45

980 35 0
                                    



MY UNIDEAL GIRL

by: sha_sha0808 Ash Simon

CHAPTER 45

Unedited...
"Salamat pala sa pagsulpot mo sa show ko,"
pasalamat ni Seola habang hinahawakan ang
kanang kamay ni Ash dahil tatakbo na naman
ito pabalik sa loob ng mansion. Pasakay na
sana sila sa maghahatid sa kanila pauwi pero
sakto namang dumating si Clouds.
"Wala iyon," sagot ni Clouds, "pauwi na
kayo? Ihatid ko na kayo."
"Huwag na. Sabi ni Tita Taira, nag-practice
ka pa ng sayaw ninyo nina PJ," tanggi niya.
"Tita Taira?"ulit ni Clouds, "Hindi ba't
mommy ang pinapatawag niya sa 'yo?"
"H-Hindi kasi ako sanay. Isa pa, nahihiya,"
nakangiwing sagot ni Clarissa.
"Sanayin mo na ang sarili mong tawagin
siyang mommy, magiging ina mo rin naman
siya balang araw," sabi ni Clouds.
"H-Ha?"
Napabuntonghininga si Clouds. "Wala. Ang
sabi ko, mommy nga ang tawag ni Ash kay
Mommy tapos ikaw, ayaw mo?"
"Iba naman si Ash," depensa ni Seola.
"Siyempre bata pa siya kaya gusto niya ng
mommy."
"Ikaw? Ayaw mo bang maging mommy ang
mommy ko?" tanong ni Clouds na titig na
titig sa mukha ng dalaga kaya nakaramdam
ng pagkaasiwa si Seola.
"T-Tita na lang."
Tipid na ngumiti si Clouds at kinurot ang
kanang pisngi ni Astray Czarina.
"Ate Seola? Ayaw ko pong u-umuwi,"
naiiyak na sabi ni Astray Czarina. "D-Dito
lang po ako kina Kuya Moon."
Nabitiwan ni Seola ang kamay ng kapatid
kaya tumakbo ito papasok sa mansion. Tawa
naman nang tawa si Clouds habang
pinagmamasdan ang papalayong bata.
"Ayaw na ni Ash sa 'yo. Gusto na niya sa
amin. One of the boys na siya."
Napasimangot si Seola. Pakiramdam niya,
nawawalan na siya ng silbi sa buhay ni Ash.
Ayaw nang sumama ng kapatid niya sa
kaniya. Palibhasa ang gaguwapo ng team
galaxy.
"Tawa ka pa! Palibhasa mayaman kayo kaya
nabibigay ninyo ang gusto niya!"
Inakbayan siya ni Clouds. "Huwag ka nang
magtampo, pango. Alam mo namang wala
kaming princess sa bahay na ito. Kilala mo
naman ang ama ko, obsessed siya sa anak na
babae. Kaya nga gusto na niyang mag-
asawa ang isa sa aming anim e."
"Kawawa naman ako," wala sa sariling sabi ni
Seola. Iniiwan na siya ng lahat. Una, mga
magulang niya tapos si Clouds. Ngayon
naman ay si Astray Czarina.
"Huwag ka nang magtampo, nandito naman
ako," sabi ni Clouds at pinisil ang balikat
niya.
"C-Clouds," usal niya pero hindi na siya
nakatutol pa nang itulak siya ni Clouds
papasok sa kotse nito.
"Ako ang naghahatid sa 'yo at hindi ako
tumatanggap ng sagot na 'no'. Maliwanag?"
sabi ni Clouds at isinara na ang pinto ng
kotse bago pa makatanggi si Seola.
Napasimangot si Seola habang nasa biyahe
na sila. Gusto na niyang umiwas pero lapit
pa rin nang lapit si Clouds sa kaniya.
Biglang tumunog ang cellphone ni Clouds
kaya sinagot niya ang tumatawag na naka-
loud speak.
"Clouds? Alam mo ba kung ano ang balita
ngayon? Nagbabasa ka ba ng diyaryo?"
Pagbungad ni Clarissa na galit na galit ang
boses.
"Bibigyan kita ng isang linggo para bawiin sa
publiko ang engagement natin," sagot ni
Clouds kaya napasulyap si Seola sa binatang
hindi nawawala ang konsentrasyon sa
pagmamaneho. Napakunot ang noo niya
nang iba ang daang tinatahak ni Clouds.
Gusto sana niyang pagsabihan ito pero baka
marinig siya ni Clarissa.
"C-Clouds? Bakit mo ginagawa ito?"
"Alam mo kung bakit," sagot ni Clouds at
tinapos ang tawag.
Hindi kumikibo si Seola at pinakiramdaman
lang si Clouds na patuloy pa rin na
nagmamaneho. Alam na niya kung saan sila
patungo pero baka mali lang siya ng akala
hanggang sa tumigil sila sa lugar na iyon.
"C-Clouds?"
"Bumaba ka na, Seola," sabi ni Clouds
habang tinatanggal ang seatbelt nito.
Tinanggal din ni Seola ang seatbelt niya
habang nakatingin kay Clouds na bumaba
na.
"Bakit tayo nandito?" tanong ni Seola nang
makababa pero hindi sumagot si Clouds at
nauna nang pumasok matapos isinuot ang
shades nito.
Napabuntonghininga siya at sinundan ang
binata hanggang sa nakarating sila sa
puntod ng mga magulang niya.
"Clouds? Bakit tayo nandito?" Inayos niya
ang buhok na nililipad ng hangin at inipit sa
tainga niya.
"Bakit? Masama bang magtago tayo rito?"
tanong ni Clouds at hinarap siya. "Pango
ko?"
Napatutop si Seola sa bibig habang
nakatingala sa kasintahan.
"U-Ulap," bulong niya saka niyakap ang
binata habang umiiyak. "B-Bumalik ka na?"
Napangiti si Clouds at niyakap nang
mahigpit si Seola. "Na-miss kita, pango.
Pasensiya ka na kung natagalan bago ako
bumalik."
Humihikbing isiniksik ni Seola ang mukha sa
malapad na dibdib ni Clouds. Ang saya niya.
Kumalas si Clouds sa pagkakayakap sa kaniya
at hinawakan siya sa magkabilang balikat
matapos nitong pahidan ang mga luha niya.
"Huwag ka nang umiyak, nandito na ako.
Nakalimutan ka man ng utak ko, pero hindi
ng puso ko."
Mas lalong umiyak si Seola kaya si Clouds na
mismo ang yumakap sa kaniya. "Kung alam
mo lang kung gaano ako kadesperadong
mayakap ka, Seola," bulong ni Clouds at
mas lalong hinigpitan ang pagyakap sa
dalaga.
"I m-miss you, Ulap ko," sabi ni Seola.
Bahala na kung may makakita sa kanila. Ang
mahalaga ay bumalik na ang alaala ni
Clouds. Nanlaki ang mga mata niya nang
maramdaman niya ang pagpisil ni Clouds sa
pang-upo niya kaya malakas na itinulak niya
ito pero nakangisi lang ang binata na
tuwang-tuwa pa sa ginawa.
"Wala kasi akong naramdaman sa dibdib mo
nang yakapin kita kaya sa puwet na lang,"
pilyong sabi ni Clouds kaya sinuntok siya ni
Seola sa dibdib.
"Walang hiya ka talaga! Ang manyak mo!"
singhal niya. Si Clouds na nga ang kaharap
niya dahil ang manyak na nito sa kaniya.
Nginitian lang siya ni Clouds. Naupo silang
dalawa at pinasandal ni Clouds ang ulo ni
Seola sa balikat niya.
"Ulap? Ipapaalam na natin sa kanila na
nakaalala ka na?" tanong ni Seola at niyakap
ang binata.
"Huwag muna," sagot ni Clouds saka
sinuklay ang malambot at tuwid na buhok ni
Seola gamit ang mga daliri niya.
"Bakit?"
"May kailangan pa akong malaman."
"Ha? Ano iyon?"
"Kung bakit ginawa nina Clarissa iyon sa atin
lalo na sa akin. Kaibigan ko si Clarissa nang
ilang tao at alam kong hindi siya ganoon
kasama," ani Clouds. Nagpipigil lang siya
kahit na sumusobra na ang mag-ina. Isa pa,
magugulo ang lahat at ayaw niyang mawala
na lang bigla ang pinaghirapan ni Clarissa.
Naging saksi siya kung paano ito
nagsumikap noon. Gusto niyang bigyan ito
ng panahon at pagkakataon na magbago.
Napangiti si Seola at napatingala sa langit.
"Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba
basta ang mahalaga, okay ka na, Ulap," sabi
ni Seola. May mas mahalaga pa ba kaysa sa
alaala ng taong mahal niya? Sa ngayon, wala
na.
"Ba't ka nandito?" tanong ni Seola nang
pumasok si Clouds sa kuwarto nila ni Astray
Czarina. Nahihiga na ang dalawa dahil alas
diyes na ng gabi. Napilit siya ng ama ni
Clouds na dito na matulog. Ewan ba niya sa
daddy ni Clouds, silang magkapatid ang
palaging inaanyayahan dito sa mansion.
"Makitulog?" patanong na sagot ni Clouds
at nahiga sa tabi ni Astray Czarina kaya
napagitnaan na nila ang bata.
"Dito ka po matulog, Kuya Clouds?"
masayang tanong ni Astray Czarina at
niyakap ang kapatid.
"Oo, tabi tayo, Ash. Ang ganda talaga ng
princess ko, ang tangos ng ilong," puri ni
Clouds at napasulyap kay Seola.
"Bakit na naman?" pagsisinuplada ni Seola at
inirapan ang binata. Naupo siya dahil
naiilang siya kay Clouds.
"Wala naman," sagot ng binata na
makahulugang ngumiti sa kaniya.
"At anong meron sa mga ngiti mo, Ulap?"
"Naisip mo ba kahit minsan lang, na baka
hindi kayo magkapatid ni Ash? Iba kasi ang
hugis ng--"
"Isa pa talagang pang-aasar at hindi na kita
papansinin!" pagbabanta ni Seola na
umuusok na ang ilong kaya tumawa si
Clouds.
"Ang cute naman ng pango ko kapag
magalit. Kalma lang, baka tumangos ang
ilong mo, sige ka."
"Kapal ng mukha mo, Ulap! Lumabas ka na
nga! Matutulog na kami ni Ash!" pagtataboy
ng dalaga.
"Dito si Kuya matulog," naka-pout na sabi ni
Ash at niyakap pa si Clouds.
"Dito raw ako matutulog," naka-smile na
sabi ni Clouds at niyakap din si Ash kaya
pinandilatan silang dalawa ni Seola.
"Pango?"
"Hindi ka ba talaga titigil, Clouds?"
"Ano ang gusto mo? Matangos ang ilong?
Sinungaling ko naman no'n," depensa ni
Clouds.
"Hindi ka ba nahihiya na tawagin mo akong
ganiyan?"
"Ba't ako mahihiya? Eh, diyan naman talaga
kita minahal," giit ni Clouds kaya napa-poker
face si Seola. "Huwag kang mag-alala, kapag
tayong tatlo lang naman kita tinatawag na
pango, ah."
"Bahala kayo sa buhay ninyo!" Wala na
siyang patutunguhan dahil magkakampi
itong dalawang kausap niya.
"Magpa-DNA test kaya kayo ni Ash, baka
hindi kayo magkapatid?" suhestiyon ni
Clouds.
"Magkapatid kami! Sa ilong lang ba ang
basehan ng pagiging magkapatid? Marami
namang magkapatid na ang isa ay pango at
ang isa ay matangos ah!" Kaunti na lang
talaga ay masisigawan na niya ang dalawa.
Sigurado siyang iisang ina lang sila ni Ash.
"Kami lang ni Ash ang magkapatid," sabi ni
Clouds.
"Oo nga po, magkapatid kami ni Kuya
Clouds," segunda ng bata.
"Isa ka pa, Astray Czarina! Iuntog ko 'yang
mga ulo ninyo, makikita n'yo!" pagtatampo
ni Seola sa dalawang nakahiga. "Nakakasakit
na kayo ng damdamin ah!"
Inabot ni Clouds ang isa niyang kamay at
pinisil. "Biro lang, pango ko. Inaasar ka lang
namin ni Ash."
"Ewan ko sa inyo!"
"Pero Seola? Aampunin nina Mommy si
Ash," seryosong sabi ni Clouds. Iyon ang
balak ng buong pamilya niya lalo na't
sobrang lapit ni Ash sa mga ito lalo na sa
Daddy Sky nila.
"Hindi ako papayag. Hindi ninyo mapapalitan
ang mga magulang namin," sabi ni Seola.
Aminado siyang uhaw sa pagmamahal ng
mga magulang ang kapatid niya kagaya rin
niya pero wala hindi siya makapapayag.
"Pumayag ka na. Tutal, magiging Villafuerte
ka rin naman kapag ikasal na tayo,"
pangungumbinse ni Clouds.
"Tumigil ka nga riyan, Ulap!" saway ni Seola.
"Sige na, aampunin na namin si Ash," giit ni
Clouds.
"Hindi talaga puwede," tanggi ni Seola.
"Wala na kayong mga magulang kaya
pursigido si Daddy na ampunin kayo ni Ash
pero hindi ako papayag na pati ikaw dahil
aasawahin kita para maging Villafuerte ka,"
seryosong sabi ni Clouds habang nakatitig
sa mga mata ni Seola.
"Talaga po? Papakasalan mo si Ate Pango-
araay!" inosenteng tanong ni Ash pero
kaagad na napasigaw dahil sa sakit ng
pagkakakurot ni Seola sa hita niya.
"Tama na," saway ni Clouds at kinuha ang
kamay ni Seola sa hita ng bata.
"Ikaw Astray Czarina, namamana mo ba ang
kagaspangan ng ugali niyang lalaking 'yan
ah!" sabi ni Seola. Nagulat talaga siya dahil
nakikipango rin si Ash sa kaniya. "Huwag ka
ngang sama nang sama riyan!"
"Pagpasensiyahan mo ba, bata e," sabat ni
Clouds. "Matulog na nga tayong tatlo."
"Matutulog na kami kaya lumabas ka na,"
sabi ni Seola.
"Dito lang si Kuya Ulap," sabi ni Ash.
"Princess?" tawag ni Clouds. "Secret lang
nating tatlo na nakaalala na ako at girlfriend
ko si Ate Seola mo, okay?"
"Opo," sagot ng bata at tumango-tango.
"Good," sabi ni Clouds.
"Labas na, Ulap!" ani Seola.
"Dito ako matutulog, bonding tayong
magkapatid," sagot ni Clouds.
"Kapag malaman ng parents mo na dito ka,
malalagot talaga tayo," sabi ni Seola.
"Magkapatid tayo kaya okay lang 'yan. Nasa
getting-to-know stage pa lang tayo eh,"
depensa ni Clouds.
"Ulap naman, lumabas ka na!"
"Dito ako matutulog, tabi tayong tatlo kaya
huwag ka nang magreklamo. Alam ko
namang gusto mo akong makatabi e,"
pangungumbinse ni Clouds at inabot ang
lampshade saka pinatay.
Napabuntonghininga si Seola saka nahiga na
rin. Bahala na nga kung nahuli sila. Tutal,
gusto naman niyang makasama si Clouds.
Medyo natatakot lang siyang mabuko sila ng
pamilya nito dahil ang alam ng mga ito, si
Clarissa ang girlfriend ng binata.
Kinabukasan, wala na sina Seola nang
magising si Clouds kaya nakangiting
bumangon siya. Nakayakap kasi siya sa
dalawang babae kagabi. Maliit lang naman si
Ash kaya naaabot pa ng kamay niya ang
payat na katawan ni Seola.
"Diyan ka natulog?" tanong ni Dust nang
pagbukas niya ng pinto ay dumaan ito.
"Oo," sagot ni Clouds.
"Ah,"sabi ni Dust saka tumango-tango. "Iba
ka rin, ano? Ikakasal ka na eh."
"So?" salubong ang kilay na tanong ni
Clouds. Dumudugo ang tainga niya sa
salitang kasal. Two days na nang makausap
niya sa cellphone si Clarissa pero wala pa
ring ginagawa ito tungkol sa kasal nila.
Mukhang wala itong balak na bawiin sa
publiko.
"Wala lang, parang inasal lang, tuhugan,"
makahulugang sabi ni Dust.
"Wala kang alam kaya manahimik ka na
lang!" ani Clouds. Masyado pang maaga para
makipagsuntukan sa kakambal.
"Biro lang, alam ko namang si Seola talaga
ang mahal mo eh," bawi ni Dust at napailing
bago tumalikod.
Bumaba si Clouds at pumunta sa hardin
nang marinig ang tawa ni Ash. Nakaupo sa
pavilion ang ama kasama si Seola kaya
lumapit siya sa mga ito. Si Ash naman ay
nakikipagharutan kina Moon at Matter.
"Tinanghali ka yata ng gising?" puna ni Sky.
Napasulyap si Clouds kay Seola na umiinom
ng orange juice. Nginitian niya ito pero
agadna iniwas ng dalaga ang mga mata sa
kaniya. Mas lalong lumapad ang ngiti niya
nang mapansin niyang namumula ang mukha
ng dalaga.
Ibinalik niya ang mga mata sa ama. "Dad?
May kilala ka bang magaling mag-restore ng
CCTV?"
"Bakit?" tanong ni Sky.
"Gusto ko lang pong makita ang CCTV nang
maaksidente ako," sagot ni Clouds. Kahit na
kitang-kita niya ang buong pangyayari,
kailangan pa rin niyang magkaroon ng
ebidensiya para mapatunayan niyang si Seola
talaga ang iniligtas niya ng gabing iyon.
"Malay mo,baka bumalik ang alaala ko."
"Maghahanap ako," sagot ni Sky. "Pero alam
mong may kapalit 'yan."
Napataas ang kilay ni Clouds. Pustahan, ang
pagkumbinse na naman kay Seola para
pumayag ito na magpaampon sila ni Ash sa
mga magulang niya ang kapalit ng kahilingan
niya. Si Ash, okay pa pero hindi ang Seola
niya. Magiging legal na Villafuerte rin si
Seola dahil papakasalan niya ito kapag okay
na ang lahat.

My Unideal GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon