Jennifer
Walang tigil ang pag-iyak namin nina Mama at Papa dahil dumating na ang oras nang aking pag-alis. Ito ang unang pagkakataon na mawawalay ako sa aking mga magulang kaya pare-pareho kaming malungkot.
"Anak, mag-iingat ka palagi ah. Malamig doon kaya lagi kang magja-jacket."
"Opo Papa."
"Huwag kang magpapalipas ng gutom at lagi kang tatawag ha."
"Opo Mama." Sabi ko at isa-isang niyakap sina Papa at Mama. "Kayo din po, Ma, Pa, mag-iingat kayo lagi. Huwag kayong magpakapagod sa trabaho at alagaan niyo ng husto ang sarili niyo. Mahal na mahal ko po kayo."
Sumakay na ako ng kotse matapos ang madamdaming pagpapaalam. Hindi na sasama sa airport ang mga magulang ko kaya ang mag-asawang Dustin at Ashley lang ang maghahatid sa akin.
"Dustin." Tawag ko kay bestfriend na abala sa pagmamaneho katabi ang asawa.
"Bakit Jen?"
"Puwede bang dumaan muna tayo sa kanya. Gusto ko lang sana magpaalam."
---
"No way! Hindi ako makakapayag na dalawin mo ang asawa ko." Masungit na salubong ni Faith sa aming tatlo nina Ashley at Dustin.
Bago ako tuluyang umalis papuntang Amerika ay ipinasya kong dalawin sa ospital ang nakaratay na dati kong kasintahan pero ayaw pumayag ni Faith.
"Faith please. Aalis na si Jen, baka naman puwedeng pagbigyan mo na siyang makita si Dustin para makapag-paalam." Apila ni Ashley.
"Oo nga naman, Faith." At ng aking bestfriend.
"Ate Faith, sige na." Maging si Pris na nandito rin ay nakikiusap kay Faith.
"Hindi naman ako magtatagal, gusto ko lang siyang makita sa huling pagkakataon. Kaya sana, pumayag ka na." Hindi ako nakatiis at nagmakaawa na rin ako kay Faith na sa wakas ay pumayag din. Pagpasok ko sa loob ng silid ay tumambad sa akin ang walang malay na si Dustin na nakahiga sa kama. Dahan-dahan akong lumapit at naupo sa upuan na nasa gilid ng kama.
"Grabe, kahit wala kang malay ang guwapo mo pa rin." Panimula ko at saka hinawakan ang isa niyang kamay. "Dustin, hanggang kailan mo ba balak matulog diyan? Nag-aalala na sa'yo ang mga mahal mo sa buhay, ang parents mo, kapatid mo, ang mga kaibigan mo, at ang asawa mong si Faith. Lahat sila ay naghihintay na magising ka na..."
Hinaplos-haplos ko naman ngayon ang pisngi ni Dustin at sa pagkakatong ito ay nag-unahan na namang pumatak ang mga luha ko.
"Siyempre pati ako, nag-aalala rin para sa'yo at hinihiling ko na sana gumising ka na. Kahit na si Faith ang pinili mo, ay hindi pa rin ako tumitigil na mahalin ka at hindi ko alam kung kaya ko bang tumigil. Kaya nga, nag-decide na lang akong lumayo para kahit paano ay makalimot at makapag-simulang muli. Dustin please, gumising ka na. Gumising ka para sa mga taong nagmamahal sa'yo." Pinawi ko ang mga luhang pumatak at umayos ako ng upo. "Paalam na Dustin, aalis na 'ko."
Matapos magpaalam ay isang halik sa labi ang ibinigay ko kay Dustin. Nasasaktan ako dahil alam kong ito na ang huling beses mahahagkan ko siya, gayunman ay pinilit kong magpakatatag.
Kinuha ko sa aking bulsa ang engagement ring na ibinigay sa akin ni Dustin para ilagay iyon sa loob ng kaniyang kamay. Hindi ko na kailangan ang singsing na ito kaya ibabalik ko na sa kaniya. Sa huling pagkakataon ay binasa ko ang mga salitang nakaukit doon sa singsing.
DusJen Forever
---
Nandito na kami sa airport at minsan pa ay nagpaalam na ako kina Dustin at Ashley.
"Ingat kayong dalawa ha, magmahalan kayo at huwag mag-aaway." Sabi ko sa mag-asawang nakatayo sa harap ko.
"Ikaw din Jen, mag-iingat ka. Mami-miss kita." Sabi ng aking bestfriend habang ginugulo ang buhok ko. Simula ng magkamalay ako sa mundong ito ay nandiyan na sa tabi ko si Dustin, kaya ngayong magkakalayo kami ay talagang mami-miss ko rin siya.
"Mami-miss din—" Hindi natapos ni Ashley ang sasabihin dahil may biglang tumawag sa cellphone niya na agad naman niyang sinagot. Matapos ang phone call ay bumaling siya sa akin. "Jen, si Pris 'yong tumawag. Sabi niya, nagkamalay na raw si Dustin."
"Talaga?" Nagulat ako ngunit masaya sa natanggap na balita.
"Oo, pag-labas mo raw ng room ay saka siya nagising. I can't believe this, nagising siya matapos mong dalawin. Para bang ikaw talaga ang taong hinihintay niya para gumising sa kaniya." Sabi ni Ashley na kumikinang pa ang mga mata.
Bigla naman akong napaisip, hinalikan ko si Dustin sa labi bago ako lumabas ng kaniyang silid. Ibig sabihin ba noon ay nagising siya dahil sa halik ko?
"By the way, sabi pa pala ni Pris, si Dustin daw ay..."
"Ashley." Sabi ko kaya natigilan si Ashley. "Masaya 'kong malaman na nagising na si Dustin at 'yon na ang huling balita na gusto kong malaman tungkol sa kaniya. May ipapakiusap sana ako sa inyo, kung puwede lang, huwag niyo na siyang babanggitin pa sa akin kahit kailan. Simula ngayon, ayoko nang makarinig ng kahit anong balita tungkol sa kaniya. Lahat nga pala ng social media accounts ko ay deactivated na. Kung gusto niyo akong makausap, tawagan niyo ko through phone. At please, kapag tumawag kayo, sana ay huwag niyo siyang banggitin. Gusto kong mag-move on, kaya sana tulungan niyo 'ko."
"Naiintindihan namin, Jen." Sabi ni bestfriend.
"Okay." Sabay tango naman ni Ashley.
Pagkatapos no'n ay sumakay na ako ng eroplano dala ang pag-asang sana ay magtagumpay akong makapag move-on.
BINABASA MO ANG
For The One I Love
RomanceWhen Miss Genius Gone Mad Book 3 Copyright 2016 All Rights Reserved