Chapter 81 - Sectus

1.1K 68 3
                                    


Patuloy ang takbo ni Pepe at sa bawat hakbang niya ay lumiliwanag ang pasilyo.

"Anguli!"

Nanlaki ang mata ni Pepe at napatingin siya sa boses sa likod, "Nasa kabila siya ng bola? P-paano?". Habang nag-iisip si Pepe ay nahagip ng kanyang mata ang silweta ni Linara sa kanyang kaliwa. Nilingon niya si Linara at tinuro agad nito ang kaliwang sulok, "Anguli!" sabi niya. "Ahh yung sulok! Dahil parisukat ang sulok ng pasilyo ay may space sa pagitan nito at ng bola," isip ni Pepe. Inunahan ni Linara si Pepe at nagpadulas ito papunta sa gilid ng sahig. Siniksik niya ang sarili sa sulok habang si Pepe at ang bola at patuloy pa din ang abante.

Lumampas si Pepe at ang bola kay Linara, "Okay, ako naman." isip ni Pepe. Nagpadulas si Pepe at siniksik ang kanyang sarili sa kanan na sulok. Paghiga niya ay mas naramdamam niya ang mabigat na gulong na bola kaya't minabuti na lamang niya na pumikit.

"Whew!" 

Isang segundo lamang ang inabot at nakalampas na ang bola kay Pepe. Hindi man lamang ito dumikit sa kanyang katawan at patuloy na gumulong hanggang sa mawala sa kanyang paningin. Bumangon siya at hinabol si Linara na nauna ng naglakad.

"Gracias!" sabi ni Pepe nang maabutan si Linara. Lumingon ito sa kanya at pagkatapos ay dinutdot ang ulo ni Pepe ng dalawang beses. "Oo na! Hindi ako nag-iisip. Ikaw ba naman ang biglang sugudin ng malaking bola sa isang hallway. Palibhasa matanda ka na kaya marami ka nang experience."  isip ni Pepe.

Nagpatuloy ng lakad ang dalawa sa pasilyo. Si Pepe nasa kaliwa ni Linara at pilit na sinasabayan ang mabilis ng lakad ng kasama. "Ang ganda naman ng armor na ito," isip ng binata habang hindi maiwasan na tignan ang kumikinang na baluti ni Linara. Hindi lamang ang suot ni Linara ang kumikinang pati ang balat nito ay parang malayong bituin na kumikislap at pumupukaw sa mga mata ni Pepe. Lalong pang gumanda ang kislap ng balat at suot ni Linara nang magsimula na ulit dumilim ang kanilang paligid at dahil dito ay bahagyang napalapit si Pepe kay Linara.

Maya maya ay--"Incumbo," bulong ni Linara sabay tigil sa paglalakad. Hindi agad naprosesso ni Pepe ang ginawa ni Linara kaya't napahakbang pa ito ng isang beses bago tumigil. Tumunog ang ilang bato at bakal at isang matulis na bagay ang biglang tumusok sa kaliwang paa ni Pepe.

"Aaahh!" sabi ng binata sabay atras. Binuhat niya ang kanyang nasugatan na paa at umupo. "Tam neglegens es!" pagalit na sabi ni Linara. Lumapit ito at tinignan ang paa ni Pepe. Dahil sa ilaw sa baluti ni Linara ay nakita nila ang butas sa ilalim ng boots at ang dugo na dumadaloy dito.

"Malalim pero okay lang ako," isip ni Pepe habang patuloy ang tingin ni Linara sa dugo na para bang ngayon lamang ito nakakita. "Estoy bien. Vamanos," sabi ni Pepe."Ahh! Vamanos, narinig ko ito sa isang cartoons. Ano nga ba yun? Dura? Si Dura yung bata?" isip niya.

Hinila ni Pepe sa kamay ni Linara ang kanyang paa subalit hinila ito pabalik ng kasama. Nanlisik ang mata ni Linara kay Pepe, "Manere!" sabi niya. Isang kumikinang na espada ang biglang lumabas sa kanang kamay ni Linara at tinapat niya ito sa pasilyo. Hindi na napansin ni Pepe ang ganda ng hugis at disenyo ng espada dahil muntik na siyang mahilo nang makita ang mga matutulis na bagay na nakatanim sa sahig. Parang itong palay na maayos ang pagkakasunod-sunod at pantay na isang pulgada ang pagitan ng bawat isa. Sinakop nito ang isang hilera ng tiles ng sahig at halos isang dangkal ang haba ng bawat isang tulis, "Aray," isip ni Pepe. Tinignan niya ang ibabaw ng kanyang boots at may butas at dugo din pala ito.

Kinapa ni Pepe ang kanyang belt bag, "U-sinturon!". Napatingin si Linara sa kanya, mataray nanaman ang mukha. "Naku! Pati U-belt ko eh hindi ko matawag. May First-Aid Kit pa naman ako dito. Pati yung langis ni nanay para sa sugat nandito din."  Tinanggal ni Linara ang boots sa kaliwang paa ni Pepe at tumambad sa kanila ang malaking sugat. Nakaramdam ng hilo si Pepe. Pinikit niya ang kanyang mata at kinapa ang kanyang mga bulsa.

Aswang Hunter | New BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon