Jennifer
Isang linggo na ang lumipas buhat nang magsimula ako bilang adviser ng Section 10 o mas kilala bilang Deadly Section, sa kabutihang palad ay wala pa namang nangyayaring hindi maganda.
Gayunman ay sinusunod ko pa rin ang payo sa akin ni Aika na laging mag-ingat para kung sakaling may gawing kalokohan ang mga estudyante ko ay maging handa ako. Pero sana naman ay huwag nang humantong sa gano'n, sana ay magbago na ang Section 10.
"Parang may mali talaga eh, baka naman tumetiyempo lang sila." Sabi ni Aika habang kumakain kami ng lunch dito sa school canteen. Nagtataka raw siya kung bakit hanggang ngayon ay wala pang ginagawang kalokohan sa akin ang Section 10.
"Baka naman nagbago na sila kaya behave na sila ngayon." Sagot ko naman sabay inom ng tubig sa aking tumbler.
"Jen ano 'yan? Bulate ba 'yan?" Tanong ni Aika habang naibuga ko naman ang ininom kong tubig no'ng nakita kong may bulate nga sa loob ng aking tubigan.
"Yuck! Bakit may bulate sa tubig ko?!" Pagkasabi ko no'n ay narinig ko ang tawanan nina Harold, Paul, Busty at Glen. Malakas ang tawa nila kaya kahit medyo malayo sila sa amin ay narinig ko pa rin.
"Oh my gosh, mukhang nagsisimula na sila." Nag-aalalang wika ni Aika. Hindi ko ito maaring palampasin kaya agad kong nilapitan ang grupo ni Harlod na dala ang aking water tumbler.
"Kayo ba ang naglagay ng bulate sa tubigan ko?" Angil ko sa apat.
"Hindi." Sagot ni Harold na maangas na nakatingin sa akin.
"Ah talaga, kaya pala pinagtatawanan niyo 'ko. Marumi ang bulate, paano kung malason ako!"
Tumayo si Harold. "Teka nga, so porke tumawa kami, kami na agad ang may kasalanan? Sigurado ka bang ikaw ang pinagtatawanan namin? Bakit kasi hindi mo muna tinitingnan ang inumin mo bago ka uminom? At higit sa lahat, sigurado ka bang bulate 'yan?"
"Boss, tama na 'yan, maupo ka na. Kain na lang tayo ng dessert." Sabi ni Paul sabay lapag sa lamesa nila ng isang supot ng gummy worms at kinain nila iyon sa harap ko.
"Ma'am, gusto niyong dessert?" Ani Glen sabay alok sa akin no'ng gummy worms na kulay red na pareho sa kulay ng bulate sa tubigan ko.
"Ma'm, kung kami ang may kagagawan niyan, totoong bulate ang ilalagay namin at hindi gummy worm." Saad ni Busty na pinagtaasan ko ng kilay. "Joke lang, alam naming bad 'yon Ma'am. Pero promise, hindi talaga kami ang may gawa niyan."
"At anong akala niyo, maniniwala ako. After class, pumunta kayong apat sa guidance office." Matapang kong sinabi. Kahit hindi naman pala bulate ang inilagay nila sa tubig ko ay masama pa rin ang ginawa nila at dapat pa rin silang pagsabihan.
"Bakit mo kami papapuntahin sa guidance office, anong kasalanan namin? Mapapatunayan mo bang kami ang naglagay ng gummy worm sa tubigan mo? Nakita ba ng mismong mga mata mo na ginawa namin 'yon? May ebidensya ka ba?" Banat ni Harold sabay subo ng gummy worms sa bibig niya. Ako naman ay biglang natigilan dahil lumabas pa tuloy na isa akong bintangero. At dahil nga wala naman akong ebidensya ay pinalampas ko na lang ito.
---
Kinabukasan ay napatalon at napasigaw ako sa gulat nang makita ang isang malaking buhay na palaka sa loob ng aking drawer. Lumapit sa lamesa ko ang aking mga co-teachers kaya nakita rin nila si froggie. Nagmagandang loob naman ang P.E teacher na si Mr. Perez na tanggalin iyon.
"Bakit kaya nagkaroon ng palaka sa loob ng drawer ko?"
"Hindi kaya ang Section 10 ang naglagay niyan?" Sagot ni Aika. "Nakita ko ang grupo ni Zuñiga dito kanina at may dala silang box. Sabi nila ay basura daw ang laman kaya hinayaan ko na lang."

BINABASA MO ANG
For The One I Love
Roman d'amourWhen Miss Genius Gone Mad Book 3 Copyright 2016 All Rights Reserved