True story 43 : UP-part 3

3 0 0
                                    

"UP Sunken Garden (part 3)"
Nagtatrabaho ako dati sa Khas Food House, malapit sa simbahan (UP chapel), yung likuran namin ay swimming pool. Wala na ngayon itong lugar na ito, kasalukuyang under renovation. May itatayong bagong instructure, gagawin atang dormitory. Sa pagkakatanda ko, nangyari ito ng mga taong 2009. Nagkaroon ng palitan ng schedule kaya ang pasok ko ay naging alas tres ng hapon hanggang alas dose, unang araw ng bagong schedule ko nuon, parang normal na araw, pero di ko akalaing mararanasan ko ang nakakatakot na pangyayari.
Lumipas ang buong araw ng normal, mag uuwian na kami pero naalala ko na wala ng UP ikot dahil hanggang 11PM lang ito ng gabi nagbabyahe. Sa ocampo street pa ang bahay ko lagpas pa ng UP baranggay hall, kaya malayo pa ang lalakarin ko. Nag ipon ako ng lakas ng loob at sabay hinga ng malalim. Kinakabahan ako dahil baka may makasalubong akong holdaper, adik, or what so ever, kung kaya't halo-halo na yung emosyong nararamdaman ko. "Ate beth? Okay ka lang ba??" Tanong ng katrabaho ko, dahil nakita niya akong nakatulala. "Ha?? Ahh.. di ko alam. Kung anu-ano lang pumapasok sa isip ko kasi wala ng byahe, wala akong kasabay umuwi." Samahan ka namin ng boyfriend ko te, kahit hanggang sunken lang. " sagot ng katrabaho ako. Pumayag ako, para kahit papaano eh mabawasan ng kalahati ang lalakarin ko pauwi ng mag isa.
Nagsimula na kaming maglakad kasabay ng kwentuhan at tawanan, di namin namalayan na nakarating na kami sa sunken. "Te beth, sige dito na lang kami.", Naglakad na ako palayo sakanila, pero tinitignan ko pa rin sila pabalik. "Sige lang te beth, dito muna kami! Tignan ka namin!" Sigaw nila habang naglalakad ako palayo. Medyo ramdam ko na ang kaba lalo't ako na lang mag isa, lumalakas ang kabog ng dibdib ko habang palayo ako at di ko na sila matanaw. Dire-diretso lang ako sa paglalakad ng may makita akong maliit na sanga na puno, tamang tama lang na pang hampas sa masamang loob, agad ko ito dinampot at naglakad ulit. Malapit na ako makalagpas ng UP oblation ng makarinig ako ng may nagdadasal, napatingin ako sa likod ko at kita kong ang daming tao, may hawak silang mga kandila, yung mga babae ay nakabelo pa. Nagdadasal sila habang naglalakad. "Anong araw ba ngayon? Saka hating gabi na, nagpu-prusisyon pa sila." Sabi ko sa isip ko. Dahil sa mabagal silang umusad, nagawa ko silang titigan habang naglalakad. Lahat sila nakayuko ni halos di na kita mga mukha nila, pansin ko din sobrang makaluma nuong mga damit na suot nila. Di ko na lang initindi at binilisan ko na lang ang lakad ko dahil alam kong may mga kasabay na ako. Medyo nawala na din ang kaba ko kahit papaano. Nakatawid na ako sa kabilang kalsada at ang direksyon ko ay sa daan papuntang UP village, tinanaw ko uli ang mga nagpuprusisyon at papunta rin sila sa direksyon ko. Huminto muna ako saglit para hintayin sila ng may kasabay ako. Habang papalapit sila ay parang lumalabo rin sila sa paningin ko, kinuskos ko ang mga mata ko dahil baka inaantok lang ako. Pero laking gulat ko ng bigla silang nawala ng parang bula. Humangin ng sobrang lamig, kasabay ng pagtaas ng mga balahibo ko sa batok. Kinikilabutan na ako ng husto kaya sa takot ko ay napatakbo ako. Naririnig ko sila, may mga boses akong naririnig pero di ko maintindihan yung sinasabi, palakas ng palakas na para na akong mabibingi. Naiiyak na ako sa sobrang takot, pero sige pa rin ako sa pagtakbo. Di ko namalayan na nakarating na pala ako sa tapat ng tawiran kung saan malapit sa amin. Nawala na yung mga naririnig ko. Napahagulgol ako sa sobrang takot na naranasan ko, para akong baliw sa daan at pinagtitinginan ako ng mga taong nakakasalubong ko. Nakauwi ako ng maayos at kinuwento ko saking ina ang nangyari, simula nuon sinusundo na ako ng kapatid kong lalaki dahil may motor ito. Ilang buwan lang ang lumipas at nagpalipat na ako ng schedule na pang umaga. Ayoko na uli mag pang gabi dahil sa susunod ay iba na ang makita ko.

Katatakutan Stories Book SeriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon