Jennifer
"Miss Asuncion, bakit ka nandito? 'Di ba ngayon na ang kasal mo?" ang gulat na bungad ni Principal Villejo nang magkasalubong kami rito sa school hallway.
"Good morning, Ma'am," bati ko saka sinagot ang tanong niya. "Mamayang hapon pa naman po ang start ng wedding, sana po ay makapunta kayo."
"Oo naman, pupunta ako. Pero bakit nga ba pumasok ka pa?" tanong uli ni ma'am habang sabay na kaming naglalakad.
"Gusto ko po kasing malaman ang result ng exam ng mga bata. Sana naman ay nakapasa silang lahat."
"Pumasok ka ng ganito kaaga para lang diyan. Sa tinagal-tagal kong naging Principal ay ngayon lang ako nakatagpo ng teacher na kasing sigasig mo, Jen. Biruin mo, kasal mo ngayon pero sa halip na mag-beauty rest ay nagpunta ka pa rito para lang alamin kung nakapasa sa exam ang mga estudyante mo." Napangiti si Ma'am na bihira niyang gawin. Kadalasan kasi ay nakakunot lang ang noo niya. Maganda pala si Ma'am kapag naka-smile. "I'm so proud of you, Miss Asuncion. Actually hinangaan na kita the moment pa lang na napatino mo ang 'Deadly Section'. Sana'y dumami ang teacher na tulad mo dito sa bansa natin. 'Yong klase ng teacher na hindi lang suweldo ang dahilan kung bakit sila nagtuturo. Kundi nagtuturo sila para sa kapakanan ng mga kabataan."
"Salamat po Ma'am." Napangiti din ako sa wagas na papuri ni Ma'am, nakakataba ng puso ang mga sinabi niya.
Sa kabutihang palad ay pasado sa exam ang buong Section Ten. Dahil doon ay nabawasan ang alalahanin ko at panatag akong lalakad ako sa aisle.
---
Papunta na ako sa Grande Hotel kung saan ako aayusan para sa kasal nang biglang maipit sa traffic ang jeep na sinasakyan ko. Mukhang hindi na uusad ang mga sasakyan kaya kahit medyo malayo pa ang hotel ay nag-decide na akong bumaba at maglakad na lang. Mas mabuti pang maglakad o tumakbo kaysa ang abutin dito siyam-siyam.
Matapos ang mahaba-habang lakad at takbo, sa wakas ay malapit na 'ko sa hotel. Kailangan ko na lang tumawid ng kalsada at kaunting lakad pa ay makakarating na 'ko. Habang hinihintay na mag-kulay green ang ilaw ay napansin ko ang isang matandang babae na nakatayo sa tabi ko. Mukhang nag-iisa lang si Lola kaya nagmagandang loob na akong akayin siya patawid ng kalsada. At dahil nga matanda na ay may kabagalan siyang maglakad.
"Maraming salamat, hija," sambit ni Lola nang makatwid na kami.
"Wala pong anuman, sige po," aalis na sana ako pero bigla niya akong tinawag.
"Hija, sandali."
"Ano po 'yon?"
"Alam mo ba kung saan ang lugar na ito?" tanong niya at may inabot siya sa akin na kapirasong papel na may nakasulat na address. "Paano ko ba mararating ang lugar na 'yan?"
"Sakay po kayo ng kahit anong jeep dito at sabihin niyo lang po sa driver ibaba kayo sa plaza," magalang na sagot ko sa matanda.
"Maari mo ba 'kong samahan, hija. Baka kasi maligaw ako."
"Gano'n po ba, sige po." Kahit nagmamadali ay pinagbigyan ko pa rin ang request ni Lola. Hindi naman malayo 'yong lugar na pupuntahan niya at nag-aalala rin akong baka maligaw siya kaya sinamahan ko na.
"Maraming salamat uli, hija at pasensya na kung naabala kita. Mukha pa namang nagmamadali ka," ani Lola nang makarating na kami sa plaza.
"Wala po 'yon, Lola. Dito na po ba talaga kayo?"
"Oo, hija at may susundo na sa akin dito. Salamat ulit. Napakabait mong bata. Pagpalain ka nawa ng Maykapal."
"Salamat po."
"Bilang pasasalamat, maari ko bang makita ang mga palad mo?" Biglang ngumiti si Lola. "Alam mo kasi, marunong akong magbasa ng kapalaran ng tao sa pamamagitan ng pagtingin sa palad at ni minsan ay hindi pa ako nagkamali. Pero sa totoo lang ay matagal ko na itong hindi ginagawa dahil ayokong pangunahan ang kapalaran ng isang tao. Pero natutuwa ako sa'yo, hija kaya hayaan mo sanang basahin ko ang palad mo."
Wala namang mawawala kung ipapabasa ko kay Lola ang palad ko kaya pumayag na rin ako. Masusi niyang pinagmasdan ng dalawa kong palad at laking gulat ko nang biglang nanlaki ang mga mata niya at nanginig ang mga kamay niyang nakahawak sa mga kamay ko.
"Mahabaging langit!" utas ng matanda at kita ko sa mukha niya ang malaking pagkabagabag.
"Bakit po, Lola?" kabado kong tanong kay Lola. Pakiramdam ko ay hindi maganda ang mga pangitain na nabasa niya sa palad ko. Sa halip na sumagot ay dali-dali niyang hinubad ang suot na kwintas na may nakakabit na dalawang singsing bilang pendant.
"Kunin mo ito, hija. Bilis at isuot mo." mariing utos ni Lola at dala ng pagkataranta ay dagli akong sumunod at isinuot sa leeg ko ang kuwintas. "Wedding ring naming mag-asawa ang mga singsing na 'yan. Buhat no'ng mamatay ang asawa ko ay lagi ko na 'yang dala-dala. Maraming beses na akong iniligtas niyan sa kamatayan, dahilan upang umabot ako ng ganitong edad. Hiramin mo muna 'yan, hija, para may magligtas din sa'yo sa oras na manganib ang buhay mo. Ayaw kitang takutin pero nabasa ko sa palad mo na may panganib na nagbabadya sa buhay mo."
Napalunok na lang ako dahil sa nerbyos, gayunman ay pilit kong pinakalma ang sarili ko. "Sigurado po ba kayong ipapahiram niyo ito sa'kin? Baka po magalit si Lolo kung basta niyo na lang ipapahiram sa iba ang wedding ring ninyo."
"Huwag kang mag-alala, hija. Alam kong hindi siya magagalit. Mag-iingat ka at sa pagkikita nating muli, saka mo na lang ibalik 'yan sa'kin."
"Sige po, marami pong salamat."
---
Katakot-takot na sermon ang inabot ko kay Mama pagdating sa hotel. Gustuhin ko mang mag-explain kung bakit ako natagalan ay hindi ko na nagawa dahil kailangan ko nang maligo at mag-ayos.
Excited ang mga nasa kuwarto lalo na nang makita nilang suot ko na ang napakagandang trahe de boda na design ni Ashley. Habang papalapit ang itinakdang oras ng kasal ay lalong lumalakas ang kaba sa dibdib ko.
"Jen, hubarin natin 'yang kwintas mo, ito ang isuot mo," sabi ni Ashley na may hawak na napaka-ganda at mukhang mamahalin na kwintas.
"Huwag na Ash, ito na lang isusuot ko. Maganda naman 'di ba?" Sa tingin ko ay hindi naman panira sa wedding gown at over all appearance ko itong kuwintas ni Lola. Nagdesisyon akong lagi na itong isuot at baka nga maisalba ako nito kung sakaling may dumating na panganib na huwag naman sana.
---
Pigil ang mga luha ko habang dahan-dahan na naglalakad sa gitna ng chapel habang nakakapit sa braso ni Papa. Present sa kasal ang mga mahal ko sa buhay, mga kaibigan at mga ka-trabaho.
Maging sina AJ at Mia ay umuwi pa galing Korea para lang makadalo. Hindi rin nagpahuli sina Kuya Randy na guard sa East Pearl, Lolo Delong na candy vendor at sina Ate Karla at asawang si Kuya Bill. Narito rin sina Aika, Kuya Edwin at Tatay Lucio pati na rin sina Mr. and Mrs. Celeste. Napuno ng bisita ang chapel dahil sa pagdalo ng buong section ten sa pangunguna nina Harold, Glen, Paul at Busty.
Ilang saglit pa ay nakarating na ako sa harapan kung saan ako hinihintay ng maluha-luhang si Dustin. Ang gorgeous niyang tingnan sa suot na black suit at bow tie. Nagkamay at nagyakap silang dalawa ni Papa at pareho na silang umiiyak. Maya-maya pa ay tuluyan nang ibinigay ng aking ama ang kamay ko sa aking mapapang-asawa.
Nagsimula ang seremonya sa isang panalangin na pinangunahan ng Minister at sinundan nito agad nang makahulugang mensahe para sa aming dalawa na ikakasal.
Tahimik sa loob ng chapel at ang lahat ay matamang nakikinig sa sinasabi ng Minister. Ngunit isang tinig na mula sa may pinto ang biglang nangibabaw dahilan upang lahat kaming naririto ay magulat
"Stop this nonsense wedding right now!" malakas na sigaw ng isang babae matapos nitong buksan pabalibag ang pinto ng chapel. Pumasok siya at naglakad sa aisle hanggang sa makarating sa may bandang gitna. Humarap kaming dalawa ni Dustin kaya ngayon ay malinaw na naming nakikita ang mukha ng babae at ang nanlilisik nitong mga mata.
Sa nanginginig kong boses ay tinawag ko ang babae sa taglay nitong pangalan...
"Faith?"

BINABASA MO ANG
For The One I Love
RomansaWhen Miss Genius Gone Mad Book 3 Copyright 2016 All Rights Reserved