hindi
na ako magtitiis sa noodles at pancit
canton!" Patalon-talon pa si Astray habang
nagsasalita na para bang nanalo ng jackpot
sa lotto kaya natigilan si Seola at
napasimangot.
"Hindi naman tayo yayaman kaagad," sagot
ng dalaga kaya tumigil si Astray sa
pagtatalon. "Siyempre maghihirap muna ako
at isa pa, marami pa akong bigas na kakainin
bago humakot ng pera mula sa pagkanta
kaya magtitinda pa rin ako ng kikiam at
pancit canton!"
"Hmm? Ganoon po ba?" Parang nabuhusan
ng malamig na tubig ang bata na napaupo
sa upuan pero mayamaya ay sumigla ang
mukha. "Pero nandiyan naman po si Kuya
Clouds kaya okay lang, makakatikim pa rin
ako ng masarap na ulam!"
"Tumigil ka na nga!" saway ng dalaga at
mahinang kinutusan ang kapatid. "Puro ka
Clouds!"
"Kasi po, masarap po ang mga dala niyang
ulam," nakalabing sagot ni Astray.
"Nadala ka sa ulam? Huwag kang gano'n!
Ipinagkakanulo mo na ako sa ulam."
"Pero ate? Ang pogi po niya!" manghang
sabi ni Ashtray na hindi nagsasawa sa mukha
ni Clouds. "Kapag matanda na po ako, gusto
ko rin ng poging boyfriend katulad niya."
"Hoy!" sigaw ni Seola na nakapamewang pa.
"Ke bata-bata mo, naglalandi ka na? Bawal
kang mag-boyfriend!"
"Ang swerte mo nga po kasi pogi ang
boyfriend mo eh."
"Tsk! Hindi ko nga siya boyfriend!" Deny ni
Seola at ginulo ang buhok ng kapatid.
"Magpunas ka na at magpalit ng damit dahil
inaantok na ako."
"Okay po," magalang na sabi ni Astray.
Nakahiga na silang magkapatid nang may
kumatok sa pintuan kaya dahan-dahang
tumayo si Seola dahil tulog na si Astray.
"Clouds?" bulalas niya at napatingin sa relo.
Alas nuwebe na ng gabi.
"Wala kang trabaho?" tanong ng binata.
"Wala. Magpapahinga ako ngayon,"
tinatamad na sagot ni Seola. "Ano ang
ginagawa mo rito?"
"Congrats pala dahil nakapasa ka," bati ng
binata kaya napangiti si Seola.
"Mag-uumpisa na kami nextweek," sabi ng
dalaga.
Walang pasabing pumasok si Clouds kaya
agad na isinara ng dalaga ang pinto at
sinundan ang binata.
"Ano ang ginagawa mo rito? Umuwi ka na
nga."
"Manager mo ako at bilang manager mo,
dapat na kasama mo ako palagi," sabi ni
Clouds.
"So?" nakataas ang kilay na tanong ng
dalaga.
"Dito na ako titira dahil dalawa naman ang
kuwarto mo."
"What?" bulalas ng dalaga at tiningala ang
binata. "Seryoso ka?"
Tumango si Clouds. "Magtitiis ako sa bahay
na ito para sa career mo."
"Hindi puwede!"
"Puwede," ani Clouds. "Boarding house ito
at kinausap ko na ang may-ari. Kung
magkano ang binabayad ninyo, iyon din ang
ibabayad ko dahil sayang din naman ang
kuwarto sabi niya."
Napanganga si Seola. Mukhang seryoso
naman yata si Clouds?
"B-Bakit dito ka magbo-board? Kaya mo
bang tumira dito?" Siyempre nakahiga ito sa
malambot na kama at higit sa lahat, sa
salapi.
"Ipapaayos ko ang bahay na ito para wala na
akong problema. Bibili rin ako ng kama at
mga gamit kaya magpasalamat ka na lang!"
sabi ng binata at lumapit sa pinto saka
kinuha ang maleta na bitbit kanina.
"S-Seryoso ka ba talaga?" tanong ng dalaga
habang nakabuntot sa binata papasok sa
extra kuwarto nito.
"Baka may extra kayong higaan? Pahiram
naman."
"Wala na kaming foam," sagot ng dalaga.
"Banig na lang."
"Bahala ka. Basta may kumot at unan. Bibili
rin ako bukas ng gamit ko."
"C-Clouds? Baka malaman nila na--"
"Walang makakaalam na nandito kapag
itikom mo ang bibig mo," ani Clouds. "Ikuha
mo na ako ng mga gamit para makatulog na
ako."
"Makautos ka ah!"
"Ako ang talent manager mo kaya asikasuhin
mo ako dahil kapag wala ako, hindi ka
sisikat!" sabi ni Clouds.
"Bakit? Makakapasok naman ako--"
"Wala kang sapat na pera na ipambayad sa
lahat ng gastusin, gig at kung ano pa.
Magpasalamat ka nga, libre lang ako."
"Bakit mo ginagawa ito? Bakit ba gusto
mong maging singer ako?" tanong ni Seola.
Napabuntonghininga si Clouds na kanina pa
nagtitimpi sa pagiging madaldal ng dalaga.
"Do you think, gusto kong tulungan ka?
Huwag mong isipin na para sa 'yo ang lahat
ng ito dahil hindi!"
Napasimangot si Seola. "Eh, bakit mo ito
ginagawa, Clouds? Bakit mo ako
tinutulungan?"
"Dahil iyon ang kasunduan namin ni Red!
Oras na may maipasok ako na singer sa
agency, tutulungan niya akong makabangon
at makapag-debut ng bagong album ko!"
pag-amin ni Clouds. Mas mabuti pang
habang maaga, magkaliwanagan na sila ni
Seola.
"Sarili mo pa rin pala ang iniisip mo!"
"Bakit? Ano ba sa tingin mo? Iisipin kita?"
hindi makapaniwalang tanong ng binata.
"Sino ka ba? Ha? Isa ka lang naman na
tindera sa paaralan namin at walang ibang
ipinapakain kay Ash kundi pancit canton!"
Namewang si Seola. Gabi na pero inuubos ni
Clouds ang pasensiya niya. "Hoy, lalaki! Ako
lang naman ang tinderang bubuhay ng
career mo kaya huwag mo akong taasan ng
boses!"
Agad na napahawak siya sa noo nang idiin ni
Clouds ang pointing finger nito.
"Gumising ka, Seola tindera! Hindi ka pa
sikat kaya huwag kang magmayabang!
Amateur ka pa lang pero ang laki na ng ulo
mo?'
"Pakialam mo? Pamamahay ko 'to!"
pagtataray ng dalaga.
"Huwag mo akong irapan dahil mas lalo kang
pumapangit sa paningin ko!" prangkang sabi
ni Clouds. "Manager mo ako kaya dapat na
control-in ko 'yang pag-uugali mo!"
"Ugali mo muna ang disiplinahin mo bago
ang akin!" sabi ni Seola at tinalikuran ang
binata. Bahala itong mahiga sa sahig.
Kinaumagahan, maaga pa siyang nagising
dahil sa alarm clock sa cellphone. Kaagad
niyang pinatay dahil baka magising si Astray
Czarina.
Napansin niya ang maleta sa sala kaya
lumapit siya sa kabilang silid.
Nagdadalawang isip pa siya kung papasok
siya o hindi pero napagdesisyunan niyang
silipin ang binata.
Ang himbing ng tulog nito sa banig at
nakatalukbong pa sa kumot nila na para sa
bisita.
"Sino ang nagbigay sa kaniya ng kumot?"
tanong niya at napatingin kay Astray na
pupungas-pungas ng mga mata habang
palapit sa kaniya.
"Ikaw ang nagbigay ng kumot?" dilat ang
mga matang tanong niya sa kapatid.
"Opo, kawawa naman po kasi si Kuya," sagot
ni Astray kaya kinurot niya ito sa hita pero
mahina lang. Sensitive kasi ang balat nito
kaya baka makasuhan siya ng child abuse.
"Huwag mo nang ulitin dahil iuntog ko
talaga ang ulo ninyo!"
"Ate? Dito na raw po siya titira," mahinang
sabi ni Ash.
"Masaya ka?"
Tumango si Ash. "Gusto ko po kasing
magkaroon ng kapatid na lalaki o
magkaroon ng papa. Ate? Napagkamalan po
nilang papa ko si Kuya Clouds nang ihatid
niya ako kahapon."
"Mukha naman talaga siyang matanda!" ani
Seola at lumapit sa kusina para maghanda
ng breakfast nila at para pambaon ni Astray.
"Ikaw ras po ang mama ko."
Napatigil si Seola sa paglalakad at agad na
humarap kay Astray. "Ulitin mo ang sinabi
mo?"
"Akala po nila, kayo ang parents ko,"
masayang pagkukuwento ng batang kapatid
kaya napa-poker face si Seola.
"Masyado pa akong bata para maging mama
mo!"
Nagsaing siya at nagluto ng pritong itlog
saka hinila na si Astray sa banyo para
paliguan.
Pagkalabas nila sa banyo, nakatayo si Clouds
sa maliit na sala at inuunat ang sarili na may
tuwalya sa balikat. "Shit, masakit ang likod
ko sa higaan ninyo!" reklamo ng binata.
"Morning, Kuya Clouds!" masiglang bati ng
bata.
"Morning, Ash. Ang ganda mo today,"
nakangiting bati rin ni Clouds at napatingin
kay Seola. "Mabuti at hindi ka nagmana sa
ate mo."
"Lumayas ka na, Clouds!"
"Boarder na rin ako kaya hindi mo ako
mapapalayas," nakangising sabi ni Clouds at
lumapit sa banyo.
"Magbihis ka na para maaga ka pa sa
school," sabi ni Seola at ipinasok ang
kapatid sa kuwarto bago pa siya maubusan
ng dugo kay Clouds.
Nang matapos niyang pabihisan ang kapatid,
lumabas na sila at inihanda niya ang pagkain
sa mesa.
Patapos na sila nang lumabas si Clouds na
naka-bathrobe at walang pasabing pumasok
ito sa kuwarto nito.
"Ate? Dito na po siya titira?" tanong ni
Astray.
"Bakit mo siya binigyan ng higaan kagabi?"
pag-iiba ni Seola. Ayaw niyang pag-usapan
ang pananatili ni Clouds. Sana ay magbago
ang isip nito.
"Naaawa po kasi ako sa kaniya, Ate.
Nilalamig po siya eh," inosenteng tanong ng
bata. Nang lumabas siya para umihi, nakita
niyang bukas ang sa kabilang kuwarto at
laking tuwa niya nang makita si Clouds.
Humingi ng kumot ang binata kaya dahan-
dahan siyang bumalik sa kuwarto at kinuha
ang extra blanket nila.
"Haist! Huwag kang maawa sa kaniya!" naiinis
na sabi ni Seola at nilagyan ng kanin ang
baunan ng kapatid. "Oh? Itlog ang ulam mo
kaya huwag ka nang bumili, okay?" Inabot
niya ang sampung piso sa kapatid para may
pambili ito mamaya sa recess.
Nang makalabas na si Astray, naligo na rin si
Seola at nagbihis para pumunta sa
Westbridge. Nang lumabas siya sa kuwarto
nila, saka naman lumabas si Clouds.
"Text mo 'ko kapag tapos ka na sa
pagtitinda mo sa paaralan para samahan kita
sa agency," bilin ni Clouds saka lumabas na.
Bibili pa siya ng mga gamit dahil
mamamatay siya kapag tumagal pa siya na
ganito ang uuwian niya. Tutal, may pera pa
naman siya mula sa ibinentang sasakyan.
Ang mahalaga, nabawi niya ang kaniyang
gitara mula sa pagkakasangla.
Lumabas si Seola bitbit ang malaking
shoulder bag na naglalaman ng damit. Ini-
lock niya ang pinto. Habang naglalakad,
napatingin siya kay Clouds na sumakay sa
taxi.
"Ano na naman kaya ang pumasok sa isipan
ng mokong na iyon?" tanong ni Seola at
pinara ang dumaang sasakyan. Mukhang
makakasama niya nang matagal ang mokong
pero sana magbago pa ang isip nito at
umuwi na. Hindi talaga niya masikmurang
nasa iisang bubong lang sila ng hambog na
iyon!
Pagdating niya sa paaralan, agad na isinet-
up niya ang mga paninda matapos kunin sa
storage room.
"Hey!" nakangiting bati ni Red na lumapit sa
kaniya.
"Good morning, sir!" nakangiting bati ni
Seola at napasulyap kay Clouds na papalapit
kasama ang bestfriend nito.
"Red? Hinahanap ka ni Clarissa."
"Hi, Clarissa," bati ni Red at nginitian ang
highest paid nilang singer.
"Hello, Red. Pupunta ako mamaya sa agency
para mag-practice," ani Clarissa at matamis
na nginitian si Red.
"Hintayin kita," sagot ni Red at muling
humarap kay Seola. "Congrats pala dahil
nakapasa ka. Sabi ko sa 'yo eh, maganda
ang boses mo."
"Naku, salamat po nang marami,"
nakangiting pasalamat ni Seola na
napasulyap kay Clouds na matalim ang mga
titig sa kaniya. Manager niya ito pero
suyang-suya talaga sa kaniya.
"Nag-audition ka?" Curious na tanong ni
Clarissa.
"Oo."Si Red na ang sumagot. "Hindi ka kasi
judge. Sabi sa 'yong manood ka kahapon
dahil ang daming magagaling kumanta na
susunod sa yapak mo."
Napangiti si Clarissa. "Pasensiya na, busy
ako lang sa pag-aaral."
"Wala iyon!" sabat ni Clouds at inakbayan si
Clarissa. "Study first, bes."
"Oo na po," natatawang sabi ni Clarissa at
kinuha ang kamay ni Clouds na nakaakbay sa
kaniya. "Mauna na ako, guys. May pasok pa
ako."
"Isang pancit canton." Order ni Red nang
silang tatlo na lang ang naiwan.
"Ako rin! Kikiam na lang ang akin!" sabi ni
Clouds kaya ipinagluto sila ni Seola pero
nasa harapan pa rin sila ng stall ng dalaga.
"Saan ka pala tumutuloy, Clouds?" tanong ni
Red kaya napasulyap si Seola kay Clouds na
saktong nakatingin din sa kaniya at nagwa-
warning ang mga mata.
"S-Sa isang kaibigan! Huwag mo nang
alamin!" pagsisinuplado ni Clouds kaya
tumahimik na si Red.
"Balikan ko na lang ang order mo, CR lang
ako," paalam ni Red kaya ang dalawa na lang
ang naiwan.
"Ayaw mong ipaalam na naghihirap ka na?"
nakangising tanong ni Seola.
"Shut up! Baka may makarinig sa 'yo!" saway
ni Clouds. "Isa pa, hindi ako naghihirap!
Pagtitipid ang tawag do'n!"
"Sabi mo e," ani Seola. Ma-pride rin 'tong
mokong na manager niya kahit na pobre na.
Ipinatong ni Clouds ang mga kamay sa
ibabaw ng stall ni Seola at tinitigan nang
maigi ang mukha ng dalaga na para bang
may hinahanap na kayamanan dito.
"Hindi ko lang talaga maintindihan kung
bakit ang lapit ng loob ni Red sa 'yo! Hindi
ka naman maganda!" bulong ni Clouds at
tinalikuran si Seola para maupo.

My Unideal GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon