MY UNIDEAL GIRL
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 12
Unedited...
"Congrats! Ang galing ng production
number ninyo," puri ni Clouds kay Seola.
"Talaga?" masayang tanong ng dalaga at
matamis na nginitian si Clouds. Ang saya
lang niya dahil kaunti na lang ang stage
fright niya.
"Oo, marami nga ang pumuri sa inyo," sagot
ni Clouds at napatingin sa relo. Alas nuebe
na ng gabi pero kakasimula pa lang ng
concert ng isang sikat na artist.
"Mabuti naman at nagustuhan nila," sabi ni
Seola.
"Uwi na tayo," yaya ni Clouds.
"Ha? Hindi ba natin patapusin ang concert?
Manood pa tayo," tanong ng dalaga. Busy
ang nga kasamahan niya sa pag-aayos ng
mga gamit. May mga PA pa ito.
Kinatok ni Clouds ang ulo niya. "Isipin mo
rin si Ash sa bahay. Paano kung may
masamang nangyari sa bata pag-uwi mo?"
"Kina Yushel siya kaya huwag kang mag-
alala," sabi ni Seola na ikinasimangot ni
Clouds.
"Kahit na. May pasok pa ako bukas kaya
umuwi na tayo!" Hinila na niya si Seola
palabas ng venue kaya napasimangot ang
dalaga.
"KJ mo! Gusto ko pang makita ang special
guest e!" Ang daming artista na guests kaya
excited siya pero ang excitement niya,
parang umaapoy na kandila na biglang
binuhusan ng tubig ni Clouds.
"Huwag ka nang magreklamo! Darating ang
araw na ikaw mismo ang magco-concert sa
Araneta!" sabi ni Clouds kaya may eksenang
biglang nag-flash sa diwa ni Seola.
Kumakanta siya sa harap nang maraming
taong nakikisabay sa kaniya sa pagkanta at
tuwang-tuwa at paghanga ang nakaukit sa
mga mata.
Napabalik siya sa reyalidad nang katukin na
naman ni Clouds ang ulo niya. "Pero bago
mangyari iyon, marami ka pa munang
kakaining bigas, tindera ng pancit canton!"
"Panira ka talaga sa panaginip ko!" reklamo
ni Seola at sumunod na kay Clouds na
pumara ng taxi.
Pagdating sa bahay, agad na sinundo ni
Seola si Astray sa kaibigan niya. Si Clouds
naman ay dumiretso sa loob ng bahay.
"Magpunas ka at matulog, okay?" sabi ni
Seola sa kapatid nang makapasok sila. Gising
pa ito at nanonood ng TV kasama ng
magkapatid niya.
"Opo. Saan po si Kuya Clouds?" tanong ng
bata habang nakatingala sa kapatid.
"Nasa kuwarto pa niya kaya bilisan mo na
bago pa siya lumabas," sagot ng dalaga
nang marinig ang kalabog sa kuwarto ni
Clouds.
"Ate? Puwede po ba akong tumabi kay
Kuya?"
"Hindi!" sagot ni Seola. "Ang bata-bata mo
pa, naglalandi ka na?"
"Ate naman. Gusto ko lang makatabi si
Kuya," naka-pout na sagot ni Astray Czarina.
"Siya? O ang kama niya?"
Napangiti si Astray at napakamot sa ulo.
"Ang lambot po kasi e."
"Magpunas ka na, dali. Kapag magkapera na
ako, ibibili kita ng magandang kama kaya
magdasal ka na sisikat ako."
"Ikaw pa? Ang galing mo kayang kumanta,"
puri ni Astray at tumakbo na sa banyo para
magpunas. Napabuntonghininga ang dalaga
habang nakatingin sa kapatid. Kaya sisikapin
niyang maging magaling na singer kahit na
hindi sila nagkakasundo ng manager niyang
sumpungin.
Nang makalabas si Astray, pinalitan niya ang
damit ng kapatid at pinatulog na dahil may
pasok pa ito kinabukasan.
Lumabas siya at nadatnan niya si Clouds na
nagpainit ng tubig.
"Ano ang gagawin mo?" tanong niya at
naupo sa mesa.
"Magtitimpla ng kape," sagot ni Clouds at
inilapag ang mug sa table saka nagsalin ng
mainit na tubig.
"Hindi ka ba uuwi sa inyo?" tanong ni Seola.
"Kailangan kitang tutukan para makakuha ka
ng project," sagot ni Clouds at naupo sa
upuang nasa harapan ng dalaga.
Inabot niya ang electric fan at itinuon sa
kaniya.
"Paikutin mo. Ikaw lang ba ang naiinitan?"
"Bakit ba kasi isa lang ang electric fan dito
sa sala ninyo?" singhal ni Clouds. Sobrang
init. Sanay pa naman siya sa aircon. Kahit
sala ng bahay nila, naka-aircon.
"Pasensiya ka na, ha. Pobre lang kasi kami!"
sagot ni Seola na naiinis sa kaartehan ni
Clouds. Dinaig pa nito si Kris Aquino sa
pagiging maarte e. At least si Kris, babae.
Pero si Clouds, sobra sa bakla
makapagreklamo.
"Tiyaga ang tsinelas, pakiayos naman sa tabi,
Seola. Hindi na kung saan-saan mo na lang
inilalagay. Tingnan mo, ang panlabas na
tsinelas, nahalo na sa pambahay ninyo ni
Astray!"
Padabog na tumayo si Seola at inayos ang
tsinelas.
"Okay ka na? Ano pa?"
"Alam mo kung ano pa ang gagawin, Seola.
Ke babae mong tao, hindi ka marunong
mag-ayos?" panunuya ni Clouds. Sanay
siyang maayos ang nakikita sa loob ng
bahay dahil may tigaayos sila. Isa pa,
metikulosa ang mommy niya pagdating sa
mga gamit nila. Ang daddy Sky lang naman
niya ang burara sa gamit kaya madalas na
napapagalitan ng kanilang ina.
"Oo na po!" napipikon na sabi ni Seola.
"Nakikitira ka lang eh!"
"Nagbabayad ako!" ani Clouds kaya tikom na
ang bibig ng dalaga.
"Matulog na ako, Clouds. Pakihugas na lang
niyang mug mo kapag tapos ka na dahil
baka magkaipis tayo."
"As if na ang linis mo! May ipis na nga
akong nakita sa kuwarto eh!" wika ni Clouds.
Kaninang umaga, muntik na siyang
mapatalon sa bintana nang makita ang ipis
sa loob ng sapatos niya.
"Kuwarto mo iyon kaya ikaw ang madumi!"
ani Seola saka inirapan ang binata bago
pumasok sa kuwarto.
"Lakas makairap e!" ani Clouds at inubos na
ang kape saka hinugasan. "Damn! Dito lang
ako naghuhugas ng mga plato!"
Bumalik siya sa kuwarto at kinuha ang
bathrobe saka naligo dahil naiinitan talaga
siya. Ilang araw na siyang hindi natutulog sa
kuwarto na may aircon mula nang lumipat
siya rito. Nakakatipid nga siya pero
pinagpapawisan naman siya palagi.
"Bibili ako ng air cooler fan bukas," sabi
niya.
Nang matapos na siyang mag-ayos,
pabagsak na nahiga siya sa kama at
napatingin sa bubong na kaunting ihip ng
malakas na hangin ay babagsak na.
"Kailangang makilala si Seola sa larangan ng
musika," bulong niya. Iyon na lang ang way
para bumalik ang career niya. Napasulyap
siya sa mamahaling gitara. Ito na lang ang
meron siya sa ngayon at kakarampot na
pera na mula sa sasakyang ibenenta niya.
Nakatulugan na niya ang mga problemang
iniisip.
Kinabukasan, kumakain na ang magkapatid
nang magising siya.
"Kain tayo, Kuya Clouds," alok ni Astray
habang nakatingala sa kaniya.
"Anong ulam? Pancit canton na naman?"
tanong niya at hinila ang isang silya para
maupo sa tabi ni Astray na kaharap ni Seola.
"Tuyo po," sagot ni Ash na maganang
kumakain. Napatitig si Clouds sa tuyo at
sinangag na nasa harapan niya.
"Hindi ako kumakain ng ganiyang pagkain,"
sagot ng binata.
"Bakit?" tanong ni Seola.
"Kasi hindi masarap!"
"Natikman mo na?" Nakataas ang kilay na
tanong ni Seola kaya natahimik si Clouds.
"Hindi ako kumakain ng pagkaing mahirap!"
"Pero tumitira ka sa bahay ng mahirap!" ani
Seola at nakipagtitigan kay Clouds. "Hindi
mo pa nga natikman, sabihin mo nang hindi
masarap? Kung hindi ka marunong
makibagay, umalis ka na sa pamamahay
namin ni Ash!" pagtataboy ng dalaga kaya
kinuha ni Clouds ang plato.
"Arte mo! Kakain na nga e!" napilitang sabi
ng binata at kinuha ang kutsara saka
nilagyan ng sinangag ang plato niya habang
nakatitig kay Seola na salubong ang mga
kilay. Galit ba talaga ito sa kaniya dahil lang
ayaw niyang kumain ng pagkain ng masa?
Sarap picture-an ng mukha e. Namumula pa
ang ilong sa galit.
"Mas masarap po siyang kainin kapag
nakakamay lang, Kuya Clouds," suhestiyon
ng bata.
"G-Ganoon ba?" tanong ni Clouds.
Marunong naman siyang magkamay pero
hindi siya nagkakamay lalo na sa mataong
lugar. Kahit nga sa Mang Inasal,
nagkukutsara siya.
Hindi pa siya nakakalahati nang tumayo si
Seola.
"Tapos ka na?" tanong niya.
"Magtitinda pa ako sa school ninyo kaya
mauna na ako," paalam ng dalaga at
pumasok ito sa loob ng banyo para mag-
tootbrush. Nang makalabas, kinuha nito ang
sling bag.
"Hindi ka ba sasabay sa akin?" tanong ni
Clouds habang kumakain.
"Hindi ba't sabi mo, bawal na malaman
nilang nasa iisang bahay lang tayo nakatira?"
tanong din ni Seola kaya natigilan si Clouds.
"Oo nga! Nagtatanong lang naman ako!"
nakasimangot na sagot ng binata. "Umalis
na nga kayong magkapatid! Storbo kayo sa
pagkain ko!"
Wala na ang magkapatid kaya napilitan
siyang maghugas ng mga plato.
"May instant katulong ang dalawa!" reklamo
niya na puno na ng sabon ang mga kamay
niya.
Matapos niyang ayusin ang nahugasan at
nailagay sa tamang lalagyan, naligo na siya
para makapasok na.
"Haist! Napakaburara talagang babae!"
reklamo niya at inayos ang pambahay na
tsinelas ni Seola sa tabi ng tsinelas nila ni
Astray. Napangiti siya nang makitang
maayos na ang mga tsinelas na napagitnaan
ng tsinelas nila ni Astray ang kay Seola.
Nang makalabas sa kalye, pumara siya ng
taxi papunta sa paaralan nila.
"Bes!" tawag ni Clarissa.
"Hi," nakangiting bati ni Clouds matapos
siyang halikan sa pisngi ni Clarissa.
"Masaya ka yata?" puna ng dalaga.
"Hindi na," sagot ni Clouds nang mapasulyap
sa stall ni Seola ay nandoon na naman si Red
na kumakain.
"Bakit?" tanong ni Clarissa at sinundan ang
tinitingnan ng kaibigan. Napabuntonghininga
si Seola.
"M-May namamagitan ba sa kanila?" tanong
ng dalaga.
"Sino?"
"Red at Seola," walang kabuhay-buhay na
sagot ng dalaga.
"Malabo!" sagot ni Clouds. "Huwag mo
ngang isipin 'yan! Hindi siya bagay kay Red!
Iba ang taste ng mga Villafuerte!"
"Bakit close sila? Palagi siyang bumibili ng
kikiam at fishball kay Seola."
Matalim na tinitigan ni Clouds ang
nakangiting mukha ni Seola habang nagse-
serve sa pinsan niya.
"Masarap lang ang sauce nila! Pumasok ka
na nga sa klase ninyo!" pagtataboy ni Clouds
sa girl bestfriend kaya umalis na ang dalaga.
Lumapit siya sa dalawa.
"Ang aga mo pa yatang bumili ng kikiam,
Red," sabi ni Clouds at tumabi sa pinsan.
"Hindi pa ako kumakain," sagot ni Red at
tiningala si Seola na nasa harapan niya.
"Kumain ka na ba, Seola? Baka gusto mo
akong sabayan? Libre na kita."
"Kumain na siya kanina pa," sabat ni Clouds
kaya napatingin si Red sa kaniya.
Pinanlakihan naman siya ng mga mata ng
dalaga. "S-Siyempre, kakain talaga 'yan
bago umalis ng bahay. Alam mo naman,
nagtitipid 'yan. Hula ko, tuyo pa nga ang
ulam niyan eh!"
"B-Busog na po ako, Sir Red," naiilang na
sagot ni Seola at pasimpleng pinandilatan si
Clouds.
"Ako na lang ang ilibre mo para makabenta
naman si Seola," sabi ni Clouds.
"Sige, ano ba ang gusto mo?" tanong ni
Red.
"Kahit ano. Busog pa pala ako pero kakainin
ko kapag libre mo."
Nag-order si Red ng kikiam para kay Clouds
kaya nagluto si Seola. Matapos ang ilang
minuto, nakahinga siya nang maluwag nang
makaalis na ang magpinsan.
Nagsimula na ang busy na buhay niya nang
dumagsa ang mga estudyante sa stall niya.
Masarap daw ang sauce niya e.
"Ate? Totoo bang talent ka ng Bright Star
agency?" manghang tanong ng isang
estudyante kaya napakamot da ulo ang
dalaga.
"H-Huh? Bago pa lang," nahihiyang sagot ni
Seola.
"Talaga ho?" nanlaki ang mga matang wika
ng isang estudyante. "Sample naman diyan!"
"Oo nga po. Sample naman," segunda ng isa
pa.
"Sample! Sample! Sample!"
Nagsigawan na sila kaya napakagat sa
ibabang labi si Seola. Kakanta ba siya?
Kinakabahan siya. Mga mayayaman kasi ang
nasa harapan niya.
"Ate, sige na. Sample naman diyan."
Napilitang kumanta si Seola kaya nagsilapit
ang iba pang estudyante nang makitang
nag-umpukan ang mga estudyante sa stall
niya.
"Maraming salamat," nakangiting pasalamat
ni Seola at yumuko sa harap ng mga
estudyanteng nagpapalakpakan.
"Ang galing mo po, Lodi!"
"Woah! Petmalu!"
"Fan mo na po ako!"
Hiyawan ng mga estudyante matapos niyang
kumanta na ikinataba ng puso ng dalaga.
"Salamat po sa inyong lahat," nahihiyang
pasalamat ng dalaga at napasulyap kina Red,
Clouds at Clarissa na nakatingin sa kaniya.
Napangiti siya nang mag "OK" sign si Red at
kumindat sa kaniya kaya naiilang na
nag-"OK" sign na rin siya bago tumalikod
ang tatlo.
