MY UNIDEAL GIRL
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 28
Unedited...
"Sir Red? Noong pumayag ba si Mr. Lim na
maging producer ko, may hiningi siya sa
'yong collateral?" tanong ni Seola nang
makapuslit sa opisina ng boss.
"Wala naman," sagot ni Red at tumigil sa
pagbuklat ng white folder. "Bakit?"
"Collateral?"
Tumawa si Red. "Bakit mo natanong? Hindi
naman kailangan ng collateral dahil sa galing
mo, bawing-bawi na siya."
Malaki ang bonus na inabot sa kaniya ni Red
dahil malaki raw ang kita ng album niya kaya
nakabili siya ng magandang kama, washing
machine, at mga laruan ng kapatid. Ang iba
ay inipon niya sa bangko para kapag gipit,
may madukot sila.
"G-Ganoon po ba? Salamat naman po,"
sagot ni Seola.
"Bakit mo natanong?"
"Wala lang ho. May napanood lang po ako
na movie na ganoon," sagot ni Seola.
"Seola? May pupuntahan ka ba bukas?
Puwede ba kitang mayayang magsimba?
Kayo ni Ash?"
Naiilang na ngumiti si Seola. "P-Pasensiya na
po, nangako kasi ako kay Ash na bibisitahin
namin ang kamag-anak namin," pagdadahilan
ni Seola kaya tumango si Red.
"Seola? About pala sa sinabi ko noon,
seryoso ako sa panliligaw sa 'yo," paalala ni
Red.
Malungkot na ngumiti si Seola. "Pasensiya
na po, hindi pa ako sigurado sa
nararamdaman ko para sa 'yo at gusto kong
mag-focus muna sa kapatid ko," paumanhin
niya saka yumuko. "Alis na po ako, baka
hinahanap na po ako ng manager ko."
"Okay lang, kaya kong maghintay," ani Red
kaya lumabas na si Seola.
Napatigil siya nang makasalubong ang isang
matandang lalaki.
"Miss? Nakita mo ba si Red?"
"Nasa opisina po niya," magalang na sagot ni
Seola. Kahit medyo may edad na ito,
lumilitaw pa rin ang kaguwapuhan ng lalaki.
"Ngayon lang kita nakita rito, new talent ka
ba ng agency nina Blue?" Si Blue ang ama ni
Red kaya tumango si Seola.
"Opo."
"Seola? Nasaan si Clouds?" tanong ni Yurin n
senior niya.
"Hindi ko alam."
"Manager mo siya pero hindi mo alam?"
pagtataray nito pero kaagad na umamo ang
mukha nang mapansin ang matandang lalaki
na kausap ni Seola. "Magandang umaga po,
Sir Skyler."
"Magandang umaga rin," nakangiting sagot
ni Skyler.
"Sige po, alis muna ako. May practice pa
kami," paalam ni Yurin at agad na tumalima.
"Manager mo si Clouds?" tanong ni Skyler
habang nakatitig sa mukha ng dalagang
kaharap.
"H-Hindi na po," magalang na sagot ni
Seola.
"May kapatid ka bang na-hospital?" tanong
ni Skyler.
"Ho?" nagtatakang tanong ni Seola. Tumawa
si Skyler.
"May na-ospital ka bang kapatid?" ulit ng
matanda.
"P-Paano ho ninyo nalaman?"
Ngumiti si Skyler at tinapik sa balikat ang
dalaga. "Pumunta kasi si Clouds sa akin para
manghingi ng pera dahil nahospital daw ang
isa sa mga taong mahalaga sa kaniya."
Natigilan si Seola habang nakatitig sa mukha
ng lalaking kaharap. Ngayon niya
napagtanto na ito pala ang lolo nina Clouds
at Red.
"Haist! Binata na nga talaga ang mga apo
ko. Parang kailan lang," napailing na sabi ni
Skyler at nilagpasan na si Seola.
Nanghihinang napasandal si Seola sa pader.
Naalala niya noong madi-discharge sila sa
hospital, ang tagal mawala ni Clouds na
makipag-usap lang daw kay Luke. Pero nang
bumalik ito, nabayaran na ni Red ang
hospital bill nila.
Lutang na naglakad siya dahil maghahanda
pa siya para sa interview sa kaniya.
Paliko na siya nang makita niya si Clouds na
pumasok sa mini studio nito kaya patakbo
siyang lumapit sa binata.
"Clouds!" tawag niya kaya lumingon si
Clouds. "Puwede ba tayong mag-usap?"
"Tungkol saan?" Hindi kumibo si Seola.
Nakatingala lang ito at pinagmasdan ang
mukha ni Clouds na para bang may
hinahanap dito. "Kung walang kuwentang
bagay ang pag-uusapan natin, umalis ka
na."
Isasara na sana niya ang pinto pero agad na
nakapasok si Seola.
"Ano ba ang kailangan mo at palagi mo
akong kinukulit?" naiinis na tanong ni Clouds
matapos isara ang pinto.
"Clouds? Nasaan na ang gitara mo?" tanong
ni Seola na hindi inaalis ang mga mata sa
binata.
"Bakit mo tinatanong?"
"Sagutin mo na lang."
"Sa condo ni Luke!" napipikon na sagot na
binata.
"Sabi mo, nasa bahay ninyo."
"Hindi ba puwedeng dalhin ko at ilipat sa
ibang lugar?" sagot ni Clouds. "Kung
pumunta ka rito para tanungin ako sa gitara
ko, makakalabas ka na!"
"Kay Mr.Lim, 'di ba?"
Natigilan si Clouds at napatitig sa mukha ng
dalaga.
"Gitara mo ang naging collateral para
magka-album ako, 'di ba?" Hindi makasagot
si Clouds. "Nakita ko ang gitara mo sa
opisina ni Mr.Lim. Bakit inilihim mo sa akin,
Clouds?"
"Ano ba ang masama? Manager mo ako
noon at kailangan kita para makabalik sa
pagkanta! Ginawa ko iyon para sa sarili at
hindi para kahit kanino lalo na sa 'yo! See?
Tapos na ang misyon ko kaya huwag mo na
akong kulitin pa!"
"Nakasalubong ko ang Lolo Skyler mo, ang
sabi, humiram ka raw ng pera para may
pambayad sa hospital ni Ash," malungkot na
wika ni Seola.
"May naibigay ba akong pera sa 'yo?"
tanong ni Clouds. "Wala 'di ba? Gipit ako
kaya kailangan kong dumiskarte para
magkapera."
"Kaya mo ginamit ang kalagayan ni Ash?"
"Exactly," ani Clouds na ikinakuyom ni Seola
ng kamao.
"Bakit hindi mo na lang aminin na ginawa
mo iyon para sa akin?" singhal ni Seola at
hinampas ang binata sa dibdib. "Gaano ba
kahirap aminin ang lahat, Clouds?"
"Pinagsasabi mo?" inosenting tanong ni
Clouds at iniwas ang mga mata kaya tumulo
ang mga luha ni Seola.
"G-Gusto kita, Clouds! Alam kong wala kang
pakialam pero gusto ko lang malaman mo
na gusto na kita kahit na palagi mo akong
inaaway!" pag-amin ni Seola at pinahidan
ang mga luha.
"H-Huwag kang umiyak sa harapan ko, may
interview ka pa," saway ni Clouds pero mas
lalong humagulgol si Seola.
"S-Salamat sa lahat, Clouds. S-Salamat dahil
kahit na ganoon ang sinasabi mo, iba ang
nararamdaman ko," ani Seola at sinalubong
ang mga mata ng binata. "Hayaan mo, hindi
na kita gagambalain pa. Mula bukas, wala na
akong kilalang Clouds Villafuerte."
Hindi makakilos si Clouds hanggang sa
tuluyan nang makalabas si Seola sa studio
niya. Nasasaktan din siya. Hindi lang niya
maipakita at maamin dahil kailangan pa
niyang lumayo kay Seola para sa career nito.
Ayaw niyang siya ang maging dahilan ng
pagbagsak ng dalaga. Kahit na masakit sa
kaniya, okay lang basta nakikita niyang
umaangat si Seola at paunti-unting
natutupad ang pangarap para sa kapatid.
Tatlong oras na ibinuhos niya ang sarili sa
pagpa-piano nang maisipang lumabas. Alas
dos na ng hapon kaya nakaramdam na siya
ng gutom.
"Nakita mo si Seola?" Agad na tanong ng
manager nito na nasa tapat ng pinto niya.
"Ano ako? Lost and found box?" sagot ni
Clouds at naglakad.
"Pero ikaw ang huling pinuntahan niya bago
mawala," nag-aalalang sabi ng manager kaya
napatigil si Clouds at muling humarap dito.
"Nawawala si Seola?"
"Hindi siya sumipot sa interview. Mabuti na
lang dahil nandito sina Clarissa at Yuri,"
sagot ng manager.
"Hanapin ninyo siya!" sabi ni Clouds at
tumakbo palabas habang hawak ang
cellphone at tinatawagan si Seola pero hindi
nito sinasagot ang tawag niya.
"Sagutin mo!" wika niya pero wala talaga.
Pinara niya ang taxi at nagpahatid sa bahay
nina Seola. Hindi rin niya makontak si Ash
kaya mas lalo siyang kinabahan. Nakidnap na
ba si Seola?
Humahangos na binuksan niya ang pinto
nang makarating siya sa boarding house at
hinalughog ang buong bahay pero wala sina
Seola at Ash.
Patakbong pumunta siya sa kapitbahay dahil
baka nandoon lang si Seola.
"Kuya Clouds!" bulalas ni Ash na nakipaglaro
sa mga kaibigan at tumayo nang makita
siya.
"S-Si Ate mo Seola?" tanong ni Clouds na
nakahinga nang maluwag.
"Hindi pa po nakauwi e," sagot ng bata at
niyakap si Clouds sa binti. Ngumiti ang
binata at binuhat si Ash. "Tumawag ba siya
sa 'yo?"
"Opo. Pero na-lowbat ako. Brownout po
eh," sagot ng bata at niyakap si Clouds.
"Saan siya? May nasabi ba siya sa 'yo?"
"P-Pupunta raw po siya kina Mama at Papa,"
sagot ni Ash.
Ibinaba ni Clouds ang bata.
"Dito ka lang at huwag kang sumama sa
mga taong hindi ko kilala dahil marami ang
nandudukot ng bata," bilin niya kaya
tumango si Ash.
"Kuya Clouds? Kailan ka po babalik?"
malungkot na tanong ng bata.
Ngumiti si Clouds. "Hindi pa sa ngayon,"
sagot ng binata at dali-daling nag-abang ng
taxi sa labasan at nagpahatid kay Seola.
Matapos ang fifteen minutes, papasok na
siya sa cementeryo. Tahimik ang paligid,
walang tao at maraming kahoy sa palibot.
Hindi niya alam kung saan ang puntod ng
mga magulang ni Seola kaya inikot na lang
niya ang buong cemetery.
Napatigil siya at napahawak sa tuhod nang
makita si Seola na nakaupo sa damuhan
habang umiiyak.
"Tumayo ka na riyan," pagod na sabi ni
Clouds kaya napaangat si Seola ng mukha.
"A-Ano ang ginagawa mo rito?" tanong ng
dalaga at pinahidan ang mga luha.
"Ako ang dapat na magtanong sa 'yo niyan.
Ano ang ginagawa mo rito? Dapat nasa
interview ka!" galit na tanong ni Clouds.
Hindi sumagot si Seola. Tumayo ito at
nakayuko lang.
"Bakit hindi ka nagpaalam? Alam mo bang
may mga taong nag-aalala sa 'yo?" singhal
ni Clouds na parang lalamunin na ng buo
ang dalaga.
"Hindi ka naman nag-aalala sa akin,"
malungkot na wika ni Seola.
"Anong drama 'to?"
"Ayaw ko nang maging singer. Nakaipon na
kami ni Ash kaya sapat na sa akin iyon. Kung
nahihirapan ka nang dahil sa akin, itigil ko
na."
Natahimik si Clouds at napahilamos sa
mukha saka pinagmasdan si Seola sa mukha.
"Clouds? S-Sorry kung hindi ko na-
appreciate ang mga ginawa mo sa akin at
kay Ash. Sana--"
Hindi na niya natapos pa ang sasabihin niya
nang hinigit siya ni Clouds palapit sa
katawan nito at inangkin ang mga labi niya.
Napapikit siya.
Tulala si Seola nang pakawalan siya ni
Clouds at hinawakan sa magkabilang balikat.
"B-Bakit mo ako hinalikan?" wala sa sariling
tanong niya. Nababaliw na ba ito?
Pangalawa na 'to a. Noong una, lasing ito
pero kinabukasan, wala naman daw maalala.
"Lasing ka na naman ba?"
"Hindi kita gusto," seryosong sabi ni Clouds
pero hindi na nagulat si Seola. Ano pa nga
ba ang asahan niya kay Clouds? "Mahal kita,
Seola. Masaya ka na?" naiinis na dagdag
nito kaya natigilan ang dalaga.
"Mahal kita kahit na hindi ka maganda sa
unang tingin! Alam mo bang ilang beses
kong pinigilan ang sarili ko para lang 'wag
kang mahalin? Bakit ba palagi kang
pumapasok sa isipan ko? Alam mo bang
nahihirapan ako nang sobra dahil mahal
kita?" pag-amin ni Clouds. Napanganga si
Seola at hindi na makaya pang kumurap.
Seryoso si Clouds at nagtatapat ito sa
kaniya? Ang saya naman yata ng ganu'n?
Ang cute nito kahit na galit habang
umaamin sa kaniya.
"Huwag kang ngumiti, hindi mo 'yan
ikinaganda!" naiinis na sabi ni Clouds. Sa
halip na magsalita at magbigay ng opinyon
tungkol sa pag-amin niya, ngingiti-ngiti pa
si Seola habang nakatingin sa kaniya.
"Akala mo, maririnig mo pa mula sa akin na
mahal kita?" nakataas ang kilay na sabi ni
Clouds saka tinalikuran si Seola. Nang-
iinsulto e. Ang hirap na ngang umamin, wala
pa itong sasabihin.
"Ulap kooooo!" sigaw ni Seola at patakbong
hinabol si Clouds saka niyakap mula sa
likuran.
"Bitiwan mo ako, Seola!" naiinis na sabi ni
Clouds pero mas lalong humigpit ang mga
kamay ni Seola na nakapulupot sa bewang
niya.
"Masaya ako dahil inamin mong mahal mo
ako. Alam mo bang ang sarap sa
pakiramdam? Para akong nakalutang sa ulap
sa labis na kasiyahan," nakangiting sabi ni
Seola saka ipinikit ang mga mata. Ang sarap
amuyin ni Clouds at ang sarap nitong
yakapin.
Tinanggal ni Clouds ang mga kamay ng
dalaga at humarap dito.
"Psh! Huwag ka nang umalis kapag hindi ka
nagpapaalam, okay?" ani Clouds.
Nakangiting tumingala si Seola sa binata at
sunod-sunod na tumango.
"Okay, Ulap!"
Tumalikod na si Clouds saka ipinagpatuloy
ang paglalakad pero nakailang hakbang na
siya nang tumigil at muling hinarap ang
dalagang nakatingin sa kaniya.
"Seola?" tawag niya.
"Clouds?"
"Ano pa ang tinatayo mo riyan?"
Nakangiting dumipa si Clouds. "Yakap na!"
"Kyah!" Kinikilig na tili ni Seola at patakbong
lumapit kay Clouds saka niyakap ito nang
sobrang higpit.
"Psh! Hindi romantic na lugar!" reklamo ni
Clouds. Mga patay pa ang naging saksi sa
kadramahan nila ni Seola. Kapagkuwa'y
gumanti siya sa yakap ni Seola at napangiti.
At least dito, walang isyu at hindi sila
itsitsismis ng mga patay.A/n:
So bale, sa cementeryo na talaga ang
"mating" place nila. Hahaha.
