Chapter 54

32.9K 999 202
                                    

Dustin Villaverde

"Lola, tingnan niyo po, kamukha ni—"

"Ay, sandali," usal ni Lola Tessie dahil biglang tumunog ang cell phone niya na nasa bulsa.  Sinagot ng matanda ang tawag kung saan bigla siyang naging balisa.  "Ano kamo, dok? Seizure?  Sige, papariyan na ako."  Pagbaba ng cell phone ay daglian na siyang nagpaalam.  "Hijo, pasensya ka na at kailangan na naming umalis.  Si Dustin daw ay..."

"Bakit Lola, ano pong nangyari kay Ate Dustin?" tanong ng bata.

"Ah, wala naman.  Basta pinapapunta lang ako doon ng doktor." marahang hinaplos-haplos ng matanda ang buhok ni Jennifer habang pilit na ngumingiti. 

Nagkatinginan naman kaming dalawa ni Harold at mukhang pareho kami ng iniisip.  Base kasi sa sinabi ni Lola habang may kausap sa phone ay mukhang dumaranas ng seizure si Miss Dustin na sa pagkaka-alam ko ay narito rin sa ospital na ito.

"Sige po, Lola.  Maraming salamat po ulit sa pagdalaw niyo," magalang kong sabi.  "Kapit lang po kayo, Lola.  Pasasaan ba at magiging maayos din ang lahat.  Ipapanalangin ko pong sana ay gumaling na si Miss Dustin."

Malumanay na ngumiti si Lola.  "Sana nga, hijo."

---

Hindi nagtagal ay naghilom na rin ang mga pasong natamo ko sa likod at pinayagan na ako ng mga doktor na makalabas.  Bago tuluyang lumabas ng kuwarto ay pinagkaguluhan muna ako ng mga babaeng nurse para magpa-picture.  Pinagbigyan ko naman sila bilang pasasalamat na rin sa ginawa nilang pag-aalaga sa akin.

"Ibang klase ka talaga, Kuya.  Para kang artista kanina na dinudumog ng fans," banat ni Harold habang naglalakad kami sa hallway ng ospital. 

"Gano'n talaga kapag, guwapo," pagyayabang ko naman.

"Sabi ko nga eh.  By the way, alam ko na kung saan ang room ni Miss Dustin.  Pupuntahan mo ba?"

"Yeah, I want to see her before we leave."  Gusto kong malaman kung kumusta na si Miss Dustin kaya inutusan ko si Harold na alamin kung saan ang kuwarto nito.  Hindi na rin kasi nakadalaw uli si Lola Tessie kaya wala akong mapagtanungan.

Pagbaba sa first floor kung saan daw naroon ang kuwarto ni Miss Dustin ay nakasalubong namin si Lola Tessie na pumapalahaw ng iyak.  Kasabay niyang naglalakad ang dalawang nurse na may hila-hilang stretcher at sakay niyon ang wala nang buhay na pasyente na nakabalot ng kumot mula ulo hanggang paa.

"Si Lola Tessie 'yon 'di ba?" tanong ni Harold nang makalampas na sa amin sina Lola.  "Kuya, I think we're too late."

Bumagsak ang mga balikat ko at nakaramdam ako ng matinding lungkot.  Maya-maya pa ay si Jennifer naman ang aming nakasalubong at tulad ni Lola Tessie ay umiiyak din ito. 

Nilapitan ko ang bata at tinanong.  "Jennifer, kumusta?  Natatandaan mo pa ba ako?"

Tumango siya at sumagot gamit ang basag na boses.  "Opo, kayo po ang nagligtas kay Ate Dustin."

"Bakit ka umiiyak?" tanong ko pa.

"Si Ate, kasi...  Namatay na po siya."  Nagpatuloy sa pag-iyak ang bata at wala akong nagawa kundi ang yakapin siya at patahanin.  Pagkatapos ay dinala namin ni Harold si Jennifer sa isang fastfood restaurant na malapit lang sa ospital.  Pinakain namin siya hanggang sa mahimasmasan at sa wakas ay huminto na rin sa pag-iyak.

"Kuya, marami pong salamat po sa pagkain," magalang na pasasalamat ni Jennifer matapos ubusin ang mga pagkaing binili ko para sa kaniya.

"Walang anuman," sabi ko at hinawakan siya sa ulo.  "Jennifer, huwag ka nang malungkot.  Isipin mo na lang na nasa langit na ang Ate mo.  At least, hindi na siya mahihirapan at kayo rin ng Lola mo ay hindi na mahihirapan pa."

Bumuntonghininga si Harold.  "Biruin mo, four years din siyang lumaban.  Pero wala na tayong magagawa kung hanggang doon na lang ang buhay niya.  Sayang nga lang, Kuya at hindi mo siya nakita," aniya pa saka binalingan ang bata.  "Siya nga pala, Jennifer, alam mo ba kung bakit nagkagano'n ang Ate Dustin mo?" 

Tinapik ko agad si Harold at sinamaan ng tingin.  Baka umiyak lang ulit ang bata dahil sa mga tanong niya.

"Si Ate Dustin po ba?  Sa pagkaka-alam ko po ay binaril siya, kaya po siya nagkagano'n," sagot ni Jennifer sa tanong dahilan upang pareho kaming magulat ni Harold.  "'Yon po ang narinig ko sa usapan dati nina Lola at Tatay.  Binaril daw po si Ate Dustin sa gubat at pagkatapos basta na lang iniwan.  Pinulot po siya ni Tatay at inuwi sa bahay namin."

"Talaga, ibig sabihin ay hindi niyo talaga siya kaanu-ano?  Hindi mo siya tunay na ate?" usisa pa ni Harold

"Hindi po at hindi rin namin alam ang tunay niyang pangalan.  Tinatawag lang po namin siya na Dustin dahil iyon ang pangalan na nakasulat sa dibdib niya," paliwanag pa ni Jennifer. 

"Ah, you mean, may tattoo siya sa dibdib?"  Si Harold.

"Opo.  Ay, siya pala, Kuya Dustin.  Naalala niyo pa po ba ang pinakita niyo sa akin na scrap book na may picture ng babaeng mahal niyo na Jennifer din ang pangalan? Alam niyo po bang kamukhang-kamukha niya si Ate Dustin?"

---

"Kuya, okay ka lang?" tanong ni Harold at bakas sa boses niya ang pag-aalala.  Ang tagal ko na kasing nakatulala habang pinagtatagpi-tagpi ang mga impormasyong nalaman ko.

Apat na taon na raw comatose si Miss Dustin, si Jen naman ay apat na taon na ring nawawala. 

Sabi ng batang si Jennifer ay binaril daw si Miss Dustin, sabi rin ni Isko ay binaril niya si Jen.

Ayon pa kay Jennifer at may tattoo daw sa dibdib si Miss Dustin at kamukhang-kamukha raw ito ni Jen.

"Kuya Dustin, bakit po kayo umiiyak?" tanong ni Jennifer.  Kasunod ng pag-iisip ay ang bigla na lang na pagbuhos ng aking mga luha.

"Kuya, iniisip mo bang..."  Si Harold na nag-aalangang ituloy ang kaniyang sinasabi.  May idea na siguro siya kung bakit ako nagkakaganito. 

Umayos ako ng upo, pinahid ng kamay ang mga tumulo kong luha at saka masinsinang kinausap ang bata.  "Jen, sigurado ka ba sa sinasabi mo?  Talaga bang magkamukha ang Ate Dustin mo at 'yong babaeng nakita mo sa picture?"

"Opo, Kuya."

"Sigurado ka bang nabaril ang Ate Dustin mo kaya wala siyang malay?"

"Opo.  Narinig ko po na pinag-usapan iyon nina Lola at Tatay."

"Totoo bang may tattoo siya kaya tinatawag niyo siyang Dustin?"

"Opo."

"Nagsisinungaling ka.  Lahat ng sinasabi mo ay puro kasinungalingan lang, tama?"  muli ay tanong ko sa bata habang umaasa na sana ay pareho sa mga naunang tanong ang magiging sagot niya.

"Hindi po ako nagsisinungaling," sagot niya na seryosong ang tingin sa mga mata ko.

Hindi ko matanggap ang aking narinig kaya nahampas ko ng malakas ang lamesa sabay sigaw ng, "Uulitin ko ang tanong, nagsisinungaling ka 'di ba?!"

"Hindi po!"

Hindi pa rin ako nakuntento at dala ng emosyon ay hinawakan ko ng mahigpit ang braso ng bata at muli siyang sinigawan.  "Sinungaling!  Sinungaling kang bata!"

Pag-iyak na lang ang nagawa ni Jennifer habang si Harold naman ay marahas akong binalya para mabitiwan ko ang braso ng bata. 

"Kuya, tama na!  Naiintindihan ko ang nararamdaman mo pero hindi tamang ibunton mo sa bata ang galit mo!" sigaw ni Harold na yakap na sa mga bisig niya ang umiiyak na si Jennifer.

Hindi na ako sumagot pa at nanlulumo na lang na lumabas ng restaurant.  Sumakay ako sa kotseng dala ni Harold at doon ko itinuloy ang paghagulgol ng malakas.

For The One I LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon