Chapter 6 - Mahabang Gabi | Part 1

3.9K 192 1
                                    

Alas-8 ng gabi, tumigil muna si Pepe sa paglalakad. Inilabas niya ang bote ng suka na ginagamit ng kanyang mga customer. Bagong refill ito at maraming sili na nakababad. Siling labuyo, ang paborito ni Pepe. Inilabas din niya ang dala niyang bawang at asin. Dinurog niya ang bawang at inilagay ang mga ito sa bote ng suka. Kumuha din siya ng asin at inilagay sa bote.

"Para mas effective!" sabi niya. Inilabas niya ngayon mula sa basket ang kitchen knife na dala niya. Matalas ito, laging gamit ng nanay niya panghiwa ng karne tuwing magluluto. Tinanggal niya ang balot nitong papel at isinuksok sa kanyang sinturon. Handa na si Pepe. Tumayo siya at nalaglag ang isang plastic mula sa kanyang basket.

"Ay yung baon ko, kaen muna ako," sabi niya. Ninamnam ni Pepe ang kanyang baon. Maari kasing ito na ang huli niyang kain, "last meal" ika nga. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari ngayong gabi pero pursigido siyang umuwi ng buhay mamaya. Para sa kaibigan niya. Matapos niyang kumain ay naglakad na siya papunta park. 

"Hoy, pabili ng balot!" sabi ng isang lalaki.

"Ubos na ho!" sagot ni Pepe. "Ano ba yan. Aga pa ah!" sagot nito na naging dismayado.

Alas-9 ng gabi, nakatayo si Pepe sa gate ng Park. Tinitignan niya ang kalye sa tapat niya at ang buong park. Bawat tunog at galaw ng mga dahon at damo ay pinapansin niya. Pero wala pang aswang na lumalabas. Napatingin siya sa suka solution na ginawa niya. Sa totoo lang hindi niya alam kung gagana ba talaga ito. Hindi niya alam kung effective ba talaga ang bawang at asin pero ayon sa mga nabasa niya ay effective daw. Marami siyang nabasa na mga blog sa internet, effective "daw". Sana lang totoo.

Lampas Alas-12 na ng madaling araw, nakatayo pa din si Pepe. Pagod na siya sa kakahintay pero kailangan niyang tiisin ito. Hindi siya pwedeng umuwi ng walang bagong impormasyon.

"Tulong!" sigaw ng isang lalaki.

May tumatakbo sa kaliwa ni Pepe, "Zombie! Takbo!" sigaw nito.

Wasak ang damit ng lalaki at tumutulo ang dugo sa katawan nito. "Aswang yan. Hindi yan zombie," isip ni Pepe. Idinikit ni Pepe ang kanyang likod sa gate para hindi siya mapansin ng lalaki. Lumampas ang lalaki sa kanya at sumusunod ang aswang. Malago at magulo ang buhok nito na para bang hinalukay ng matindi. Hila-hila nito ang mga kamay at braso na parang ang bigat bigat nito habang naglalakad ng mabilis. Hinawakan ni Pepe ng mahigpit ang kanyang panlaban na suka.

Malapit na ang aswang. Itinuloy ni Pepe ang pagtatago sa gate at mga halaman at inisip niya na susubukan muna niya ang kanyang suka. Sasabuyan niya ang aswang paglampas nito. Subalit hindi lumampas ang aswang. Tumigil ito sa tapat niya. 

Kumabog ang dibdib ni Pepe at bigla niyang sinaboy ang kanyang suka. Sapul ang aswang sa mukha at sa katawan. Lumabas ang kahindik-hindik na boses ng aswang mula sa bumubula nitong bibig. Umuusok ang balat na timaaan dito at mukhang nasunog. Tumitig kay Pepe ang mata ng aswang. Sumigaw ulit ito at inilabas ang malaking bibig. Kumilos ito papalapit pero mukhang nahihirapan dahil sa nasunog nitong katawan. Natakot si Pepe at dali-daling umakyat sa gate ng park, "Aray!" sabi niya nang bumagsak siya sa lupa.

Kumalampag ang mga kinakalawang na bakal ng gate sa hampas ng aswang. Iniligan niya ang mga kamay nito na pilit umaabot sa kanya.

"Muntik na ako dun ah," sabi niya.

Ayaw pa din tumigil ng aswang sa pag-iingay kaya sinabuyan niya ito ulit ng kanyang suka. Umilag ito subalit natamaan pa din. Galit na galit ang mga mata nito, nanlilisik. Pero hindi lang siya ang nang-gigigil. Lumakas ang loob ni Pepe ngayong mayroong bakal sa gitna nilang dalawa. Nilakihan ni Pepe ang butas ng kanyang suka at isinaboy sa mukha ng aswang. Nagtatakbo ito habang sumisigaw.

"Effective nga!" sabi ni Pepe, "Ano ka ngayon!"

Nakahinga siya ng maluwag nang makita niyang tumakbo na ang aswang papalayo subalit dapat pa rin siyang mag ingat. Hindi naman sigurado na ligtas ang loob ng park pero dahil sa nangyari kanina ayaw na ni Pepe lumabas sa kalye.

Tinalikuran ni Pepe ang gate at hinarap ang park. Hindi niya alam kung bakit sinarado ito. Mukhang maganda pa naman kung lilinisin, "Maganda siguro itong pwesto na pagtindahan ng balut," isip niya.

Humakbang si Pepe papunta sa gitna. Dahan dahan ang lakad niya. Inaaninag niya ang kanyang paligid gamit ang ilaw sa mula kalye at ang mga ilaw sa condominuim mula sa kabilang kanto. Naging mistulang gubat sa gitna ng kabihasnan ang park. Tanging mga halaman na lamang ang naglalaro sa kalawakan nito. Ginapangan na din ng mga baging ang kahabaan ng pader. Sa gitna ng park naalala niya na may rebulto at hinanap niya ito. May narinig siyang gumalaw pero nakatututok ang mga mata niya sa gitna ng park. Nakita na niya ang rebulto, may taas itong tatlong metro at isang lalaking dayuhan ang imahe.

Calvin Wolfgramm

18-- - 1----

Napangiti si Pepe sa nabasa niya. "Astigin ang pangalan ni kuya," sabi niya.

Hindi niya mabasa ang taon na nakasulat sa baba ng pangalan nito. Tumingala siya para tignan ang mukha ng rebulto subalit hindi nya ito maaninag dahil sa dilim.

Kumaluskos ang mga halaman sa likod ni Pepe at malakas na hingal ang sumunod dito. Hinawakan niya ang bote na dala niya at hinanda ang kanyang sarili. Tinalasan niya ang kanyang pakiramdam. Dahan dahan lumapit ang mga galaw at hingal. Nang maramdaman ni Pepe ang galaw ng mga damo malapit sa kanya ay umiikot siya at isinaboy ang suka.

"Ito ang sayo!" sigaw niya, "Sige! Masunog ka!"

Umiyak ang aswang at umusok ang balat nito. Bakas pa sa katawan at mukha nito ang tinamaan kanina ni Pepe subalit parang hindi ito nanghina. Inunat nito ang katawan at naghilom dahan dahan ang nasunog na balat. Natakot si Pepe at napatakbo sa likod ng rebulto. Tumingin siya sa kanyang kanan subalit walang siyang madaanan. Masyadong mataas ang pader. Ganun din ang sitwasyon sa kanyang kaliwa.

Isa lamang ang daan palabas, "Ang gate!"

Huminga ng malalim si Pepe upang ihanda ang kanyang sarili sa kanyang gagawin. Subalit may naramdaman ulit siyang kilos sa likod niya. Mabilis ang mga galaw at lumalapit na. Lumingon agad si Pepe at isinaboy ang dala niyang "effective" na suka.

Nanlaki ang mata ni Pepe sa kanyang nakita, "Hindi ito aswang!"

Parang bumagal ang oras pero naranasan na ito dati ni Pepe. Minulat niya ang kanyang mata at tinignan ng mabuti ang lumalapit sa kanya. Sumasayaw sa hangin ang puting buhok nito habang naglalakad at kumikinang ang eyeglasses sa kadiliman. Isa lang ang ibig sabihin nito.

"Siya ang Aswang Hunter!"

Aswang Hunter | New BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon