17

927 43 0
                                    



MY UNIDEAL GIRL

by: sha_sha0808 Ash Simon

CHAPTER 17

Unedited....
"Kinausap na namin si Mister Lim pero
mukhang hindi siya papayag. Masyado
siyang naka-focus sa next album nina
Clarissa at Tanya pero susubukan pa rin ng
team namin. Huwag kayong mag-alala, may
ibang producer pa naman," pagbabalita ni
Red kina Seola at Clouds. Nagpa-practice si
Seola nang pumasok si Red at nakipag-usap
sa kanila.
"Okay lang po. Maraming salamat sa effort,"
magalang na pasalamat ng dalaga.
"Galingan mo para sa Linggo," sabi ni Red.
Guest sina Seola at ang dalawa pa niyang
kasama kaya pina-practice ni Clouds ito sa
pagsayaw at pagkanta.
"Salamat po ulit sa pagbigay ng raket,"
masayang pasalamat ulit ni Seola.
"Walang anuman, Seola. Tungkulin ng
agency na ito na pangalagaan kayo at mas
makilala pa sa mundo ng musika," sagot ni
Red.
"Tapos na kayong mag-usap?" sabat ni
Clouds matapos ubusin ang laman ng
bottled water saka lumapit sa basurahan at
itinapon. "Magpa-practice pa kami kaya
kung puwede, lumabas ka muna Red?"
"Okay. Goodluck, Seola," ani Red kaya
ngumiti ang dalaga.
"Salamat po ulit."
Nakalabas na si Red kaya naupo si Seola sa
upuang nasa gilid niya saka inunat ang mga
paa.
"Nakakapagod pala ang sumayaw," ani Seola
at hinilot pa ang mga binti.
"Masanay ka rin. Tumayo ka na at mag-
practice dahil alam mo 'yong kawayang
sobrang tuwid tapos nilalabanan ang ihip ng
hangin? Gano'n na gano'n ka kung
sumayaw," sabi ni Clouds na ikinasimangot
ng dalaga.
"Wala ba talaga akong papuring
matatanggap mula sa 'yo?" reklamo ng
dalaga.
"Hanggat hindi mo sineseryoso ang lahat,
wala kang matatanggap mula sa akin kundi
ang honest na komento ko," sagot ni Clouds
na blangko ang mukha. Lumapit siya kay
Seola at hinila ito patayo.
"Pagod ako eh," reklamo niya.
"Tingin mo sa akin? Hindi? Tumayo ka na
para makauwi ka nang maaga!" giit ni Clouds
at pinatugtog ang music. "Sumayaw ka
habang kumakanta."
Nakatitig si Seola kay Clouds at hindi
kumikilos.
Muling pinatay ng binata ang music. "Hindi
ka ba talaga magseseryoso, Seola?"
"Alam mo kung ano ang problema, Clouds?
Naiilang akong sumayaw dahil pakiramdam
ko, sa tuwing pinapanood mo ako,
pinagtatawanan mo lang ako dahil hindi ako
marunong sumayaw."
Galit na lumapit si Clouds sa table at
dinampot ang gitara saka humarap kay
Seola. "Kung naiilang kang sumayaw sa
harap ko, aalis na ako!"
"C-Clouds!" natarantang sabi ni Seola at
agad na hinawakan ang kanang kamay ng
binata. "H-Huwag ka namang magalit,
honest lang ako. Nahihiya pa kasi e. T-Tingin
ko kasi, pabigat lang ako dahil kahit ano
mang turo mo, hindi pa rin ako magaling
kumanta at sumayaw."
Napabuntonghininga ang binata. "Kaya nga
tinuturuan ka, eh. Kabisado mo naman ang
steps kaya aalis na lang ako. Sumayaw ka
nang sumayaw. Isipin mo na nasa harap ka
ng maraming tao at nagpe-perform na.
Solo mo ang silid na ito kaya malaya kang
gawin ang lahat ng gusto mo, okay?"
"G-Galit ka?" nakatingalang tanong ni Seola.
Napatitig ang binata sa kamay niya na hawak
ni Seola. Gusto niya sanang hilain pero wala
siyang lakas para gawin ito. Iyon bang
parang siya na lang ang makakapitan ni
Seola kaya hindi niya kayang bumitiw para
talikuran ito.
"Hindi. May pupuntahan lang ako kaya
bibigyan kita ng time para magsolo. Gawin
mo ang best mo. Wala ka namang problema
sa steps eh. Ang kailangan mo lang ay
maging kampante at magtiwala sa sarili mo
na magaling ka," sagot ni Clouds kaya
binitiwan ni Seola ang kamay niya.
"Salamat sa pagtiyaga sa akin para maturuan
ako, Clouds. Sana darating ang araw na
hindi na tayo magtatalo," nakangiting
pasalamat ng dalaga.
"Psh! Alis na ako!" ani Clouds at kinatok ang
ulo ng dalaga. "Huwag kang umasang
maging mabait ako sa 'yo dahil hindi ko
ugaling mag-adjust sa isang katulad mo!
Para lang talaga 'to sa career ko kaya kita
pinagtititagaan!"
Lumabas na ang binata pero nakangiti pa rin
si Seola. Kahit ganiyan si Clouds, mabait
naman ito sa kapatid niya kaya okay lang.
Nag-practice siya na para bang nasa
entablado siya hanggang sa napagod na
siya. Hindi niya namalayan ang oras, gabi na
pala. Tinawagan niya si Ash at nasa bahay na
raw si Clouds kaya napanatag siya. At least
may kasama na ang kapatid niya. Kahit na
ganoon si Clouds, mapagkatiwalaan ito
pagdating kay Ash. Napapansin niyang
napalapit ang loob nito sa kapatid niya.
"Hello, Seola. Nandito ka pa pala," bati ni
Red habang naglalakad siya sa pasilyo.
Sakto kasing napadaan siya sa opisina nito
nang lumabas naman ang binata.
"Good evening po, Sir Red," magalang na
bati ni Seola.
"Nag-iisa ka yata?" ani Red.
"Opo. Umalis na kasi si Clouds kanina pa,"
sagot ng dalaga na sinasabayan ng binata sa
paglalakad.
"Ah, pauwi ka na?"
"Opo," sagot ni Seola.
"Nag-dinner ka na ba?"
"Hindi pa po. Sa bahay na lang," sagot ng
dalaga.
"Tamang-tama, hindi pa rin ako kaya
sumabay ka na sa akin," yaya ni Red.
"Naku, huwag na po. Hinihintay pa kasi ako
ng kapatid ko," tanggi ng dalaga na malapit
na sila sa exit door.
"Tatanggihan mo ba ang boss mo? Alas
siyete na kaya nagugutom na ako," tanong
ni Red kaya napakamot sa ulo si Seola.
"Ngayon lang kita yayain. Naiilang ka ba sa
akin?"
"Ha? Hindi po," tanggi ng dalaga.
"Kung hindi, sabayan mo akong kumain.
Alam mo na, gusto kong may kasabay
kumain. Treat kita kaya don't worry," sabi ni
Red at nakipagtikisan ang mga mata sa
dalaga.
"S-Sige po..." pagpayag ni Seola na medyo
nahihiya pa.
--------------------
Pagkaalis ni Clouds sa agency, dumiretso
siya sa golf club para kausapin ang taong
araw-araw niyang kinakausap.
"Nandito ka na naman?" tanong ni Mr.Lim
nang makita siya.
"Palagi mo akong makikita kung hindi mo
ako pagbibigyan," sagot ni Clouds at
inilapag ang gitara saka naupo sa tabi ni
Mr.Lim na nanonood sa mga kasama nitong
naglalaro. Nagpapahinga lang ito dahil
kanina pa siya naglalaro.
"May priorities ako at hindi ang baguhang
katulad niya," sagot ni Mr.Lim.
"Pagbigyan mo lang si Seola at ipinapangako
kong gagalingan niya," pangungumbinse ni
Clouds kaya napalingon ang matanda sa
kaniya.
"Kampante ka talaga sa alaga mo?"
seryosong tanong ng matanda.
"Kampante ako sa sarili kong makakaya
niya," giit ni Clouds.
"Ako hindi," sagot ni Mr.Lim. "Baguhan lang
siya at malulugi lang ako sa kaniya."
"Hindi mo pa nasusubukan kaya huwag
mong sabihin iyan," sagot ni Clouds na
malapit nang maubos ang pasensiya sa
producer na kausap.
"Business is business, Mister Villafuerte.
Hindi ako nagpro-produce kapag hindi ako
sigurado sa kikitain ko."
"Huwag mong hayaang lamunin ng pera ang
mundo ng musika, Mister Lim. Huwag kang
mag-focus sa iilan kung marami namang
magagaling na puwedeng pagbigyan," ani
Clouds kaya tumawa ang matanda.
"Do you think, hindi magaling ang mga
napili ko?" tanong ng matanda saka
napailing.
"Wala ho akong nasabi na ganiyan. Ang akin
lang, pagbigyan mo ang isang baguhan.
Malay mo, baka magaling din siya kagaya ng
iba," lipad sa hangin na pangungumbinse ni
Clouds. Wala na siyang choice. Kailangang
magka-album si Seola at si Mr.Lim ang
daan.
"Malulugi ako kapag makipagsapalaran ako
sa singer na walang pangalan lalo na kung
marami namang magagaling diyan na subok
na ang talento, Mister Villafuerte."
"Malulugi? Subukan mo lang."
"Hindi ako nakikipagsapalaran lalo na kung
walang kasiguraduhan ang patutunguhan,"
ani Mr. Lim at napasulyap sa katabing gitara
ng binata.
Napansin ni Clouds ang pagtitig nito sa
gitara niya kaya hindi niya nagustuhan ang
naiisip nito.
Ngumisi si Mr.Lim. "Kung gusto mong
magka-album ang alaga mo, puwede mong
gawing collateral ang gitara mo."
Napamura si Clouds sa isip. Mahalaga sa
kaniya ang gitara niya kaya nga isinangla
niya ang sasakyan para lang makuha ito.
Maliban sa pilak ang halaga, ito ang
pinakamahalagang bagay sa buhay niya kaya
hindi siya papayag.
"Pasensiya ka na, hindi ako makapapayag sa
gusto mong mangyari," sagot ni Clouds.
"Akala ko ba, kampante ka sa kakayahan ng
alaga mo? Paano ko ipagsapalaran ang
pangalan ko bilang producer kung ikaw
mismo, ayaw mong sumugal?"
"Maraming paraan pero huwag ang gitara
ko," tanggi ni Clouds saka tumayo.
"Pero gusto ko ang gitara mo dahil ayaw
kong malugi. Makukuha mo naman siya oras
na mag-hit ang album ng alaga mo," ani
Mr.Lim.
"P-Paano ko masigurong tutupad ka sa
usapan oras na makuha mo na ang gitara
ko?" tanong ni Clouds.
"May isa akong salita, Mr.Villafuerte."
"S-Sige, papayag ako," napilitang pagpayag
ng binata. May iba pa bang option?
Mukhang wala na.
"Pag-isipan ko, Clouds. Umalis ka na,
maglalaro pa ako," pagtataboy nito.
"Ang gitara ko?" tanong ni Clouds.
"Dalhin mo pauwi, pag-iisipan ko pa."
Bitbit ang gitara, umuwi si Clouds dahil
pagabi na.
"Wala pa ang Ate Seola mo?" tanong ni
Clouds matapos ilagay sa tabi ng tsinelas ni
Ash ang sapatos niya.
"Wala pa po," sagot ng bata na nagsasalang
ng bigas sa rice cooker. "Kuya? Magluto ka
po ng adobo, paborito namin ni Ate Seola
ang adobo mo."
Ngumiti si Clouds. Napapawi ang pagod niya
kapag makita niyang masaya si Ash.
"Sige, magpapalit lang ako at magluluto
tayo," ani Clouds saka pumasok sa kuwarto.
Paglabas niya, bumili sila ni Ash ng maluluto
sa labas.
Pagbalik ng bahay, saktong luto na ang
sinaing ni Ash. Inilagay ni Clouds ang apron
saka sinimulang magluto ng adobong baboy.
"Kuya? Hintayin natin si Ate Seola,"
masayang sabi ni Ash na lumapit kay Clouds.
"Saan na ba siya?"
"Pauwi na raw po," magalang na sagot ng
bata. Alas otso na kaya tamang-tama lang
siguro sa pagdating ni Seola na luto na ang
adobo niya.
"Sige. Ihanda mo nang maayos ang table
para pagdating ng ate mo, kakain na lang
siya," pakiusap ni Clouds at napangiti. Gabi
na kaya sigurado siyang gutom na gutom
ang babaeng iyon.
"Tiyak na masasarapan ang babaeng iyon!
Patay-gutom pa naman 'yon kung kumain,"
nakangiting sabi ni Clouds at tiningnan kung
marami ang naisaing ni Ash.
Matapos ang trenta minutos, wala pa rin si
Seola.
"Nagugutom na po ako," reklamo ni Ash na
nakahawak sa tiyan.
"Sige, kumain na tayo," ani Clouds na kanina
pa tinatawagan si Seola pero patay ang
cellphone nito.
Masayang kumakain si Astray Czarina pero
hindi kayang lunukin ni Clouds ang kinakain.
"Ash? Ang sabi mo, pauwi na si Seola nang
tumawag sa 'yo?"
"Opo," sagot ng dalaga saka tumango at
ipinagpatuloy ang pagkain.
Nang matapos kumain ang bata, inutusan ito
ni Clouds na magpalit ng damit para
matulog na. Kinakabahan siya dahil hindi pa
rin niya makontak si Seola.
"Kuya Clouds? Wala pa rin po ba si Ate
Seola?" tanong ni Astray na nakatingala sa
binatang palakad-lakad sa sala.
"Matulog ka na, gabi na," utos ni Clouds.
"Hindi pa po ako inaantok," sagot ng bata.
Bumukas ang pinto at pumasok si Seola na
tila pagod na pagod.
"Saan ka galing?" bungad ni Clouds.
"Gising pa pala kayo," nakangiting sabi ni
Seola.
"Saan ka nga galing!" muling tanong ni
Clouds. "Alam mo bang kanina pa kami nag-
aalala ni Ash sa 'yo? Ang sabi mo, pauwi ka
na pero hindi ka na namin matawagan!"
"P-Pasensiya na, na-lowbat ako. Sinamahan
ko lang si Sir Red na kumain," sagot ni
Seola.
"Kumain ka na po? Nagluto pa naman si
Kuya Clouds para sa atin," malungkot na
wika ni Ash.
"Red?" Ulit ni Clouds na naikuyom ang
kamao. "Kasama mo siya pero hindi ka na
tumawag pa ulit. Bakit? Dahil kasama mo
siya!"
"L-Lowbat nga ako," ani Seola.
"May cellphone ang kasama mo. Kung
talagang iniiisip mo ang kapatid mo, sana
gumawa ka ng paraan!"
"N-Nahihiya akong hiramin ang cellphone
niya," depensa ng dalaga.
"Nahihiya ka?" panunuyang tanong ni
Clouds. "Pero hindi ka nahihiyang kumain na
kasama siya!"
Tumalikod si Clouds saka lumapit sa mesa at
iniligpit ang pagkain.
"Ate?" tawag ni Ash na hinihila ang tshirt ni
Seola para mapansin siya nito. "Alam mo
bang kahit pagod si Kuya Clouds, nagluto
pa rin siya ng ulam natin?"
Nakalabing napatingin si Seola kay Clouds na
nagliligpit ng pagkain. Lumapit siya rito at
naupo sa mesa.
"Huwag mong iligpit, nagugutom pa ako."
"Kumain ka na kaya!" pagsisinuplado ni
Clouds.
"Pero iba pa rin ang lutong bahay. Hindi
naman ako nabusog dahil si Sir Red ang
kasama ko. Iba pa rin kapag kasama ko kayo
ni Ash na kumain," ani Seola kaya tumigil si
Clouds.
"Hindi ka pa busog?"
Umiling si Seola. "Ang totoo niyan, naiilang
akong kumain dahil ang mahal ng pinasukan
naming restaurant tapos siya pa ang kasama
ko. Gusto kong kumain ulit dahil mas gusto
ko pa ang luto mong adobo."
Napatitig si Clouds sa dalagang natatakam
ang mukha. Hindi naman ito
nagsisinungaling kaya ibinalik niya sa ayos
ang pagkain at hinayaan na itong kumain.
"Sabayan mo ako, Clouds."
"Kumain na kami ni Ash," sagot ng binata.
"Sayang, mas masarap pa namang kumain na
may kasama."
"Kasama mo na si Red kanina," ani Clouds
na hindi naitago ang pagtatampo. Siyempre
nagluto siya pero sa iba pala sumama si
Seola para kumain.
"Sa restaurant 'yon. Mas gusto ko pa rin
dito sa bahay kumain kasama kayo," ani
Seola.
Kinuha ni Clouds ang isang plato at nilagyan
ng kanin saka walang imik na kumain. Kung
sabagay, kaunti lang ang kain niya kanina
dahil nag-aalala siya kay Seola.
"Peace na tayo, Clouds?" nakangiting tanong
ni Seola na naka-peace sign ang dalawang
mga kamay.
"Kumain ka na at huwag pang ngumiti!
Nakakawalang gana kang kumain eh!"
reklamo ni Clouds at nakayukong
ipinagpatuloy ang pagkain habang si Ash ay
nasa sala at nanonood ng TV.
Napasulyap si Clouds sa dalagang kaharap.
Agad na napatingin siya sa kanin nang
sumulyap din si Seola sa kaniya at
nagkasalubong ang kanilang mga mata.
Binilisan niya ang pagkain dahil hindi nga
bumilis ang pagtibok ng puso niya ngayon,
pero nahihirapan na naman siya huminga
ngayon. Nauubusan yata ng hangin ang
lungs niya. What's wrong with his vital
organs? Malapit na ba siyang mamatay?
--------------------------
"Clouds? Malapit na ang guesting namin
pero kinakabahan ako," sabi ni Seola habang
papasok sila sa Bright Star agency para
mag-final practice kasama ang dalawang
singers.
"Kaya mo 'yan, ikaw pa," ani Clouds at
tinapik ang balikat ni Seola.
"Sure ka?" nakalabing tanong ni Seola kaya
kinatok ni Clouds ng isang beses ang ulo ng
dalaga.
"Sabing kaya mo eh!" Tumunog ang
cellphone niya kaya dinukot niya sa bulsa.
"Mauna ka na sa training room, Seola.
Sasagutin ko lang ang tawag."
"Okay," ani Seola at iniwan si Clouds.
"Yes? Hello?" sagot ni Clouds sa kabilang
linya. "Mister Lim! Talaga? Payag ka nang
mag-produce ng album ni Seola?" masayang
tanong niya.
Matapos nilang mag-usap, napasuntok siya
sa hangin sabay sabi ng "YES!"
Masayang sumunod siya kay Seola sa
training room. Tiyak na maiiyak iyon sa tuwa
kapag malaman ang magandang balita.
"Seola/Clouds!" sabay na sabi nila. Kasama
ni Seola si Red at bakas sa mga mata ng
dalaga ang labis na kasiyahan.
"Ikaw na muna," ani Clouds kay Seola.
"May good news ako sa 'yo, Clouds. Sabi ni
Sir Red, pumayag na raw si Mister Lim na
mag-produce ng album ko!" masayang
balita ni Seola kaya napahigpit ang hawak ni
Clouds sa hawak na cellphone habang
nakatingin sa dalagang tumingala kay Red.
"Salamat po, Sir sa pagkumbinse kay Mister
Lim."
Napakamot sa ulo si Red at ngumiti kay
Seola. "To be honest, hindi ko rin alam kung
bakit pumayag siya. Siguro dahil napanood
niya ang mga video mo sa Youtube. Ang
mahalaga, pumayag na siyang maging
producer mo."
Matamis na ngumiti si Seola at humarap kay
Clouds. "May sasabihin ka sa akin, Clouds?"
"W-Wala," sagot ni Clouds at mapait na
ngumiti kay Seola. "Congrats dahil magkaka-
album ka na."
"Salamat," masayang pasalamat ni Seola at
muling humarap kay Red. "Lalo na po sa 'yo,
Sir Red. Salamat sa pagtiwala at
pagkumbinse kay Sir Lim."
"Hintayin na lang kita sa labas, Seola.
Tawagan mo ako kapag tapos na ang
practice ninyo," paalam ni Clouds saka
tinalikuran ang dalawa.

My Unideal GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon