- Raven -
Pagkatapos naming makita ang biktima ng Blood Rebels sa Prison tree, nagsitakbuhan kami. Hindi na namin binalak na bumalik pa dahil baka madamay pa kami, kaya dumiretso na lang kami sa mga classroom kung saan ay sarado at naka-lock ngayon ang pintuan. Kahit sino naman ata ang makakakita sa ganong pangyayari ay mararamdaman din ang pakiramdam namin ngayon.
Pagkapasok namin, wala pa ang mga kaklasi namin. Kami pa lang ang narito pero nakabantay pa rin sina Icah sa pintuan para kung sakaling may dumating ay mapagbuksan nila. Kung wala mang dumating ay paniguradong nasa Silent Alliance room ang mga ito. Umupo na kami para magpahinga dahil hiningal kami sa pagtakbo. Nabigla kasi kami sa mga honey bee na 'yon na hindi namin inakalang nagtatago sa malaking puno.
Pagkaupo ko, napatingin ako sa paligid habang hinihingal at pinagpapawisan, "May problema ba, Raven?" napansin ni Icah na hindi ako mapakali.
Tumingin siya sa tabi ko kaya alam ko na, na pareho kami ng nasa isip ngayon. Inilibot niya rin ang tingin sa paligid, "Hmm, nasaan si Syden?" tanong niya sa dalawa na napatingin na rin sa kabuuan ng classroom.
Lahat kami ay nagsitayuan at aligagang paikut-ikot ng tingin, "Hindi ba natin siya kasamang tumatakbo kanina?" pagtataka ni Maureen na ngayon ay may subong lollipop sa bibig. Paano niya nagagawang kumain ng ganyan sa ganitong sitwasyon?
Nagkatinginan kaming lahat, "Ako ang nasa pinaka-likod ninyo kanina at parang wala nga siya, ang akala ko naman ay natakpan lang siya ni Raven dahil mas matangkad ito kay Sy kaya hindi ko makita," sabi ni Hadlee. Ibig sabihin ba ay naiwan namin ang kakambal ko?
"Saan siya napunta?" tanong ko na mabilisang lumapit sa bintana at tumingin sa labas. Bumibilis na rin ang kabog ng aking dibdib. Hindi pwedeng hindi naman kasama si Syden, delikado sa labas.
"Huwag kayong mag-alala, babalik din siya," tinignan ko siya dahil doon at muling ibinalik ang tingin sa labas.
"Baka naman nag-restroom lang siya?" -Maureen.
"Oo, siguro nga. Hintayin na lang natin siya," pagtango ni Icah.
"Paano kung hindi?" hinarap ko sila, "Paano kung nakuha na siya ng mga Blood Rebels at siya naman ang itinalibsa puno?" hindi ko maiwasang isipin ang lahat ng posibilidad lalo na't ramdam ko na mainit ang dugo nila kay Syden.
"Hindi 'yan, tiwala lang Raven. Kung hindi siya nag-restroom, malamang ay nagtatago rin si Syden sa ibang classroom ngayon, okay?" mahinahong saad ni Icah.
BINABASA MO ANG
Curse Academy: Prison School
HorrorCurse Academy Book 1 "Caution: Brace for intense and brutal scenes ahead. Not recommended for the faint-hearted."