Chapter 18 - Retreat

2.9K 137 10
                                    


"Hay salamat. Malapit na tayo. Grabe talaga ang traffic sa Manila no? Mas matagal pa yung byahe natin papunta sa airport kesa sa airplane at bus travel papunta dito sa Capiz." Sabi ni John habang inaayos ang kanyang buhok sa maliit na salamin na hawak ng kanyang kaliwang kamay.

"Uy! Tulala ka nanaman!" tapik ni John kay Pepe matapos itago sa bulsa ang salamin, "Dada ako ng dada dito wala ka man lang reaksyon!"

"Ha? Ineenjoy ko lang ang view," sagot ni Pepe sabay balik ang tingin sa labas mula sa bintana ng umaandar na bus. Ngayon lang kasi siya nakarating sa Capiz at tinitignan niya ng mabuti ang paligid. Marami kasi siyang narinig at napanuod na kwento tungkol dito sa radio at TV noong bata pa siya.

"Wow! Ang ganda!" sigawan ng mga kaklase ni Pepe.

"Anong maganda? Ang creepy creepy kaya! Mukang lumang luma na yan oh!" sabi naman Rhea habang hawak hawak ang kanyang ulo pabalik sa kanyang upuan sa may likod ng bus.

Tumayo si Pepe at sumilip sa kabilang banda ng bus kung saan nagkumpol-kumpol ang ulo ng kanyang mga kaklase. Bumati sa kanya ang isang malaking bahay na mukang ginawa pa noong panahon ng mga espanyol. Malaki ito at gawa sa kahoy at bato na nakatirik sa isang mababang burol kaya kitang kita ito mula sa kalsada. "Makaluma talaga ang design. Parehas sa bahay ng lolo at lola ko." sabi ni Pepe habang kinikilatis mula sa malayo ang bintana ng bahay na may maliliit na kwadradong disenyo.

"5 minutes everyone!" sabi ng kanilang adviser.

Habang excited at nag iingay ang lahat ay may isang babaeng hindi mapakali sa pagkakaupo, "Uy ayos ka lang?" tanong ni Pepe.

"Ha? O-okey lang. Hindi lang maganda ang pakiramdam ko," sagot ni Rhea.

"Okay," sagot ni Pepe sabay tingin muli sa bahay. Pagbalik ng kanyang tingin ay napansin niya na nakabukas na ang isang bintana sa 2nd floor at may isang lalaking nakabarong ang dahan dahan sumilip dito. Tinignan niya ng mabuti ang lalaki subalit pumasok na muli ito sa loob at isinara ang bintana kaya't bumalik na si Pepe sa kanyang upuan.

Makalipas ang ilang minuto ay tumigil na ang bus, "Okay guys! Ayusin nyo na ang mga gamit nyo at sumunod kayo sa akin sa baba. Pag baba nyo, pumila kayo at mag roroll call ulit tayo bago pumasok ng gate." Sabi ng kanilang adviser.

"Astig tol! Parang haunted house!" sabi ng isang kaklse ni Pepe sa kasabay nito habang bumababa ng bus. "Sus! Mamaya ikaw ang takot na takot dyan pag gabi na" isip ni Pepe habang bumababa. Hinanap niya ng pasimple si Pia subalit nawala ito sa pila. Tumingin siya sa loob ng bus at nakitang kinakausap nito si Rhea. Pag baba ng dalawa ay nagsimula na ang kanilang adviser magroll call at magcheck ng mga gamit. Sa harapan ng kanilang pila ay ang lumang gate ng gawa sa bakal, "Don Mercado Mansion" ang nakasulat dito.

Umusad na ang pila ng mga naka unipormeng studyande at nagsimula ng pumasok sa gate. Paglapit ni Pepe sa gate ay agad siyang nakaramdam ng kakaibang pwersa na para bang nababalutan ng spiritual na kapangyarihan ang buong lugar. Tinignan niya ng mabuti ang gate subalit wala naman siyang nakita na kakaiba dito.

"Good afternoon students!" Bati ng isang matandang babae na animo'y madre sa kanyang suot. Maamo ang muka nito at mukang mga 50 taong gulang na, "Follow me," dagdag niya. Sinundan ng mga estudyante ang matanda papasok sa malawak na lupain. Isandaang metro mula sa gate nakatayo ang mansion at sa likod ng mansion ay mukang may mas malawak pang space para sa mga outdoor activities. Sa harap naman nito ay isang hardin at ang rebulto ni Don Mercado.

Pagpasok nila sa malaking pinto ng mansion ay nakahanda ang maraming upuan at isang maliit na stage, Ito ang main hallway. Sa kaliwa at kanan naman bago ang main hallway ay mayroong hagdan na paakyat sa second floor. Nahaharangan ang mga hagdang ito ng mga madre na abot tenga ang ngiti sa mga pumapasok na bisita.

"Please take your seats, my name is Sister Estela and I will be assisting you on your two day stay here at the Mansion."

Nagsi-upo na ang lahat at nagpatuloy si Sister Estela sa kanyang Welcome Speech. Kasalukuyang inilalahad ni Sister ang schedule ng mga activities ng may kakaibang himig na sumingit sa tenga ni Pepe, "Parang may kumakanta," bulong niya. Nagconcentrate siya at tinalasan ang pandinig para malaman niya kung saan ito galing subalit hindi niya ito matunton. Lumingon siya sa kaliwa at kanan pati sa likuran subalit mga mukha lamang ng kanyang mga kaklase ang kanyang nakita.

"Excuse me? Iho? Someone is speaking here."

"Sorry po, para may narining lang po ako," sagot ni Pepe.

'Guni-guni mo lang iyon iho," Humarap na si Pepe at nakinig sa matanda. Inabangan niya muli ang boses subalit hindi na niya ito narinig.

"Hay salamat. Kainan na, meryenda time!" sabi ni John na nangungunang tumayo sa upuan. Paglampas ng mini stage ay mayroong dalawang hallway, isang pakaliwa at isang pakanan. Sa kanan pumunta ang mga bata dahil doon ang canteen. Sa canteen ay may limang mahahabang lamesa na yari sa kahoy at mukang sakto ang dami nito para sa block nina Pepe. Nakahilera ang mga lamesa at nakapalibot naman dito ay ilang counter na may nakadisplay na pagkain.

"Hoy Pepe! Dito ka na kumaen!" yaya ni John. Lumapit si Pepe at umupo sa tabi ng magbabarkada. Sa kaliwa ni John ay si Rhea at sumunod dito ay si Micheal. Umupo si Pepe sa tapat ni John, katabi niya si Lucio, at ang kasunod nito pakaliwa ay si Mary Ann at Mario.

"Grabe ang spooky ng place na to no? Exciting. Mag-ghost hunting tayo mamayang gabi." bulong ni Mario sa gitna ng lamesa.

"Oo nga! Game!" sabi ni Lucio.

"Ayoko! Hindi talaga maganda pakiramdam ko sa bahay na'to," kontra ni Rhea.

"Ang duwag mo talaga no?" sabi ni Michael.

"Bored ka lang kasi walang mga boylet. Puro madre. Haha!" Bulong ni Mary Ann.

Natigilan si Pepe sa narinig, "Talaga? May nakita akong nakabarong kanina ah?" sabi ni Pepe habang binubuksan ang kanyang sandwhich na pinabaon ng kanyang nanay.

Ngayon ang magbabarkada naman ang napatigil sa pag-nguya ng pagkain. "Seryoso ako!" sabi ni Pepe habang tinitignan isa-isa ang mga kasama niya sa lamesa.

"Ows! Saan mo nakita?" Tanong ni Mario na ngayon ay lumipat ng upo sa kanan ni Pepe.

"Sa isang bintana sa 2nd floor, nung nasa bus pa tayo."

"hhhmmmmmm" sagot ni Mario habang tahimik ang lahat.

"Pero wala nga akong napansin na lalaki mula nang pumasok tayo. Weird, probinsiya pa naman ito. Dapat may mga lalaki dahil maraming mabibigat na gawain dito." Sabi ni Pepe.

"Hindi ka nakikinig kanina no?" sagot ni John, "sabi kanina ni Sister puro Madre lang ang nakatira dito. Walang lalaki".

Nanlaki ang mga mata ni Pepe sa sinabi ni John, "Eh ano yung nakita ko?"

Aswang Hunter | New BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon