Chapter 41 - Tubig at Paniki

2.1K 163 11
                                    



"Joseph. Ibigay nyo na sa akin iyan kung ayaw nyong masaktan," sabi ng lalaki. "Sakit lang pala eh. Sanay na akong masaktan," sabi ni Pepe.

Napangiti naman si John sa narinig, "Wow. Hugot ba yan, Pepe?" tanong niya pero hindi naman ito pinansin ni Pepe dahil inaabangan nito ang gagawin ng lalaki sa harapan.

"Libro," sabi ng lalaki at lumabas ang isang itim na libro sa kanyang harap. "Para saan yan?" isip ni Pepe habang tinitignan ng maigi ang nakalutang na bagay sa harap ng kalaban.

Tinignan ng lalaki ng mabuti ang reaksyon ni Pepe, "amateur," sabi niya at biglang nawala ang libro. Inilagay niya ang kanyang dalawang kamay sa gilid niya at mabilis na hinarap ang dalawang palad palabas, sa kaliwa at kanan. Sunod ay dahan dahan niyang itinaas ang mga kamay niya, "tubig na paniki" sabi niya.

Isang bilog na tubig ang nabuo at lumutang ilang pulgada sa ibabaw ng kanyang magkabilang palad at naging hugis paniki ito, "sugod," sabi ng lalaki.

"Anong magic ito?" sabi ni John at agad na nagtago papunta sa likod ng mga puno. Dumiretso ang isa sa mukha ni Pepe at ang isa naman ay lumampas papunta kay John.

"Tama, ano kayang mangyayari pag tumama ito sa amin?" isip ni Pepe.

Hinilig ni Pepe pakanan ang kanyang ulo upang makaiwas sa rumaragasang tubig na hugis paniki. Lumampas ito kay Pepe subalit tumigil at bumalik upang sumugod ulit sa kanya. Hinarap niya ito at kasabay nito ay isang malakas na sipa sa likod ang naramdaman niya. Tumalsik si Pepe paharap at makakasalubong niya ang tubig na paniki subalit nakaiwas siya at sa malaking puno siya tumama sa bandang kaliwa. Tinignan niya si John sa bukana ng gubat at nakita niyang hinampas nito ng tungkod ang tubig na paniki subalit pagtama ng tungkod ay dumikit ang tubig dito at gumapang papunta sa kamay ni John.

Naramdaman ulit ni Pepe ang paniki na susugod sa kanya kaya't bigla siyang napabangon upang iwasan ito. "Pepe tulong!" sabi ni John. Lumingon ulit si Pepe kay John at nakita niya na nakabalot na sa leeg nito ang bola ng tubig at tumataas paakyat sa kanyang bibig. "Hindi siya makakahinga!" isip ni Pepe.

Tumakbo si Pepe papalapit kay John at hinampas ng kanang kamay ang tubig na nakabalot sa leeg nito subalit lumapas lang ang kamay niya. Tumaas ulit ang tubig paakyat sa bibig ni John at halos matatakpan na nito ang bibig niya.

Naramdaman ulit ni Pepe ang tubig na paniki na papalapit sa kanya mula sa likod. "Hindi ako pwedeng madikitan nito! Sibat ng Katarungan," sabi niya. "hm? Hunter?" sabi ng lalaki ng makita ang sibat ni Pepe.

Napangiti si Pepe sa narinig, "Oo, Hunter ako!" sabi niya sabay harap sa paniki at saksak dito subalit umilag ang paniki. Nagulat si Pepe sa natunghayan, "May isip ang mga ito ah," bulong niya. Sinugod ulit niya ang paniki at patuloy itong umilag ng umilag papalayo sa kanyang mga saksak at hampas.

"Feeling Hunter," sabi ng lalaki.

"Ayaw mo sa dignum ko ha. Alam ko na!" sabi ni Pepe sa paniki. Humarap uli siya kay John at mabilis subalit maingat na inihampas ang dulo ng kanyang sibat sa tubig na tumatakip na ngayon bibig at ilong ni John. Sumabog ang tubig ng matamaan ito ni Pepe ng kanyang sibat, "Yes!" sabi niya. Si John naman ay napaupo at hinabol ang paghinga niya.

Humarap ulit si Pepe sa paniki na kanina pa gumugulo sa kanya. Bumuwelo siya at mabilis na inihagis ang kanyang sibat at natamaan niya ang pakpak nito. Nasira ang paniki at bumagsak ito sa buhangin ng dagat na sinipsip naman agad ito. Ang sibat naman ni Pepe ay naglaho habang naglalakbay sa hangin dahil sa pagkakahagis at sumulpot sa kanang kamay niya.

Hinarap ni Pepe ang lalaki at ngumiti, "Feeling Hunter pala ah!" sabi ni Pepe. "Ngayon ay ikaw naman ang magpakilala," sabi niya.

Gumanti naman ng ngiti ang lalaki, "At bakit ko naman sasabihin ang pangalan ko sayo?" sabi niya. Itinaas muli niya ang kanyang kamay kagaya ng ginawa kanina at mula sa dagat ay sampung tubig na paniki ang lumutang. Lumipad ang mga ito papalapit sa balikat ng lalaki.

Nanlaki ang mata ni Pepe sa nakita, "Nako po!" sabi niya. "John, lumayo ka muna," sabi ni Pepe subalit walang sumagot, "John!" sabi ulit ni Pepe at paglingon niya ay wala na palang tao sa likod niya. "Malupit!" isip niya.

Sumugod kay Pepe ang pitong paniki at pumasok sa gubat ang tatlo. "Susundan nila si John!" isip ni Pepe. Tumakbo si Pepe papasok sa gubat subalit humarang sa kanya ang isang paniki at sumabog ito. Parang matigas na bakal ang tumama na tubig sa katawan ni Pepe at natumba siya dahil sa lakas ng sabog nito. Pagtayo ni Pepe ay pinalibutan siya ng natitirang anim na paniki.

"Kailangan kong puntahan si John!" isip niya. Inobserbahan ni Pepe ang mga paniki at kasabay nito ay nadagdagan pa ito ng tatlo. Hinawakan niya ang kanyang sibat at sinugod ang mga paniki subalit bago pa man dumikit ang kanyang dignum na sibat sa isa ay sumabog na ito na nagpabagsak ulit sa kanya.

"Tsk! Ano ng gagawin ko?" Isip ni Pepe. Habang nakadapa ay napansin niya ang mabilis na pagsipsip ng buhangin sa tubig na sumabog, "Ito kaya ang sagot?" isip niya. Pinilit ni Pepe ibangon ang sumasakit na katawan at ibinaon ang isang paa sa buhangin.

"Pepe!" sigaw ni John. Maya-maya ay lumabas si John mula sa gubat. Napapalibutan ng tubig ang dalawang paa niya pati at ang kamay nito na may hawak sa tungkod.

"Sorry. Kinokontrol niya ang paa ko," sabi ni John habang pilit na nilalabanan ang lakad ng kanyang paa. Paglapit ni John sa lalaki ay inabot nito ang tungkod at pagkakuha niya ay sinapak niya si John sa panga. Kitang kita ni Pepe ang malakas na pagbagsak ni John sa lupa na ikinagalit nito. "Ano bang gagawin mo sa ahas na iyan?" sigaw ni Pepe.

Lumingon ang lalaki kay Pepe, "Ano pa? Eh d para ubusin ang mga Takipsilim," sabi niya.

Nanlisik ang mga mata ni Pepe at nag-init ang kanyang katawan. "Hindi ako papayag na saktan mo si Pia!" sabi niya. Sinipa niya ang buhangin papunta sa mga paniki at sa lalaking kalaban. Tumama ito sa mga paniki na ikinasira ng porma nito at nagpabagsak sa mga ito sa buhangin. Ang lalaki naman ay napatakip ng mata.

Galit na galit, agad sumugod si Pepe sa kalaban at sinaksak ito sa dibdib. Diniin niya ang kanyang sibat subalit naging tubig ang katawan nito at bumagsak sa buhangin, "Ano to?" sabi ni Pepe.

"WALA NA AKONG ORAS MAKIPAGLARO SA IYO!" sabi ng lalaki na tila gigil na gigil habang umuusbong ang kanyang katawan sa ibabaw ng dagat. "Libro!" sabi niya at lumabas ulit ang libro na tinago niya kanina. "TINATAWAG KO SI UMAKVHA! ANG HARING PANIKI MULA SA PINAKAMADILIM NA MUNDO!" sabi niya.

Nanginig ang katawan ni Pepe sa kilabot ng boses na narinig. Agad niyang binuhat si John at umatras papalapit sa gubat at inabangan ang mangyayari.

Gumalaw ang mga pahina ng libro at makalipas ang isang segundo ay tumigil ang paglipat ng mga pahina. Ilang linya ng madilim na sinag ang lumabas dito at mula sa pahina ay isang malaki at itim na kamay ang lumabas paitaas. Mahahaba ang mga kuko ng kamay at napapalibutan ito ng itim at kaunting kulay pula na balahibo. Kasunod ng mga kamay ay ang itim na ulo na may namumulang mga mata; mahabang tenga at malalaking pangil naman ang lumabas. Pagkatapos ay sumunod na ang katawan nito at paa.

"Anglaki!" sabi ni Pepe.

Lumipad ang malaking paniki paitaas at tumingin kay Pepe. "Sugod!" sabi ng lalaki. Sumigaw ang malaking paniki at bumulusok pababa papunta kay Pepe.

"O Diyos ko!" sambit ni Pepe.

***********************************************************************************************

Ito na tayo muli. Tapos na ang isang bagong chapter. Salamat sa inyong suporta at comments! Please vote! Kung gusto po ninyo ay ishare ninyo ang storyang ito sa mga kaibigan ninyo. Hanggang sa susunod na kabanata!

Aswang Hunter | New BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon