Chapter 46

43.6K 1.1K 158
                                        

Jennifer

Malamim na ang gabi pero hindi pa rin ako makatulog, kaya lumabas muna ako at pumunta sa kusina para uminom ng tubig.  Pabalik na ako ng kuwarto nang makasalubong ko si Mama.

"Mabuti at gising ka pa, kailangan nating mag-usap," seryosong sambit ni Mama sabay lakad papuntang kainan at agad naupo.  Sumunod naman ako at naupo sa harap niya.

"Ano po ba 'yon, Ma?" agad kong tanong.

"Hindi na 'ko magpapaliguy-ligoy pa, Jen.  May'ron akong gustong ipagawa sa'yo.  Mahirap itong gawin pero kailangan mong sumunod sa sasabihin ko."  Ilang segundo munang natigilan si Mama bago nagpatuloy.  "Anak, ang gusto ko ay makipag-hiwalay ka na kay Dustin."

Nanlumo ako na parang naupos na kandila dahil sa sinabi ni Mama.  Kanina lang ay si Faith ang nag-uutos sa akin na iwan ko na si Dustin.  Ngayong si Mama na ang nagbibigay ng utos, magagawa ko bang sumuway?

"Oo, nagmamahalan kayo ni Dustin pero kahit pagbali-baliktarin man ang mundong ito ay hindi na mababago pa ang katotohanang kasal siya sa asawa niya.  Anak, bilang babae na may asawa ay ayokong mangyari sa'kin na hihiwalayan ako ng asawa ko para sa ibang babae.  At bilang ina, ayokong ang anak ko ang magiging dahilan para may mag-asawang maghihiwalay at may pamilyang masisira," malinaw at madiin ang pagpapaliwanang ni Mama saka niya hinawakan ang kamay kong nasa lamesa.  "Makinig ka, Jen, hindi lang si Dustin ang lalaki sa mundo.  Marami pang riyang iba, 'yong mga binata.  Huwag na lang si Dustin, puwede ba?"

"Sorry Ma, pero hindi ko po 'yan magagawa.  Mama mahal na mahal ko po si Dustin eh," tugon ko habang pinipigilan ang sarili ko na maiyak.

"Pero may asawa na nga siya 'yong tao.  Hindi mo ba 'ko naiintindihan?"

"Naiintindihan ko Ma—"

"Naiintindihan mo pala eh," tila napikon na si Mama na nakapagtaas na ng boses.  "No'ng iwan ka niya dati, nakaya mo naman 'di ba?  Kaya siguradong makakaya mo uli ito ngayon.  Ang mabuti pa'y mag-abroad ka na lang uli, para mas madali kang makalimot." 

Sasagot sana ako pero hindi ko nagawa dahil biglang lumabas si Papa at nakisali sa usapan.

"Aida, ano 'yang naririnig kong pinag-aabroad mo si Jen?"

"'Yon lang ang paraan para tuluyan nang maputol ang ugnayan nila ni Dustin.  Tama naman ako, hindi ba?  Tama lang na hiwalayan na ng anak natin si Dustin sapagkat nagbalik na ang asawa nito," giit ni Mama.

"Pero ang sabi ni Dustin ay ipapawalang bisa raw niya ang pagiging kasal niya sa babaeng 'yon.  Dahil nga si Jen ang mahal niya," katwiran naman ni Papa.

"Raul, pati ba naman ikaw?  Puwede bang huwag mong konsintihin anak mo sa ginagawa niyang mali!"

"Anong mali roon kung nagmamahalan sila?!  Aida, ayaw mo bang maging masaya ang anak mo?  Ikaw higit sa lahat ang nakakaalam kung gaano niya kamahal si Dustin, bakit hindi mo siya maintindihan."

"Gusto kong maging masaya ang anak natin, Raul.  Gustong-gusto ko!  Pero, ayokong manira siya ng pamilya.  Nakalimutan niyo na bang may anak si Dustin at ang asawa niya?  Hindi niyo man lang ba naiisip kawawa naman ang bata?"

"Pero—" muli sanang mangangatwiran si Papa pero hindi na niya naituloy dahil pinutol siya ni Mama.

"Tama na, Raul, buo na ang pasya ko.  Kahit totohanin pa ni Dustin ang sinabi niya, kahit maghiwalay pa sila ng asawa niya ay hinding-hindi pa rin ako papayag na magpakasal si Jen sa lalaking 'yon.  Kahit kailan ay hinding-hindi ko tatanggapin si Dustin sa pamilyang ito!" sa tonong ito ni Mama ay tiyak na nakapagdesisyon na nga siya.

For The One I LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon