Exel
Sakay ng aking kotse ay patungo ako ngayon sa isang hotel para i-meet si Maureen dahil may importante raw siyang sasabihin sa akin. Hindi niya binanggit sa phone kung tungkol saan iyon kaya hindi ko maiwasan ang magtaka. Bakit kaya hindi na lang niya ako hinintay na umuwi sa bahay at bakit kailangang sa hotel pa kami mag-usap? Sa sobrang pag-iisip ay hindi ko namalayang nakarating na pala ako sa room 509.
"Hi, Heart," bati sa akin ni Misis sabay halik sa aking pisngi. Bumaling siya sa isang babae na nakaupo sa may sofa at gano'n din ako. "Siya nga pala si Katrina, 'yong babaeng sinasabi ko sa'yo."
Kumunot bigla ang noo ko. "Heart, tell me, you're not serious."
"Ofcourse, I'm serious," tugon niya at kitang kita ko nga sa mga mata niyang siya'y seryoso.
Napailing naman ako. "Hindi ako makapaniwala, isa itong malaking kalokohan!"
"No, hindi ito kalokohan," giit ni Maureen. "Exel, please, pumayag ka na. Ayaw mo bang magka-anak?"
"Anong ibig mong sabihin? May anak na 'ko ah, at 'yon si Exceed!"
"But he's not your blood!" bulyaw niya at pagkatapos ay marahang hinigit ang mga braso ko. "Matagal ko itong pinag-isipan at nagsikap talaga akong maghanap ng babaeng papayag na dalhin ang anak mo sa kaniyang sinapupunan. Nagkasundo na kami ni Katrina at nakahanda naman siyang makipag-cooperate sa atin. Wala siyang ibang gagawin kundi ang ipagbuntis at isilang ang anak mo. Tamang-tama, kasi sabi niya ay fertile siya ngayon. Nai-book ko na 'tong kuwarto for three nights, spend those nights with her. Sige na, Heart, okay lang naman sa'kin eh. I don't mind, I don't mind at all."
"What? Maureen, naririnig mo ba 'yang sinasabi mo? You want me sleep with another woman, and you don't mind?" Sa galit ay hindi ko na napigilan ang magtaas ng boses. Patuloy rin ang pag-iling ko dahil hindi ako makapaniwalang magagawang sabihin ni Maureen ang lahat ng iyon. "Kung okay lang sa'yo ang gano'n, then, sa'kin ay hindi! There's no way that I would let my wife sleep with another man."
Hindi ko talaga akalain na seseryosohin ni Maureen ang idea na ito, ang tungkol sa pag-upa ng isang baby maker para lang magkaroon ako ng anak na kadugo ko.
Sa kasamaang palad ay nahirapang magbuntis si Maureen at may kinalaman daw doon ang pagkakalaglag ng anak namin dati. Dahil doon ay nag-decided kami na mag-ampon na lang ng sanggol. Tama, si Exceed ay hindi namin tunay na anak, gayonman hindi ko ito itinuring na ibang tao. Mahal na mahal ko si Exceed kahit hindi ito nanggaling sa aming mag-asawa.
"Exel, please naman. Gawin mo na 'to," pakiusap muli ni Maureen.
"Maureen pasensya ka na ha, pasensya na, kung hindi kita kayang pagtaksilan," sambit ko at saka kumuha ng pera sa wallet ko para ibigay doon sa babae. "Sorry for the trouble, Miss, please take this."
Pagkalapag ko ng pera sa ibabaw ng table ay hinila ko na ang kamay ng asawa ko. Lalabas na sana kami ng kuwarto pero napahinto kami sa paglakad nang biglang nagsalita 'yong Katrina.
"Exel Germino right? Sabihin mo nga, may kapatid ka bang lalaki? Kung meron, ipakilala mo naman sa'kin oh. Alam mo kasi, gusto ko 'yong mga tulad mong honest at faithful sa asawa nila."
"Oo, may kapatid akong lalaki. Pero ewan ko lang kung magkapareho ba kami. 'Yon ay dahil nag-iisa lang ang Exel Germino sa mundo." Pagkasabi ko no'n ay tuluyan ko nang hinila si Maureen palabas.
Maureen
Tatlong araw na ang lumipas, buhat no'ng araw na 'yon sa hotel ay hindi na uli ako kinibo ni Exel. Naging parang isang kasangkapan na lang ako sa bahay na dinadaan-daanan lang niya. Galit sa akin ang asawa ko at hindi ko siya masisisi doon.
"Alam mo, Mau, ikaw lang ang kilala kong hindi naman nagda-drugs pero sabog. Ano bang pumasok sa kokote mo para ipagtulakan si Exel na makipag-jugjugan sa ibang babae? 'Tapos ngayon problemado ka dahil hindi ka niya pinapansin. Aba, kung ako sa kaniya, magagalit din ako 'no," mataray na hirit ni Elisa sabay inom ng iced tea. Kasama si Eunice ay nakatambay kami ngayon dito sa cafe. Last week lang ay ang problema nina Eunice at James ang pinag-uusapan namin dito, ngayon naman ay ang problema namin ng asawa ko. Hindi ko na kasi alam ang gagawin kaya tinawagan ko sila para may makausap ako.
"Pero bilib ako kay Exel dahil hindi siya bumigay sa temtasyon. Kung ibang lalaki siguro 'yon, baka pumayag na lang. Masuwerte tayo, Mau dahil parehong faithful ang mga naging asawa natin," wika ni Eunice sabay ngiti.
"Si Kyle kaya, faithful din kaya 'yon sa'kin?" tanong ni Elisa sa sarili na siya rin mismo ang sumagot. "Dapat lang maging faithful siya dahil kung hindi ay puputulan ko siya ng kaligayahan! Anyway Mau, huwag ka nang masyadong malungkot kung hindi ka man kinikibo ni Exel. Bigyan mo lang siya ng panahon at tiyak na lalambot din 'yon."
"Oo nga, mag-sorry ka na lang uli sa kaniya," payo ni Eunice. Kahit paano ay gumaan ang loob ko matapos ko silang makausap. Alam ko na ngayon ang gagawin ko, sisikapin ko na ngayong gabi ay magiging ayos kami ng asawa ko.
---
"Heart, sorry na. Kalilimutan ko na ang tungkol sa baby maker at hindi na uli kita ipagtutulakan na matulog kasama ang ibang babae. What I did was wrong, maling-mali talaga 'yon, kaya I'm sorry," taos puso na paghingi ko ng tawad sa aking asawa. Yakap ko siya mula sa likuran habang nakahiga kami sa kama. Ilang saglit pa ay dahan-dahan siyang humarap sa akin.
"Heart, bakit kaya hindi natin subukan ulit. Malay mo makabuo na tayo," marahan niyang sambit. Napangiti ako dahil mukhang hindi na siya galit sa'kin
"Pero maraming beses na nating sinubukan 'di ba? Sa kabila no'n ay hindi pa rin ako nabubuntis," tugon ko.
"Ayon nga sa kasabihan, 'try and try until you succeed'" aniya habang hinahaplos-haplos ang buhok ko.
"Bakit ba sobrang bait mo sa'kin? Bakit kahit hindi kita mabigyan ng anak ay hindi mo magawang magalit?" Sa puntong ito ay unti-unti nang pumapatak ang mga luha galing sa mata ko. Sa totoo lang, ako 'yong klase ng asawa na maraming pagkukulang. Subalit kahit kailan ay hindi ako nakarinig sa asawa ko ng kahit na isang reklamo.
"Love, 'yon lang ang simpleng sagot sa tanong mo." Hinalikan niya ako sa may noo. "Anong sinabi ko sa'yo nong nililigawan pa lang kita? 'Di ba sabi 'ko, I want to be always here to protect you. Na kapag umiiyak ka ay gusto kong ako magpupunas ng luha mo. Heart, for me you're the perfect wife. Mahal na mahal kita. Ang pagkatao ko, katawan ko, ang lahat ay inialay ko na sa'yo. So please huwag mo na sana uli ako ipapamigay ah."
Medyo natawa ako sa huli niyang hirit sabay sabi ng, "Ano ka ba, hindi naman kita ipinapamigay sa iba. Pero alam ko na ang ibig mong sabihin, hindi na talaga 'yon mauulit."
No'ng gabing iyon ay sinubukan uli namin ni Exel. Magbunga man o hindi ang ginawa namin ay maluwag ko iyong tatanggapin at sisikapin kong pagbubutihin ko pang maging isang mabuting asawa at ina.
BINABASA MO ANG
For The One I Love
Storie d'amoreWhen Miss Genius Gone Mad Book 3 Copyright 2016 All Rights Reserved