Chapter 68 - Darkness

1.2K 82 8
                                    

Bumaon ang kutsilyong itim sa puso ni Elena. 

At mula sa pagkasaksak ng kutsilyo ay tumagas papunta sa langit ang ilang liwanag. Tinamaan nito ang mata ni Calvin na kitang kita ang pananabik. Nakangiti ito at hindi gumagalaw.

Parang naubos ang hangin sa baga ni Pepe. Natulala siya. Dahan dahan ay pinasok ang diwa niya ng mga boses na umaawit na lalo pang lumakas at nagbigay lagim sa nangyayari. Sa paligid ng hari mistulang nakaluhod ang mga nilalang na nakaitim. Ang heneral na si Marcus ay biglang nawala sa entablado at sumulpot sa tabi ng kanyang tinyente sa ibaba habang ang lahat ay nakaluhod. Lumuhod din ito at tumingin sa entablado.

Maputing ilaw ang nagsimulang gumapang mula sa katawan ni Elena papunta sa kutsilyo at paitaas. Para itong manipis na usok, matingkad at buhay na buhay. Gumapang ito sa kamay ni Calvin, paitaas pa sa kanyang braso at papunta sa kanyang dibdib. Kumabog and dibdib ni Calvin na parang bang hinampas ng malaking maso ang kanyang puso nang pumasok sa dibdib niya ang ilaw. Nanlaki ang kanyang mga mata at tila nakaramdam siya ng kakaibang hirap na hindi maipaliwang ng mga bahagyang kibot ng kanyang katawan.

Si Elena naman ay nanatiling walang kilos, mistulang nasa ilalim ng mahiwagang mahika at walang alam sa ginagawa sa kanya.

"A-anong nangyayari?" isip ni Pepe.

"Kinukuha niya ang espiritwal na lakas ng aming prinsesa. Pinapadaloy niya ito sa kanyang puso para ikalat ng kanyang dugo sa kanyang buong katawan. Sa mga mortal, ang dugo ang tatago ng espiritwal na enerhiya Pepe," sagot ni Lamira.

"Bakit?" isip ni Pepe.

"Paglikha, kailangan ng malakas na enerhiyang espiritual para magawa ito. Lilikhain niya ang kanilang ninuno mula sa natirang espiritwal na enerhiya nito galing sa kanyang naaagnas na katawan."

Tumawa ng malakas si Calvin, "GIVE IT TO ME!"

Ilang espiritwal na enerhiya ang naramdaman ni Pepe sa kanyang likuran. Naglakad ito papalapit sa unahan at lumuhod kasama ang iba pang heneral.

"Kumpleto na sila. Ang tatlong heneral at ang kanilang mga tinyente. At meron pa," nanlaki ang mga mata ni Pepe sa nakitang lalaki ng lumampas sa kaniya at lumuhod sa likod ng mga heneral. 

"Pulis?"

Isang itong matangkad na lalaki at naka-asul na uniporme, "3-star general" sambit ni Pepe habang nakatingin sa balikat nito. Kasunod nito ay isang nakabarong ang naglakad at lumuhod sa tabi ng pulis. Itong lalaking ito ay namumukhaan ni Pepe, "Saan ko ba ito nakita?" isip niya.

Nagsimulang mabawasan ang tingkad ng liwanag mula kay Elena at nagsimula ulit kumaba ang dibdib ni Pepe. Gusto niyang sumigaw at magpumiglas subalit hindi sumusunod ang kanyang katawan. Natigil lamang ang kaniyang pagpanic ng makaramdam pa ng isang nilalang na lumalapit. Mabagal ang paglalakad nito, isang pamilyar na lakad na naramdaman na niya noon.

Lumingon si Liru, ang tinyente ni Riva, at kitang kita sa mata niya ang hindi pagkatuwa sa nakita. Lumampas kay Pepe ang nilalang at nakilala agad niya ito sa damit pa lamang, "Ang Prinsipe!" Ang poging prinsepe ng mga aswang na naka boots at medyo fit na slacks at long sleeves na nakabukas ang ilang butones.

Dire-diretso sa unahan ang prinsipe. Tumigil ito sa paglalakad sa tapat ni Marcus, nakatayo ito at nakatingin sa entablado. Kita ni Pepe ang ngiti sa gilid ng mukha ng prinsipe. Tumingin ang prinsipe sa kanyang kaliwa kung saan nakaluhod si Marcus. Ngumiti ang prinsipe na tila nang-aasar. Hindi siya pinansin ni Marcus at halatang halata ang tensyon sa kanilang dalawa. Pagkatapos tumingin kay Marcus ay tinignan ng prinsipe ang iba pang nakaluhod. Walang ibang gumalaw, lahat sila ay hindi pinansin ang prinsipe.  Pagkatapos nito ay kay Pepe naman siya tumingin.

"Anong tinitingin-tingin mo diyan?" isip ni Pepe.

Tumingin ulit ang prinsipe sa entablado at matapos ang ilang minuto ay tumalikod na ito at naglakad. "We meet again Joseph," sabi niya bago lumampas kay Pepe. Agad lumingon ang pulis at tinignan nito si Pepe, minumukhaan siya nito. "Nakita ko na itong Pulis na ito sa TV! Sa isang interview!" isip ni Pepe habang nanlilisik ang mga mata. "Salot sa lipunan!" isip niya.

Ilan pang tao ang naglakad at lumuhod papunta sa harapan, "Nasa 50 na itong mga ito! Mula sa iba't ibang lugar at tila may mga maimpluwensiyang tao? Ganito kalakas sila? Buti na lang hindi ako nagsumbong sa mga pulis o kahit kanino!" isip ni Pepe.

"Ang mga tao ay madali maakit, sa tukso ng kapangyarihan, yaman, kagandahan," sabi ni Lamira. Nanlumo ang mukha ni Pepe. Totoo ang sinabi ni Lamira at nasa harapan niya ngayon ang pruweba.

Nagsimula nang lumiwanag ang katawan ni Calvin, ninakaw mula sa katawan ni Elena na nagsimula nang magdilim.  Pumanhik sa katawan ni Pepe ang pagkabahala at takot.

"Lamira, ano nang gagawin natin?"

Walang sumagot sa kanya.

"LAMIRA! Si Elena!"

Nawala na ang kinang sa katawan ni Elena at ang natira na lamang ay ang isang mortal na katawan walang kilos at walang malay. Dahan dahan tumulo ang luha ni Pepe. Parang ayaw na niyang huminga at kumilos. Wala na siyang enerhiya para magpumiglas pa at wala na rin siyang pag-asa.

Binunot ni Calvin ang kutsilyo at tumayo. Inapakan niya ang katawan ni Elena na para bang basahan na walang nang halaga matapos gamitin, "THIS IS NOT ENOUGH!" sigaw niya habang nagsisimulang nagkaroon ng liwanag na pumipitik sa paligid niya. Liwanag na parang kidlat na mas mabilis sa kisapmata. Sumuray ang kanyang katawan na parang nalasing. Ilang beses pa niyang naapakan ang katawan ni Elena, "MORE!" sigaw uli niya. 

Nabahala ang mga nakaluhod at hindi alam ang gagawin. Nabulungan ang ilan sa kanila na hindi naman pinansin ng hari at mga heneral. Biglang naglaho si Calvin at entablado at sumulpot sa tabi ni Pepe.

"Ako na ba? Ang susunod na alay?"

"MORE! I NEED MORE!"

Itutuloy...

**********************************************************************************************************************************************************************************************


Aswang Hunter | New BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon