Humakbang si Pepe papasok sa bakanteng library. Sinilip niya ang bawat sulok pero wala si Sister. Lumakas ang kabog ng kanyang dibdib at naisip niyang umalis na dahil sa takot. Inihakbang niya pabalik sa pinto ang kanyang isang paa. Pagkatapos ay ang isang paa naman. Natigilan siya nang may narinig siyang mga hakbang.
"Mula sa labas!" Isip niya. Agad lumipat sa gilid ng pinto si Pepe. Inabangan niya ang dadaan. Pero bago pa man may dumaan ay napansin na niya agad ang isang mabahong amoy. Tinakpan ni Pepe ang kanyang ilong at tumigil muna sa paghinga. Kasunod nito ay ang sunod sunod na karumaldumal na mga tunog. Halos masuka si Pepe.
"O God! Ano ba itong tiyan ko. Tulugan nyo po ako!" sabi ni Sister habang naglalakad palampas ng Library.
"Buti na lang walang tao dito. Nakakahiya naman sa mga estudyante." dagdag pa niya.
Nabwisit si Pepe sa kanyang nadiskubre. May LBM lang pala si Sister kaya nagmamadali at pinili niya doon dahil walang tao. Malapit nga pala sa Library ay isang CR. Bumaba na si Sister kaya lumabas na si Pepe. Tumayo siya sa veranda ng 3rd floor. Kita niya ang open grounds at halos ang buong University. Kita din niya ang mga studyante na naglalakad, nag-aaral at mga nakatambay. Inisip niya kung paano niya hahanapin ang Aswang Hunter sa dami ng tao sa University. Naisip din niya na maaring nagkataon lang na mayroong estudyante na kaparehas ang pabango na ginagamit ng Aswang Hunter.
"Malabo," sabi ni Pepe. Malabo talaga ang iniisip nya kung ipagpapatuloy niya ang pag-iimbestiga sa University. Wala naman siyang experience sa pag-iimbestiga at hindi rin niya alam kung paano magsisimula. Bumaba na si Pepe at naglakad pauwi. Iniisip niya kung paano nagsimula ang mga pangyayaring ito na nararanasan niya. Naalala niya ang unang gabi na nalaman niya ang tungkol sa mga aswang. Nagsimula ito nang banggitin ng kanyang kaibigan ang aswang sa park.
"Alam ko na!" sabi niya. Napatalon si Pepe sa kanyang naalala. Si Karl lamang ang kanyang kaibigan niya na may alam tungkol sa mga aswang at maaring meron pa siyang ibang nalalaman na hindi alam ni Pepe. Isa pa, maari rin kaya na nakita din niya ang Aswang Hunter? Napagdesisyunan ni Pepe na dumaan sa bahay nina Karl bago umuwi. Matapos ang kalahating minuto ng paglalakad nakarating na siya sa barangay na tinitirahan ng kanyang kaibigan. Sa barangay, ilang flyers ang nakadikit sa mga pader at sa mga poste.
"Nawawala si Karl?" sambit ni Pepe. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita kaya tumakbo agad siya papunta sa bahay nina Karl.
"Angela!" sigaw ni Pepe sa pintuan ng bahay nina Karl. Lumingon sa kanya ang isang babae na kasing tangkad niya. Dala nito ang muka ng pag-aalala at binuksan ang pinto. Lumapit si Pepe at niyakap siya ng babae.
"Anong nangyari sa kuya mo?" tanong ni Pepe.
Nagsimulang humikbi si Angela, "Hindi namin alam. Basta, basta hindi pa sya umuuwi. Ilang araw na. Walang text o tawag. Wala!" sabi ni Angela na nagsisimula ng umiyak at yumakap ng mahigpit.
"Noong Lunes ng gabi ko siya huling nakita. Nakauwi ba sya noon? At nasan sina Tito at Tita?" tanong naman ni Pepe.
"Martes ng umaga sya namin huling nakita. Lumabas siya ng gabi tapos hindi pa bumabalik. Sina Mama at Papa pumupunta sa mga police station noong isang araw pa. May pasok ako kaya hindi ako pinasama," sabi ni Angela. Bumitaw si Angela kay Pepe at pinapasok ang binatilyo at pinaupo. Ilang taon lamang ang agwat ng edad ni Angela at ni Pepe. Dati ay lagi nila itong inaasar ng kanyang kapatid pero hindi na ngayon dahil dalaga na ito. Kumuha ang dalaga ng tubig at baso at inilapag sa lamesa ng sala. Pagkatapos ay umupo ito sa sofa sa tabi ni Pepe.
"Kuya, tulungan mo kami," Iyak nito habang hawak ang isa pang baso. Walang masabi si Pepe. Hindi niya alam kung papaano ipapaalam na posibleng dahil sa mga aswang kaya nawawala ang kuya ni Angela. At kung alam din niya kung paano sasabihin ay mas mabuti siguro kong itago muna niya ito.
Lumapit siya kay Angela ang niyakap ito.
"Hahanapin ko ang kuya mo. Pangako sayo yan," sabi ni Pepe.
Lalong naiyak si Angela. Ramdam na ramdam ni Pepe ang pagmamahal nito sa kanyang kapatid na lalo namang nagpatibay ng kanyang damdamin. Galit at pag-aalala ang nararamdaman niya. Hindi siya makakapayag na may masamang mangyari sa kanyang kaibigan at sa pamilya nito. Umuwi na si Pepe at inayos ang kanyang balut na ibebenta. Inalala niya ang research niya tungkol sa mga aswang. Ang mga kahinaan nito at ang panlaban dito. Sana lamang ay totoo ang mga iyon.
Nakita niya ang kanyang nakababatang kapatid na naglalaro ng PSVITA sa sala. Hindi siya pinansin nito. Matindi ang focus sa paglalaro. "Paano kaya kung ako ang nawala?" isip ni Pepe.
"Anak, heto na ang baon mo. Kainin mo ha?" Sabi ng inay ni Pepe. Naramdaman nito ang pagkabalisa ng anak, "Okay ka lang ba?" tanong nito.
Napahinga nang malalim si Pepe, "Inay, nawawala po si Karl. Ilang araw na po. Tutulong po ako sa paghahanap." sabi ni Pepe. "Ay ganun? Bakit kaya? Tatawag ako sa kanila. Bakit hindi nila agad tayo sinabihan?" tanong ng nanay niya.
"Kanina ko nga lang po nalaman. Galing po ako doon. Busy po sila sa paghahanap kaya siguro hindi tayo nasabihan," paliwanag ni Pepe habang tinignan ang kanyang bag.
"Mag-ingat ka ha? Wag kang magpunta kung saan-saan sa paghahanap. Baka ikaw naman ang mawala."
"Opo Inay, salamat po. Aalis na po ako," sabi ni Pepe. Humalik si Pepe sa kanyang Ina at umalis na ng bahay dala ang isang basket ng balut.
"Ingat ka ha? At magdasal ka!" pahabol ng nanay niya.
Malinaw ang plano ni Pepe. Hanapin si Karl at ang Aswang Hunter. Pero uunahin niya ang Hunter. Maaring alam nito kung ano ang nangyari kay Karl. Alam din siguro nito ang mga sagot sa iba pa niyang tanong. Subalit isa na lang ang alam ni Pepe na paraan para makita niya muli ang Aswang Hunter sa lalong madaling panahon. Iyon ay ang harapin ang panganib. Babalik siya sa park. Ang lugar na pinagbawal ni Karl. Ang lugar kung saan una siyang nakakita ng aswang at ang lugar kung saan niya nakita ang Aswang Hunter.
Tinignan ni Pepe ang kanyang basket. Laman nito ay isang kwintas ng bawang, Isang plastic ng asin at isang kutsilyo. Kailangan niya ang mga ito dahil ngayong gabi, maghahanap siya ng Aswang.
BINABASA MO ANG
Aswang Hunter | New Blood
Fantasy"Anak, hanapin mo ang Manunugis at ibigay ito," inabot ng matandang lalaki ang isang maliit na lukbutan kay Pepe, "Sa kanya mo lamang ito pwede ibigay. Itago mo ito at huwag ilalayo sa iyong sarili," sabi ng matanda. Mayroong sikretong labanan na na...