Chapter 1 - Aswang Hunter

13.5K 367 40
                                    

"Kainin mo ito pag nagutom ka ha? Nilagay ko na sa bag mo," sabi ng nanay ni Pepe.

"Opo Nay, alis na po ako," sagot niya. Isinuot ni Pepe ang kanyang backpack laman ang pagkain at kinuha ang basket ng balut na kanyang ibebenta ngayong gabi.

"Mag-ingat ka ha?" pahabol na kanyang Inay, "Yung pagkain mo?"

"Opo! Andito na Nay," sagot niya na may konting pagdadabog dahil sa dami ng bilin nito.

Marami laging nabebenta na balut si Pepe. Ubos lagi gabi-gabi. Subalit noong nakaraang linggo ay nagsimula maging matumal ang kanyang benta. Doon kasi sa paborito niyang pwesto ay bawal na siya magtinda, pansamantala lang naman siguro. May isa kasi siyang regular na customer na namatay dahil sa high blood. Matakaw kasi sya, noong gabing iyon ay napasarap ang kain niya at nakatatlong balut ito. Hindi alam ni Pepe na birthday noon ng kanyang customer at marami na pala itong nakain sa bahay. Ayun, na-stroke siya pag-uwi.

Nag eeksperimento ngayon si Pepe ng mga bagong pwesto pero nahihirapan siya maghanap. Doon lang kasi madaming tao. Puro condominium na at park sa katabing lugar. Gayunpaman, nagpatuloy siya sa paghahanap.

"Baluuuuut! Baluuuuuuut!" sigaw niya. Ang dami na niyang nalampasan na kanto pero wala pa rin siyang makita na maraming tao.

"Hoy Pepe!" may sumigaw. Lumingon si Pepe at nakita ang kanyang kaibigan. "Karl, musta?" bati niya. 

"Ayos lang. Ikaw? Hindi ka pa bumabalik sa pwesto mo?" tanong ni Karl habang naglalakad papalapit. "Hindi pa eh. Bukas siguro," sagot niya.

"Ahh! Good! Tama, bumalik kana dun. Tara na," yaya nito.

"Di pa ko uuwi eh, dami pako oh," sabi niya sabay pakita ng kanyang basket na madami pang laman. "Uy! Penge nga. E san ka pupunta?" tanong ni Karl habang hawak ang tatlong balut.

"Dun sa may park!" sagot ni Pepe.

"Ha? Sigurado ka ba?" sabi ni Karl na takang-taka sa sinabi ng kaharap. "Palibhasa madalang ka dito. Delikado diyan lalo na pag hating gabi hanggang madaling araw."

"Okay lang, wala namang mananakaw sakin!" sabi ni Pepe habang nakangiti.

"Ano ka ba?" Lumapit si Karl at bumulong, "May mga aswang dyan."

Natawa si Pepe sa narinig, "Talaga?" sagot niya.

"Maniwala ka sakin! Ako uuwi na, alas-diyes na. Bahala ka!" sabi ni Karl. "Pag wala nang tao sa paligid mo. Mag isip-isip ka na. At kung ako sa iyo hindi ako magpapa-abot ng alas dose dyan sa Park. Sige mag ingat ka," dagdag nito at pagkatapos ay umalis na.

Nagpatuloy lang si Pepe sa paglalakad. Nagpaikot-ikot pa sya sa ilang kalye at kanto. May ilang mga naglalakad siyang nabentahan at malapit na maubos ang tinda niya. Dumating na siya sa park subalit sarado na pala ito kaya't naisipan niyang bumalik na lang. Madaling araw na iyon at malayo-layo pa din ang lalakarin niya. May alam naman kasi siyang shortcut kaya hindi siya nababahala.

"Bukas babalik na ako sa pwesto ko, bahala na kung mang away sila," sambit niya.

Gusto kasi ni Pepe na sumama sa retreat ng kanilang klase sa susunod na linggo pero kulang pa ang pambayad niya kaya kailangan niyang makabenta. Habang iniisip ang kanilang retreat ay hindi niya agad napansin na madilim na ang kanyang nilalakaran. Napatigil siya at tumingin sa paligid ng mahabang kalsada. Alam niya ang kalsadang ito, ito ang shortcut na nasa isip niya kanina at sa pagka-alala niya ay hindi naman dati madilim dito.

Isa itong mayaman na distrito. Sa kaliwa nito ay ang park. Sa kanan naman ay isang bakanteng lupa na may mataas na pader. Kita ni Pepe ang ilaw sa dulo at may isa pang poste na may ilaw malapit sa gitna kaya nagpatuloy siya sa paglalakad.

Aswang Hunter | New BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon