Dustin Villaverde
"Ang ama ni Jennifer ang nakakita sa kaniya at isa pang lalaki na duguan at walang malay sa gubat," panimulang kuwento ni Lola Tessie matapos kong ipahayag sa kaniya kung sino talaga ang babaeng walang malay na nakahiga sa kama.
"Makalipas ang tatlong araw ay bigla na lang nawala sa higaan niya 'yong lalaki. Sinubukan pa naman siyang hanapin pero hindi namin siya nakita at hindi na rin siya nagbalik pa," patuloy pa ni Lola at sigurado ako na ang tinutukoy niyang lalaki ay walang iba kundi si Isko.
"Hanggang sa mabalitaan naming pinaghahanap na siya, gayunman ay napagdesisyunan namin ng aking anak na huwag muna siyang ilabas." Huminga ng malalim si Lola bago nagpatuloy sa kaniyang kuwento. "Binaril siya at basta na lang iniwan sa masukal na gubat upang mamatay. Kung sinoman ang may gawa no'n ay tiyak na may'ron itong matinding galit. Naisip namin na kung ibabalik namin siya ay baka pagtangkaan lang ulit ang buhay niya. Wala siyang malay kaya hindi niya maituturo kung sino ang taong gustong pumatay sa kaniya. Kung kaya't nagpasiya kami na hintayin na lamang siyang magising."
Naupo ang matanda sa upuang malapit sa kama ni Jen saka niya marahang hinawakan ang isang kamay nito. "Pero hindi namin namalayan na apat na taon na pala ang lumipas. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagkakamalay."
"That's it," sabat ni Harold kaya napatingin kami ni Lola sa kaniya. "Kuya, naalala mo ba 'yong kinuwento mo sa akin na napanaginipan mo si Ate Jen sa loob ng isang garden at may pinto doon na hindi niya kayang buksan kaya hindi siya makalabas? I think ito na ang ibig sabihin no'n. She's still alive pero wala lang malay."
Napatangu-tango na lang ako sa mga narinig.
"Maniniwala ba kayong nagkita na kami ng batang ito no'ng minsang lumuwas ako ng Maynila?" ani Lola sabay hawak sa dalawang singsing na nagsisilbing pendant ng suot niyang kuwintas.
"Ano pong ibig niyong sabihin?" tanong ko.
"Pumunta ako noon ng Maynila para bumisita sa ilang kamag-anak. Tandang-tanda ko pa no'ng tulungan niya akong tumawid ng kalsada at pagkatapos ay inihatid pa niya ako sa plaza para hindi ako maligaw. Unang kita ko pa lang sa kaniya ay alam ko nang mabait siyang bata. Binasa ko noon ang palad niya at doon ko nakitang may panganib na naghihintay sa kaniya. Kaya naman, ipinahiram ko sa kaniya itong aking kuwintas upang magsilbi niyang agimat," kuwento pa ni Lola.
Tiningnan ko ang kuwintas sa leeg ni Lola at naalala kong ang kuwintas na iyon ay suot ni Jen no'ng dapat ay ikakasal na kami.
"I think, gumana naman ang agimat niyo, Lola. Kita niyo naman, buhay pa rin siya hanggang ngayon. And I believe na hindi magtatagal at gagaling din siya," wika ni Harold saka ako nilingon. "Di 'ba, Kuya?"
Tumango lamang uli ako bilang sagot kay Harold.
"Kukunin niyo na ba siya?" maya-maya ay tanong ng matanda.
Seryoso naman akong sumagot. "Opo, para madala siya sa mas magandang ospital sa Manila. Huwag po kayong mag-alala dahil sinisigurado ko pong wala nang magtatangka sa buhay niya. Marami pong salamat sa lahat. Salamat dahil inalagaan niyo siya sa loob ng apat na taon kahit hindi niyo naman siya kaanu-ano. Habang buhay ko po itong tatanawing malaking utang na loob. At bilang ganti, hayaan niyo po akong tulungan kayo sa pagpapalibing ng namayapa niyong apo."
Mapait na ngumiti ang matanda at may luhang pumatak mula sa kaniyang mga mata. "Hindi ko na tatanggihan ang tulong na inaalok mong 'yan, hijo. Dahil sa totoo lang ay gipit na gipit na kami. Maraming salamat."
"Ako po ang dapat magpasalamat sa inyo, Lola. Iniligtas niyo po ang buhay ng babaeng pinakamamahal ko. Maraming salamat," sambit ko at hindi ko na naman mapigilan ang pag-iyak.
Tumayo si Lola at tinapik ako sa braso. "Pero ikaw ang naglabas sa kaniya mula sa nasusunog na ospital kaya ikaw ang totoong nagligtas sa buhay niya." Pagkatapos ay tumingin siya uli sa nahihimbing na si Jen. "Ibinibigay ko na siya sa'yo. Ikaw na ang bahala sa kaniya, hijo.
Sasagot sana ako kay Lola pero biglang nagsalita ang batang si Jennifer. "Kuya, mahal na mahal niyo po ba si Ate Dustin? Ay hindi... Si Ate Jennifer po pala."
Umupo ako para magkapantay kami. "Oo, mahal na mahal ko siya."
---
"Ano 'yon, Dustin, ulitin mo nga ang sinabi mo?" nabibiglang tanong ni Papa Raul saka sila nagkatinginan ng ni Mama Aida na halatang nabigla rin.
"Ang sabi ko po ay gusto ko nang pakasalan ang anak ninyo," muli ay sabi ko sa mga magulang ni Jen. Nagkatinginan ulit sila na tila hindi makapaniwala sa mga narinig.
"Kasal? Pero, walang malay si Jen, paano mo siya pakakasalan?" lubos pa ring naguguluhan na sabi ni Mama Aida sabay tingin kay Jen na mahimbing pa rin ang pagtulog.
"Alam ko po 'yon, Ma. Pero, hindi naman siguro hadlang na wala siyang malay para hindi ko siya pakasalan, hindi 'ba? I promised her that I will marry her at gusto ko pong tuparin ang pangakong 'yon, Ma..." Napalunok ako bago ituloy ang aking sinasabi. "Bago mahuli ang lahat."
Dalawang linggo pa lang ang lumipas buhat nang mailipat si Jen sa isang private hospital dito sa Manila. Kahapon lang ay nagdanas siya uli ng seizure na muntik na humantong sa disgrasyang kinatatakutan naming lahat.
"Ayoko pong isipin pero anomang oras ay puwede siyang kunin ng Diyos sa'tin. Kung sakaling mamamatay siya, I want her to die as Misis Jennifer Villaverde, as my wife," buong pusong sabi ko saka kinuha ang tig-isang kamay nina Mama Aida at Papa Raul na nakatayo sa harap ko. "Ma, Pa, mahal na mahal ko po ang anak ninyo ng higit pa sa buhay ko. Please let me marry her."
"Dustin, hijo, alam naman kung gaano mo kamahal si Jen at alam din namin na mahal na mahal ka rin niya. Sobra na ang pagsubok pinag-daanan ninyong dalawa at hindi kami gano'n kasama para hadlangan pa namin kayo ngayon," ani Papa saka bumaling sa asawa. "Tama ba ako, Aida?"
Ngumiti si Mama. "Oo, tama 'yon."
"Kung gano'n, Dustin, ibinibigay na namin sa'yo ang kamay ng aming anak. Binibigyan na namin kayo ng basbas para magpakasal," maluha-luhang tugon ni Papa at pagkatapos ay niyakap ko silang dalawa ng mahigpit.
"Salamat po, Mama, Papa. Maraming salamat," sabi ko habang umiiyak na nakayakap ang mga magulang ni Jen. Paglabas ko ng kuwarto ay agad ko nang aasikasuhin ang pagpapakasal namin ng kanilang anak.
BINABASA MO ANG
For The One I Love
RomansaWhen Miss Genius Gone Mad Book 3 Copyright 2016 All Rights Reserved