16

846 45 0
                                    


MY UNIDEAL GIRL

by: sha_sha0808 Ash Simon

CHAPTER 16

Unedited...
"Kain ka nang marami. Ito pa," sabi ni
Clouds at inabot ang adobong manok na
niluto kanina.
"Masarap po," puri ni Astray na marami na
ang kain.
"Mabuti at nagustuhan mo. Ayaw ko talaga
na nakikita kang nagugutom," sabi ng binata
at ginulo ang mukha ni Astray. "Dapat
alagaan mo ang sarili mo para palagi kang
malusog at masigla."
"Salamat po sa pag-alaga sa amin ni Ate
Seola lalo na sa akin, Kuya Clouds,"
pasalamat ng bata kaya napangiti si Clouds.
"Masaya ako kapag inaalagaan kita pero
hindi na kasama ang Ate Seola mo,"
pagtatama ni Clouds. Alas otso na pero wala
pa rin si Seola at hindi niya alam kung saan
ito dahil tinatamad siyang tumawag.
"Hmm? Kuya Clouds? Mabait naman po si
Ate Seola. Kahit na medyo strict at kuripot
siya, naintindihan ko naman po iyon. Ganoon
talaga si Ate Seola kasi mahirap lang po
kami. Bata pa lang po ako, siya na ang
bumuhay sa akin dahil namatay ang nanay
namin," malungkot na sabi ni Ash. Nakikita
naman niyang pagod ang ate niya pero
tinatago lang nito sa kaniya at pilit na
ngumiti.
"Oo na lang. Kumain ka pa, marami pa ito,"
sabi ni Clouds kaya maganang tinapos nila
ang pagkain.
"Ako na ang maghugas, magpahinga ka na
dahil alam kong pagod ka pa sa klase
kanina," sabi ni Clouds at inagaw sa bata
ang hinuhugasang plato.
"Huwag na. Sabi ni Ate Seola, ang bunso
ang maghuhugas ng plato," ani Ash.
"Huwag kang maniwala sa ate mo dahil hindi
lahat ng sinasabi niya ay tama. Paano kung
pagod ka? Magpahinga ka na dahil ako na
ang maghuhugas," sabi ni Clouds kaya
napangiti si Astray at tumabi para ang
binata na ang maghugas.
"Kuya Clouds? Asawahin mo na lang po kaya
si Ate Seola para palagi ka na naming
kasama," suhestiyon ng bata kaya
sumimangot ang binata.
"Wala akong gusto sa ate mo kaya matulog
ka na!" tanggi ni Clouds.
"Hmm? Bagay kayo e."
"Talaga?" nakangiting tanong ni Clouds at
lumingon sa bata pero kaagad namang
napalis ang mga ngiti niya at sumeryoso ang
mukha.
"Hindi ko gusto ang idea na 'yan! Iba ang
gusto ko at hindi ang ate mo!" tanggi niya.
"Doon ka na nga! Mabasa ka pa rito!"
Pagtataboy niya sa bata kaya nagtatampong
lumabas sa kusina si Astray Czarina.
"Bagay raw!" nanunuyang bulong ni Clouds
at ipinagpatuloy ang paghuhugas ng plato.
"Bakit ba ako naghuhugas?" tanong niya sa
sarili nang patapos na siya sa ginagawa.
Wala pa rin si Seola kaya bad mood na siya.
Paglabas niya, nakahiga sa sala si Ash kaya
binuhat niya ang bata at dinala sa kuwarto
niya dahil alam niyang gustong-gusto nitong
mahiga sa higaan niya.
Marahang inilapag niya ang bata sa kama
para hindi magising. Napangiti siya habang
pinagmasdan ito. Ang haba ng pilikmata,
bilugan ang mukha at maamo ang mukha.
Matangos din ang ilong nito na mukhang
namana sa ama. Si Seola naman ay sa ina
nagmana ang mukha na hindi ganoon
katangos ang ilong.
"Ako ang naaawa sa 'yo. Sana maiuwi kita sa
bahay pero hindi ka puwedeng maihiwalay
sa ate mo," mahinang sabi ni Clouds at
naupo sa gilid ng kama. Eh, kung isama na
kaya niya ang kapatid nito para magsama na
silang tatlo?
"Damn! Ano ba ang iniisip mo, Clouds?"
tanong niya sa sarili. Hindi puwede.
Papagalitan siya ng mga magulang kapag
iuwi niya ang magkapatid. Isa pa, war silang
mag-ama. Wala siyang kakampi kaya ayaw
na niyang umuwi.
Tumayo siya at lumabas ng kuwarto nang
marinig ang pagbukas ng pinto sa labas.
"Saan ka galing? Alam mo bang kanina pa
naghihintay si Ash?" tanong niya kay Seola
na may bitbit na supot.
"Nagtinda pa ako ng balut," sagot ng
dalaga.
"Hindi mo ba iniisip si Ash? Bata pa siya
para iwan mo sa gabi!"
"Tumawag ako sa kaniya kanina. Ang sabi
niya, nagluluto ka na raw kaya hindi na ako
umuwi dahil alam kong nandito ka na,"
sagot ng dalaga at inilapag sa mesa sa bag
at supot na may bigas.
"Hindi ako babysitter niya!" ani Clouds.
Binuksan ni Seola ang nakatakip na pagkain
sa mesa. Ang bango ng adobo kaya
nakaramdam siya ng gutom.
Inabot ni Clouds ang plato sa kaniya.
"Salamat, nakakagutom," sabi ni Seola at
nilagyan ng kanin ang plato. "Kumain na ba
kayo?"
"Kanina pa. Lumamig na 'yan dahil ang tagal
mong umuwi!" sagot ni Clouds.
"Pasensiya ka na, wala na kasi tayong bigas
kaya kailangan kong maghanap ng diskarte
para may pagkain tayo sa loob ng dalawang
araw," paumanhin ni Seola at tinikman ang
luto ng binata. "Hmmm? Masarap, ha. Saan
ka natutong magluto?"
"Sa bahay," sagot ni Clouds na pinipigilang
ngumiti. Matagal na niyang gustong magluto
pero sa tuwing susubukan niya,
kinakantiyawan siya ng mga kapatid nang
masunog ang pritong isda kaya hindi na niya
sinubukan pang magluto ulit. Pero
paminsan-minsan, nagtatanong siya sa
katulong kung paano lutuin ang inihahanda
sa kusina. "Sana ipinaalam mo na wala na
pala tayong bigas para makabili ako."
"Huwag na. Ang dami mo nang nabili lalo na
para kay Ash kaya kahit sa bigas, ako na
lang," sabi ni Seola na nahihiya na sa binata.
"Masaya ako kapag may maibigay ako kay
Ash," sagot ni Clouds.
"Salamat pala sa lahat. Alam mo bang
pangarap ni Ash na makahiga sa malambot
na kama?"
"Obvious nga," sagot ni Clouds at napangiti.
"Kaya gustong-gusto niyang tumabi sa akin
sa pagtulog dahil sa kama ko."
Natahimik na sila pareho. Si Seola ay
ipinagpatuloy ang pagkain habang si Clouds
ay nakatitig lang sa dalaga habang
sumusubo. Wala namang kakaiba kay Seola.
Hindi pa rin naman ito maganda pero bakit?
Bakit kinakabahan siyang magkatitigan sila?
Para siyang napako nang mapatingin si Seola
sa kaniya at magkasalubong ang mga mata
nila. Ayan na naman, tumitibok na naman
nang mabilis ang puso niya.
"O-Okay ka lang?" nag-aalalang tanong ni
Seola nang mapansing namumutla si Clouds.
"S-Seola? S-Susubukan kong kausapin si
Red para makakanta ka sa radio station,"
pag-iiba ni Clouds nang matauhan. Malaking
bagay rin iyon para mas lalong makilala si
Seola.
"Sana magbunga ang paghihirap natin," sabi
ng dalaga na puno ng pag-asa ang mga
mata.
Parang robot na tumayo si Clouds at kinuha
ang gitara sa kuwarto saka bumalik sa sala
para kumanta.
Habang naghuhugas, napangiti si Seola nang
marinig ang boses ng binata. Ngayon lang
niya napakinggan ang tunay na boses ni
Clouds. Totoo palang may maipagmalaki ito
sa larangan ng musika.
"Matulog na ako, Seola. Sa kuwarto ko na
lang si Ash dahil mahimbing na ang tulog
niya," paalam ni Clouds kaya lumingon ang
dalaga saka nginitian siya.
"Salamat sa pag-alaga, Clouds."
"Huwag kang ngumiti, Seola! Hindi bagay sa
'yo! Mas okay kapag hindi ko makita ang
ngiti mo!" nakasimangot na sabi ni Clouds
kaya napasimangot si Seola. "Good. Ganiyan
ka na lang parati. May mga tao talaga na
mas gumaganda kapag nakasimangot."
"Hindi kami tumatanggap ng singer kagaya
niya," sagot ng radio representative na
kinakausap ni Clouds.
"Bakit? Magaling naman siyang kumanta,"
giit ni Clouds.
"Wala pa siyang napatunayan sa mundo ng
musika. Nag-trending siya pero hindi
ganoon kasikat. Isa pa, tingnan mo nga,
hindi siya nanalo sa Survival Song. Wala pa
siyang pangalan kaya paano namin siya
maimbitahan sa radyo? Baka kapag marinig
nilang siya ang guest namin, ilipat ng
listener ang estasyon dahil hindi naman nila
ito kilala," maliwanag ng matandang nasa
kuwarenta na ang edad.
"Kahit ngayon lang," pakiusap ni Clouds.
"Mag-produce muna siya ng album para
marami ang guesting niya," suhestiyon nito
kaya tumayo si Clouds.
"May pasok pa po ako kaya mauna na ako,"
paalam ni Clouds. Nagsasayang lang pala
siya ng laway rito.
Palabas na siya sa coffeeshop nang buksan
ang wallet.
"Shit!" sambit niya. Kaunti na lang ang pera
niya. Mga sampung libo na lang siguro ang
naiwan sa bahay nina Seola. Wala na siyang
makukuhanan pa ng pera. Isinuot niya ang
dalang sombrero sa bag at shades saka
pumara ng dyip. Tama si Seola, kailangan
niyang magtipid.
Pagdating sa bahay, nagpi-prito ng isda ang
dalaga.
"Bakit ngayon ka lang?" tanong ni Seola at
binaligtad ang isdang nasa kawali.
"May pinuntahan lang. Seola? Kailangan
mong magka-album para mas makilala ka
pa," ani Clouds.
"Wala nang pag-asa dahil walang magpro-
produce," malungkot na sagot ng dalaga.
"Kakausapin ko si Red bukas. Nag-text na
ako sa kaniya kaya mag-uusap kami sa
school."
"Sana nga," ani Seola. "Pakibantay ng isda,
kapag hindi na madikit, luto na 'yan.
Susunduin ko lang si Ash sa kapitbahay."
----------------
"Medyo mahirap pero kailangan nating
makumbinse si Mister Lapid para mag-
produce ng album ni Seola. Ang
pagkakaalam ko, busy siya sa album nina
Clarissa at Tanya," sabi ni Red habang nasa
rooftop silang tatlo. Nakaupo sila at
kaharap nina Seola at Clouds si Red.
"Dapat bigyan niya ng chance ang mga
baguhang singer," ani Clouds. Kahit na siya
na ang maging songwriter ni Seola para
makatipid sila.
"Pera-pera din kasi 'yan. Kailangan nilang
makakita nang marami para bumalik ang
pera na inilabas nila. Alam mo 'yan, Clouds.
Walang silbi ang album na ire-release natin
kapag walang buyers."
"Hayaan na ninyo, okay lang kahit wala
akong album," sabat ni Seola na nahihiya sa
dalawa.
"Wala pa kasing sponsor si Seola kaya
kailangan din natin ng sponsor," ani Red
kaya napabuntonghininga si Clouds. Ang
dami pa nilang kulang lalo na sa pera.
"Ikaw na lang kaya ang mag-sponsor, Red?
Tutal, mayaman ka naman," suhestiyon ni
Clouds na ikinatawa ni Red.
"Alam mong bawal akong mag-sponsor sa
kahit isang singer kung hindi kapamilya.
Alam mo namang iniiwasan kong maging
unfair sa ibang talent. Pero hayaan ninyo,
gagawa ako ng paraan para makahanap ng
sponsor at producer si Seola," sabi ni Red at
nginitian ang dalaga. "Magaling ka naman
kaya hindi mahihirapan ang agency sa
paghahanap."
Naiilang na ngumiti si Seola kay Red dahil
ang guwapo nito. Pero napanganga siya
nang pasimpleng inapakan ni Clouds ang paa
niya nang hindi nakatingin si Red sa kanila.
"What?" walang boses na tanong niya pero
inirapan lang siya ng binata.
"Punta ka sa agency sa Friday, may ibibigay
akong project sa inyong tatlo ng kasabayan
mo. Maliit na event lang naman para sa mga
senior citizen sa Quezon pero makakatulong
iyon para makilala ka ng iilan. Nasa inyo na
iyon kung paano ninyo ipakilala ang sarili
ninyo na hindi nila nalilimutan ang pangalan
n'yo."
"Talaga po? Salamat," nakangiting pasalamat
ni Seola na kulang na lang ay yakapin si Red
sa saya pero naalala niyang nasa tabi pala
niya si Clouds.
"Psh! Huwag kang masyadong excited. Maliit
na event lang iyon!" saway ni Clouds.
"Ngingiti-ngiti ka pa riyan!"
"Kahit na maliit na bagay, masaya na ako
roon," nakasimangot na sabi ni Seola. Ang
lakas makapanira ng kaligayahan ni Clouds e.
"Hayaan mo siyang maging masaya," sabat
ni Red. "Ganiyan ka rin naman noong
baguhan ka pa."
"Bumalik ka na sa puwesto mo, Seola!
Malulugi na ang may-ari sa 'yo." Pagtataboy
ni Clouds.
"Oo na!" sabi ni Seola at tumayo na saka
hinarap si Red. "Mauna na po ako, Sir Red.
Kitakits na lang po tayo sa agency."
"Sige. Ingat ka, Seola."
Nang makalabas na si Seola, napatingin si
Red sa pinsan.
"Oh? Nagtatanong si Tita Taira sa akin kung
kumusta ka na? Saan ka ba tumutuloy?"
"Bahala sila!" sagot ni Clouds na salubong
ang kilay.
"Saan ka nga tumutuloy, Ulap?" pangungulit
ni Red.
"Sa isang masayang tahanan! Huwag mo
nang alamin! Tsismoso mo, Pula!"
pagsisinuplado ni Clouds at iniwan na ang
pinsan dahil may kailangan pa siyang gawin.

My Unideal GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon