"Ang laking Aswang! Parang mas matangkad pa siya kay Rufus!" isip ni Pepe habang kaharap ang kalaban. Gumalaw ang palad ni Calvin papunta sa leeg niya, "Nakikita ko ang galaw mo," isip ni Pepe sabay atras ng isang hakbang.
Hangin lamang ang nahawakan ni Calvin at natigilan ito ng sandali. "Alam kaya niya?" isip ni Pepe. Gumalaw naman ngayon ang kaliwang kamay ni Calvin upang hawakan muli si Pepe subalit nailagan uli ito. Agad itong sinundan ni Calvin ng isang suntok diretso sa mukha subalit nasalag ito ni Pepe gamit ang kanyang dalawang braso. Umusok ang dignum na uniforme ni Pepe sa bilis at lakas ng suntok. Kumaladkad siya paatras ng ilang metro at kumayod ang boots niya sa lupa.
Sinilip ni Pepe si Calvin mula sa likod ng kanyang braso at dahan dahan ito ibinaba, "Effective ang secret weapon namin. Hindi niya magawa sa akin yung ginawa niya kina Elena. Kaya kong makipagsabayan!" isip niya.
Parang nagningas ang mga mata ni Pepe, "Pero hindi pa tapos ang eksperimento," bulong niya. Hinawakan niya ng mahigpit ang kanyang sibat at inihagis ito sa kanyang kaharap. Hindi kumilos si Calvin at hinintay makalapit ang sibat ng sobrang lapit sa kanyang mukha bago ito sinalo.
Subalit biglang nawala ang sibat bago pa ito mahawakan ni Calvin. Sumulpot si Pepe sa kanan ng kalaban. Nakatusok sa lupa ang sibat niya at ginamit niya ito upang maiangat ang sarili upang makapagpakawala ng isang malakas na sipa papunta sa mukha ng aswang. Humarang ang kaliwang kamao ni Calvin at sa pagtama ng boots ni Pepe dito ay natangay ng pwersa nito ang buhok ng aswang.
Sisipa muli si Pepe subalit mabilis na inikot ni Calvin ang kanyang kamao upang mahawakan ang binti ni Pepe. Nagsalubong ang kanyang kilay nang maramdaman ang malakas na hila ni Calvin sa kanyang binti. Sinipa niya ng kanyang isang paa ang kanyang sibat na nakatusok pa din sa lupa upang makabalanse subalit nanaig ang lakas ng hila ni Calvin.
Napakagaan ni Pepe para sa kanyang kalaban. Para siyang isang damit na nakasampay na walang kahirap-hirap hinila ni Calvin mula sa pagkakasipit sa sampayan.
Itinaas ni Pepe ang kanyang paa upang ihampas ito pababa sa ulo ni Calvin subalit inikot siya nito pakaliwa at wala siyang tinamaan. Nagulat na lamang si Pepe ng makita ang kamao ni Calvin na sasalubong sa kanyang mukha. Agad niyang hinarang ang kanyang dalawang braso at sinalo nito ang suntok. Napanganga si Pepe sa sakit ng tama at sunod sunod pang pinakawalan ni Calvin ang kanyang kamao sa braso ni Pepe.
"Malakas pa rin siya. Tumatagos sa Hardening ko ang mga suntok. Pero manageable naman," isip ni Pepe habang nagtatago sa likod ng kanyang braso.
Sa muling paglapat ng kamao ni Calvin ay agad itinaas ni Pepe ang kanyang kaliwang palad at tinawag ang kanyang sibat. Agad niya itong sinaksak sa braso na may hawak sa kanyang binti, "Madali mo maiilagan ito kung sa ulo mo, kaya dito na lang!" Isip niya. Isang ilaw na parang kidlat ang mabilis na lumampas kay Pepe. Natigilan siya nang makita niya itong dumiretso kay Calvin. Napailag at napaatras ang aswang. Kasabay nito ay gumaan ang pakiramdam ni Pepe, "Nabitawan niya ako!" isip niya.
Sakay ng isang puti na kabayo ay si Elena na may hawak na umiilaw na sibat. "Sectus yun! At saan galing ang kabayo na puti na ito?" isip ni Pepe. Sa likod ni Elena ay lumilipad si Karl gamit ang kanyang Demon Wings, at si Hinaryo at Pia naman ay nakasakay sa kanilang mga ibon.
Ilang ilaw pa ang kumislap mula sa hawak ni Elena at sumugod ito papunta kay Calvin. Madali itong nailagan ni Calvin subalit sapat na ito para magkaroon ng pagkakataon si Pepe na umatake. Sumugod siya at isinaksak ang kanyang sibat sa dibdib ni Calvin subalit wala pa rin siyang tinamaan. Gumanti ng suntok ang aswang papunta sa mukha ni Pepe pero nailagan ito. Nagsimula ang palitan nang atake ng dalawa pero si Pepe ang dehado sa laban. Lahat ng atake niya ay naiilagan subalit hindi niya mailagan ang ilan sa mga atake ni Calvin.
BINABASA MO ANG
Aswang Hunter | New Blood
Fantasi"Anak, hanapin mo ang Manunugis at ibigay ito," inabot ng matandang lalaki ang isang maliit na lukbutan kay Pepe, "Sa kanya mo lamang ito pwede ibigay. Itago mo ito at huwag ilalayo sa iyong sarili," sabi ng matanda. Mayroong sikretong labanan na na...