Chapter 80 - Ang Mahabang Pasilyo

1.1K 52 17
                                    

Patuloy na naglakad si Pepe upang hanapin ang boses na narinig. At habang naglalakad sa dilim ay biglang nahulog siya. Mabilis siyang bumagsak sa ang tanging kutob niya ay isang malalim na balon. Sinubukan niyang abutin ang pader ng hinihinalaang balon subalit madulas at makinis ito.

Makalipas ang ilang segundo ay bumagsak siya sa tubig, "Buti na lang tubig," isip niya. Tumingin siya sa taas subalit wala siyang makita kung hindi ang kadiliman na hindi niya malaman kung kakampi ba niya o kalaban. Habang naglalangoy ay mayroon pa siyang narinig. Lagaslas ng tubig na palakas ng palakas, "Sa taas!" isip niya. Sa isang iglap ay bumagsak ang malakas na tubig sa balon na nagpaikot-ikot at halos lumunod kay Pepe.

Agad na nakaramdam si Pepe ng sahig na para bang inihagis siya doon kasama ng tubig. Hindi pa man naimumulat ang kanyang mata ay alam niyang nandiyan na ang liwanag.

Isang mahaba na pasilyo ang nasa kanyang harapan at sa dulo nito ay ang matingkad, puti at makulit na liwanag. "Naku, hindi diyan ang daan," isip ni Pepe habang inilalabas ang nainom na tubig. Mula sa likod niya ay lumapit ang isang babae at hinawakan siya sa magkabilang braso.

"Linara," sabi ni Pepe matapos lumingon sa babae. "Boses mo pala yung narinig ko kanina at buti naman at nakakapagsalita na ako," isip niya nang marinig ulit ang saraling boses. Nagsalita si Linara subalit walang maintindihan si Pepe.

"No te puedo entender," sabi ni Pepe. Tumaas ang dalawang kilay ng babae sa sinabi ni Pepe at si Pepe naman ay nagulat din. "Anong sinabi ko?" isip niya. "No te puedo entender," sabi ulit ni Pepe. Tumango si Linara ng maraming beses habang nakatingin sa binata.

Inakay ni Linara patayo si Pepe. "Que esta pasando," sabi ulit ni Pepe. Napahawak siya sa kanyang bibig hindi pa rin makapaniwala sa lumalabas dito. "Ang sasabihin ko sana ay "anong nangyayari" pero ang lumabas sa bibig ko ay "Que esta pasando".

Tinapik ni Linara si Pepe sa balikat. Itinuro niya ang binata gamit ang kanyang hintuturo at nagkunyaring umiinom ng tubig mula sa baso. Napatingin si Pepe sa sahig kung saan sumuka siya ng tubig, "Nakainom ako, Ah! Para doon pala ang tubig! Mapanlinlang talaga ang tore na ito," isip niya.

Tumingin si Pepe sa ilaw sa kanyang harapan, "Okay, may autotranslate palang nangyayari at malamang ay ganun din si Linara. Nagtatagalog naman yan kanina sa labas eh," isip niya at pagkatapos ay tumingin naman kay Linara na nakatingin din sa kanya.

Hawak pa din sa braso ang binata, hinarap ni Linara si Pepe sa likod ng matingkad na liwanag. Sa harap ng isa pang pasilyo na naiilawan lamang ng mga gasera patungo sa hindi niya alam. "Makes sense. Malamang ito ang tamang daan," isip niya.

Agad na tinuro ni Pepe ang isang gasera kay Linara. Lumapit siya dito at pinatay ang apoy. Subalit umiling si Linara, "modo curvas," sabi niya habang ginagalaw ang kanyang kamay na parang ahas. Napatango si Pepe sa nakita, "Ahh, May curvas! May curve ang daan. Mahirap patayin ang mga gasera ng sabay sabay tulad sa naunang kwarto. Atsaka hanggang saan kaya ito?" isip niya. Agad nakaisip si Pepe ng magandang ideya, "Lanze de Justicia!" sabi niya subalit walang nangyayari.

"Ah! Hindi ko pa din matawag ang sibat ko! Dapat tagalog!" Naisip kasi niyang magsulat sa sahig gamit ang kanyang sibat, "Hijos de la tierra," sabi pa niya. "Pati ba naman anak ng teteng natranslate! So hindi ko pa din matatawag ang sibat ko dahil hindi ko masabi nang eksakto ang pangalan," isip niya.

Naghanap siya ng maliit na bato at nang makakita ay agad na nagsulat, "Okay pwede naman pala ako magsulat ng tagalog," isip niya.

Paano tayo lalabas dito?

Tinignan ni Linara ang nakasulat sa sahig at pagkatapos ay tumingin siya kay Pepe. Napahawak sa kanyang mukha si Linara at tila hindi nababasa ang nakasulat. Nagsulat ulit si Pepe sa sahig.

Nababasa mo ba ito?

Ganun pa din ang reaksyon ni Linara. "Naku, mukhang hindi niya nagbabasa," isip ni Pepe.

Tinapat ni Linara ang kanyang kamay kay Pepe at hiniram ang bato. Pagkakuha ng bato ay lumuhod si Linara sa harap ni Pepe at pagkatapos ay nagsimulan gumuhit.

Ginuhit ni Linara ang kanyang sarili at sa tabi nito ay iba't ibang uri ng sandata. Sa ibaba naman ay gumuhit siya ng isang uri ng papel at pagkatapos ay ginuhitan ito ng paulit-ulit sa ibabaw.

"Okay, sundalo ka kaya hindi ka mahilig magbasa," isip ni Pepe. Gumuhit muli si Linara. Ngayon ay ginuhit niya ang mukha ni Lamira at sa taas ng mukha ay gumihit siya ng mga papel at iba't ibang uri ng sulat. Pagkatapos ay tumayo na si Linara at inabot kay Pepe ang bato.

"Naiintindihan ko na," isip ni Pepe habang tumatango ang ulo kay Linara. Tinignan din siya ng diwata. Ang mga mata niya ay mapula, para itong apoy na puno ng tapang at walang takot. Sumenyas si Linara kay Pepe na maglakad papunta sa dilim na naliliwanagan lamang ng mga gasera.

Habang naglalakad sila ay nagsimulang yumanig ang kanilang nilalakaran. Napatigil ang dalawa at tumingin sa hinaharap nila na nagsimula na palang humilis pakanan.

Inabangan ng dalawa ang lalabas, "Parang gumugulong," isip ni Pepe. Napatingin siya kay Linara na nakatingin sa harap. "Ibi est," kalmadong sabi ni Linara. Tinignan ni Pepe ang lumabas mula sa dulo ng pasilyo at nanlaki ang kanyang mga mata.

"Bola de piedra!" sigaw ni Pepe. Malakas din na sigaw ang narinig ni Pepe mula kay Linara, "Anguli! Anguli!" subalit hindi ito naintindihan ni Pepe. Limampung metro na ang lapit sa kanila ng malaking bola pero hindi pa din gumagalaw si Linara, "Paratus anguli!" sigaw ng diwata.

"Ayan na! Malaking bola to!" isip ni Pepe. "Paratus anguli!" sigaw ulit ni Linara. Nang madagdagan pa ang lapit ng malaking bolang bato ay hindi na napigilan ni Pepe ang kanyang sarili.

"Correr!" sigaw ni Pepe. Agad siyang tumalikod at tumakbo. Mula sa likod ay ramdam na ramdam niya ang gulong ng malaking bola na parang lalong bumibilis.

"Saan na si Linara?" isip ni Pepe. Lumingon siya sa kanyang kaliwa at kanan subalit wala doon ang kasama. Lumingon din siya sa kanyang likod subalit ang bola lamang ang humahabol sa kanya.

"Linaraaaa!" sigaw ni Pepe. Kumabog ang kanyang dibdib, "Oh hinde! Nagulungan na siya!"

Itutuloy.....

*********************************************************************************************************************************************************************************************

Aswang Hunter | New BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon