"Pamahiin"
Di ako naniniwala sa mga ganyan dahil iba ang relihiyon ko kumpara sa mga katoliko. Yan ang laging nasa isip ko pero di ko inakalang mangyayari't mararanasan ko.
Isang linggo ng absent yung kaklse ko ng malaman namin na namatay pala yung tatay niya, sinabi sa amin nung professor namin kaya napag pasyahan ng buong klase na makilamay at mag bigay ng abuloy para sa kaunting tulong. Pinatapos na muna sa amin ng prof namin yung mga project namin bago mag set ng date at oras ng pagpunta duon, inilagay na rin namin sa sobre yung mga perang nalikom namin. Kahit sa ibang klase nakisuyo kami para sa abuloy.
Sabado, 7PM. Usupan ng buong klase, magkita kita daw kami sa tapat ng simbahan at malapit na lang yun sa bahay ng kaklase ko. Ng makarating kami duon, naabutan namin si Kim (yung kaklse kong namatayan), nakaupo siya sa tabi ng kabaong ng tatay niya at iyak ng iyak. Agad siyang nilapitan ng prof namin at kinausap, bigla itong humagulgol sa iyak. Pinuntahan na namin siya para patahanin, sobrang namumugto yung mga mata niya sa kakaiyak at halos di na makapag salita kaya di na muna namin siya tinanong ng kung anu-ano, habang nakaupo kami eh inabutan kami ng pagkain ng nanay niya. Mga kaklase ko parang patay gutom kumain, syempre dedma lang ako kasi nakaka dalawang plato na rin ako. Habang kumakain ako, napatingin ako sa kandila na nakatirik sa tabi ng kabaong, nakakapagtaka lang, kasi magalaw ito at parang may umiihip samantalang wala naman kahangin hangin nung oras na yun. Di ko na lang pinansin dahil baka may electricfan lang na nakabukas somewhere. Tapos na ako kumain at ilalagay ko na yung plato na ginamit ko sa lababo, madadaanan ko yung kabaong at ayoko makita yung tatay niya duon kaya dirediretso akong naglakad, paglabas ko ng kusina ay di ko naiwasang tumingin sa kabaong ng pahapyaw pero napatingin uli ako dahil nakita kong wala itong laman. Natakot ako at napaatras, huminga ako ng malalim. "Sorry po sir kung ang takaw namin, gutom lang po talaga kami." Napasabi ko sa sarili ko. Nag ipon ako ng lakas ng loob para maglakad at lumabas, madadaanan ko na naman yung kabong pero sa pagkakataong yun, napatingin na talaga ako ng malapitan. Napahinto ako saglit at nakaramdam ng sobrang lungkot, naalis lang ako sa kinatatayuan ko ng kalabitin ako ng kaklase ko at magyayang umuwe. "Huy! Tara na uwe na tayo, anong oras na." Bulong nung kaklase ko. Sumang ayon ako at nagpaalam na kami kay kim at sa mama niya para umuwi. Medyo malayo na kami sa bahay nila kim ng magyaya yung isa kong kaklase na magpagpag kami sa may ibang lugar bago umuwi sa kanya kanyang bahay, pero di ako sumama. Inaantok at pagod na ang dahilan ko kaya dumiretso na ako sa bahay, di na rin nila ako pinilit na sumama dahil alam naman nilang di ako naniniwala sa mga ganun.
Pagdating ko sa bahay, naka lock yung pinto. Ako pa lang pala ang tao, wala pa yung dalawa kong kapatid dahil nasa galaan pa at mama ko na nasa trabaho pa. Kinuha ko yung susi sa bag ko at binuksan yung pinto, agad ako dumiretso sa kwarto para humiga at magpahinga. Kita mo yung kabuuan ng bahay dahil wala itong kisame. Nakatihaya ako at saglit na ipinikit ang mga mata, pagdilat ko ay may napansin ako sa kisame namin. Diretso ang tingin ko sa kisame pero yung nakikita ko ay nahahagip ng paningin ko sa gilid. Ang hirap ipaliwanag pero pag ikaw nakatingin ka sa isang direksyon nakikita mo pa rin yung nasa paligid mo, ganun yung nangyari sakin. May nakikita ako, oo. Hindi man siya sa harapan ko mismo pero nasa gilid siya, ang mas kinatakot ko pa ay yung nakikita ko sa gilid ko ay tao, nakahiga, nakalapat yung likod niya sa kisame. Ilang segundo pa ang lumipas ay unti unting nagiging malinaw yung itsura niya, nangingilid na yung luha ko at di ko magawang sumigaw o kahit maigalaw buong katawan ko. Naririnig ko na yung tibok ng puso ko sa sobrang kaba at halos gusto ko ng nagwala ng kitang kita ko na ang itsura nung taong yun, siya yung tatay ni kim. Kung anong itsura niya sa kabaong ay siya din ganun ang itsura niya sa kisame. "Ayoko na!" Sigaw ng isip ko. Pumikit ako at nagdasal ng taimtim, naiiyak na ako ng walang boses ng biglang narinig ko may bumakas ng pinto sa sala at sinigaw ang pangalan ko. Si mama nakauwi na din, napabuntong hininga ako at saka idinilat ng dahan dahan mga mata ko. Wala na siya, wala na yung tatay ni kim. Agad akong lumabas para puntahan si mama sa sala. Nagtaka si mama at tinanong kung bakit ako namumutla at pawis na pawis. Sabi ko na lang kasi pagod ako. Nung gabing yun tumabi ako sa mama ko sa sobrang takot. Simula nuon lahat ng pamahiin sinusunod ko na, totoo man o hindi, ginagawa ko. Wala naman masama kung paniniwalaan.
BINABASA MO ANG
Katatakutan Stories Book Series
HorrorAng mga kwentong nakapaloob dito ay mula sa totoong karanasan ng bawat indibidwal na binahagi lamang ng mga aming masusugid na mambabasa sa aming Facebook Page. Hinihiling ko lamang ang malawak na pang unawa at respeto sa paniniwala ng bawat isa. H...