Jennifer
Limang oras na kaming nasa biyahe kung saan nananatili lang akong tahimik habang iniisip kung paanong imbes na si Dustin ay si Faith ang siyang nakita ko sa park. Ibig sabihin ay si Faith pala ang nagte-text sa akin kanina pa. Paano kaya niya nagawang gamitin ang cell phone ni Dustin nang hindi nito nalalaman? Higit sa lahat, seryoso ba talaga siya sa kaniyang sa binabalak laban sa'kin?
Makalipas ang isa pang oras, sa wakas ay huminto na rin itong sasakyan. Bumaba kaming tatlo sa isang madilim, tahimik at masukal na gubat. Walang ibang tao rito at wala ring mga nakatayong bahay. Ang ilaw na galing sa kotse lamang ang tanging nagbibigay ng liwanag sa aming kinaroroonan.
"Paano, Jen, nandito na tayo. Any last words, bago kita tuluyang burahin sa mundong ito?" sarcastic ang tono ni Faith at may gana pa siyang ngumiti sa harap ko. Samantalang ang kasabwat niyang lalaki na may baril sa kamay ay tahimik lang na tila naghihintay ng utos.
"Hindi ko akalaing aabot ka sa ganito. Papatayin mo 'ko, para lang makuha mo ang gusto mo. Hindi ba nakarating sa'yo ang balitang hiniwalayan ko na si Dustin? Faith, isinuko ko na siya. Sa katunayan ay aalis na 'ko bukas para pumunta sa malayong lugar na gaya ng gusto mong mangyari. Ikaw na ang nanalo sa laban, bakit kailangan mo pang ibaba ng husto ang sarili mo at dumihan ang mga kamay mo." Bukod sa takot ay nakakaramdam din ako ng matinding awa para kay Faith dahil sa mga masasamang bagay na ginagawa niya.
"Yeah, alam kong iniwan mo na siya at kung gusto mong pasalamatan kita dahil diyan, sorry pero hindi ko 'yon gagawin. Alam mo, walang silbi ang pag-alis mo, kasi, sabi nga niya ay nakahanda siyang sundan ka kahit pa sa impiyerno. Siyempre, hindi ako makapapayag doon. Kaya naisip ko na lang na dalhin ka sa lugar na hindi ka na niya masusundan, at 'yon ay sa ilalim ng lupa," aniya habang nanlilisik ang mga mata.
Lalo namang bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa kabang nararamdaman at ang nagawa ko na lang ay salatin ang dalawang singsing na nagsisilbing pendant ng suot kong kuwintas.
"Wedding ring naming mag-asawa ang mga singsing na 'yan. Buhat no'ng mamatay ang asawa ko ay lagi ko na 'yang dala-dala. Maraming beses na akong iniligtas niyan sa kamatayan, dahilan upang umabot ako ng ganitong edad. Hiramin mo muna 'yan, hija, para may magligtas din sa'yo sa oras na manganib ang buhay mo. Ayaw kitang takutin pero nabasa ko sa palad mo na may panganib na nagbabadya sa buhay mo."
Nakapikit lang ako habang inaalala ang mga sinabi noon ng matanda na nagpahiram sa akin nitong kuwintas. Sinong mag-aakala na magkakatotoo ang hula niya. Ito na ang tinutukoy noon ni Lola na panganib na magbabadya sa buhay ko, ang panganib na ito na dala ni Faith.
Kahit imposible nang makaligtas sa nalalapit na kamatayan ay nanalangin pa rin ako sa Diyos. Hiniling ko na sana ay magkaroon ng himala at makaalis ako sa lugar na ito ng buhay.
"Ano 'yan, Jen nagdadasal ka na? Sorry ah, pero kahit ano pang pagdarasal ang gawin mo diyan ay wala nang makapagliligtas sa'yo. Kung tutuusin ay kasalanan mo rin ang lahat ng ito. Kung bakit naman kasi bumalik-balik ka pa. Kung nanatili ka na lang sana sa ibang bansa noon, eh 'di sana ay hahaba pa 'yang buhay mo. Siguro ang saya mo no'ng nalaman mong patay na 'ko 'no. Ginamit mo ang opportunity na 'yon at inakit mo ang asawa ko. Ginawa mo ang lahat para maalala ka niya hanggang sa makuha mo siya ulit. Well, masuwerte pa rin ako dahil kahit paano ay naging mabait pa rin sa akin ang tadhana. Hinayaan niya 'kong makabalik. I came back on time and for good. And as for you Jen, oras na para ikaw naman ang mawala. Oras na para ikaw naman ang mamatay," mahabang litanya ni Faith na agad ko namang sinagot.
"Gusto ko lang linawin sa'yo na wala akong ginawa para maalala ako ni Dustin. Siya. Siya ang kusang nakaalala sa akin. Siya ang kusang bumalik sa piling ko. Pilit ko siyang iniwasan noon at hangga't maaari ay ayokong magkita kami. Pero ang pag-ibig niya para sa'kin ang nagsilbing daan para maalala niya 'ko. At hindi swerte ang tawag ko do'n. Ang tawag doon ay pag-ibig. Maaring nakalimutan ako ng utak niya pero hindi ng kaniyang puso. Gano'n ang nagagawa ng tunay at wagas na pag-ibig na kahit kailan ay hindi maiintindhan ng isang tulad mo na maitim ang budhi!" buong tapang kong sinabi dahilan upang lalong manlisik ang mga mata niya sa galit.

BINABASA MO ANG
For The One I Love
RomantikaWhen Miss Genius Gone Mad Book 3 Copyright 2016 All Rights Reserved