Chapter 50

32.4K 941 93
                                    

Faith

Ang masaya ko sanang birthday party ay biglang  nauwi sa isang malagim hostage taking crisis.  Hawak ako ni Isko sa kaliwang kamay habang baril naman ang nasa kaniyang kanan.  Naguguluhan ako sa mga nangyayari.  Paanong nabuhay ang lalaking ito pagkatapos ko siyang barilin no'ng gabing 'yon?

"I have to go," ani Dustin at lumabas na ng office kasama ang secretary nito dahil may meeting pa siyang pupuntahan.  Naiwan naman akong mag-isa sa office niya na hawak ang kaniyang cell phone na tamang-tama lang para sa aking pinaplano.  Gamit ang cell phone ni Dustin ay nag-text ako kay Jen at inutusan ko itong pumunta sa park. 

No'ng una ay mukhang walang balak mag-reply si Jen sa text ko kaya naman naisip ko siyang takutin.

To Jen
kapag di ka dumating magpapakamatay ako. 

To Jen
i swear jen..i will kill myself kung hindi ka makikipagkita.

Gumana naman ang ginawa kong pananakot at agad siyang nag-reply.

From Jen
don't do anything stupid, dustin..  sige na pupunta na 'ko.

Bago umalis ng opisina ay binura ko muna ang lahat ng naging conversation namin ni Jen sa phone ni Dustin.  Dumaan muna ako sa pinakamalapit na tindahan ng damit kung saan bumili ako ng itim na t-shirt, pantalon at sumbrero na isinuot ko rin agad.  Papunta na ako sa aking kotse nang biglang sumulpot sa harap ko ang isang pamilyar na lalaki.

"Kumusta, mahal ko," magiliw niyang pagbati.

"Ikaw?"  Natigilan ako habang hindi makapaniwalang nasa harap ko ngayon ang demonyo na ginawang impiyerno ang buhay ko sa loob ng tatlong taon.  How in the world did he find me?

"Tama, ako ito si Isko.  Kumusta ka na, mahal ko?  Alam mo bang kanina pa kita sinudundan.  Hinalungkat ko ang mga gamit mo at nakita ko itong ID mo kaya nalaman ko kung saan ka nakatira," kuwento niya at may kinuha siyang ID ko mula sa dalang back pack.  Ngayon ko lang nalamang natagpuan rin pala niya sa gubat ang ilan kong mga gamit.

"Sabi ng katulong mo sa bahay ay nasa opisina ka raw ng asawa mo kaya sinundan kita," dagdag pa niya.  "Hindi ko alam na may asawa ka pala rito sa Maynila pero wala naman akong pakialam doon, tatanggapin pa rin kita.  Halika ka na, Faith, sumama ka na sa'kin at umuwi na tayo sa bahay natin."

Wala akong masabi.  Makita lang ang mukha ni Isko at marinig lang ang boses niya ay bumabaligtad na ang sikmura ko.  Hindi pa ako nasisiraan ng bait para bumalik sa impiyernong lugar na 'yon.  Mas pipiliin kong magbigti na lang kaysa ang muli siyang makasama.  Kung wala lang kami sa mataong lugar ay kinuha ko na sa loob ng kotse ang baril ko para patayin ang walang hiyang demonyong ito.  Ang dapat sa kaniya ay mamatay na.

"Faith, nakikiusap ako sa'yo.  Sana sumama ka na sa'kin para makauwi na tayo.  Mahal na mahal kita at nasasabik na 'kong makasama ka," pagmamakaawa niya na parang isang maamong tupa.  Tingin ko ay nakahanda siyang gawin ang lahat para lang sumama ako sa kaniya.  Ang mabuti pa siguro ay pakinabangan ko muna siya.

"Sasama 'ko sa'yo, 'yon ay kung susunod ka sa lahat ng ipapagawa ko.  Pumapayag ka ba, Isko?"

Lumiwanag ang mukha niya.  "Oo Faith, kahit ano pa 'yan, gagawin ko basta magkasama lang tayong muli."

---

"Ano pang hinihintay mo?  Barilin mo na ang babaeng 'yan!" utos ko kay Isko at agad naman niyang itinutok kay Jen ang baril na ipinahawak ko sa kaniya.

Ngunit bago pa paputukin ni Isko ang baril ay biglang nag-ring phone ni Jen na sinagot naman nito. 

"Buti at tumawag ka, natutuwa akong marinig ang boses mo," malumanay na sambit ni Jen at kahit hindi niya sabihin ay alam kong si Dustin ang tumawag.  Ilang segundo pa silang nag-usap hanggang sa natapos iyon sa isang malakas na putok.  Tinamaan sa sikmura si Jen at agad na bumagsak.  Sa wakas, nawala na rin sa landas ko ang nag-iisang babaeng karibal ko kay Dustin.  At ngayong patay na siya ay tiyak na wala nang hahadlang pa sa pag-iibigan namin ng asawa ko at magiging masaya na kami.

For The One I LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon