PROLOGUE

71.8K 1.7K 272
                                    

PAUNANG SALITA

7107 isla, 100 milyong katao, at walang hanggang bilang ng misteryo.

Yan ang mga bilang na laging pumapasok sa isipan ko kapag naaalala ko ang mga ekspedisyong aking ginawa sa karangalan ng pagaaral ng ating kasaysayan. Sa mahigit tatlong dekada ko sa aking propesyon, halos nalibot ko na kasuluksulukan ng ating bayan pati na rin ang ibayong dagat mapunan lang ang pagnanasa ng aking mapanaliksik na isipan.

Gutom ako para sa mga kasagutan sa di maipaliwanag na hiwaga ng ating kultura.

Bata pa ako ay napupukaw na ang damdamin ko kapag pinagaaralan ang mga kamangha-manghang misteryo ng ibang bansa, totoo man o hindi. Paano nabuo ang Great Wall of China na kita mula sa kalawakan at hanggang ngayon matibay pa ring nakatayo? Totoo bang may aliens na tumulong sa patayo ng Piramids of Egypt? Totoo ba ang Mayan preditions? May katotohanan ba ang mga kwento tungkol sa ginintuang bayan ng El Dorado? Nasaan ang lumubog na bayan ng Atlantis? Ano ang Bermuda Triangle at bakit hanggang ngayon humahaba parin ang bilang ng nawawala na napapad sa bahagi ng karagatan na iyon?

Ilan lamang yang mga katanungang kumikiliti sa aking isipan hanggang ngayon.

Ngunit sa lahat ng mga katanungan ko, may isang pinaka mabigat sa lahat na siyang nagtulak sakin para pasukin ang larangan ko ngayon.

Ano ang mga misteryo ng ating bayan?

Pinasok ko ang mundo ng arkiyolohiya, inakyat ang mga kabundukan, ginalugad ang mga kagubatan, tinawid ang mga ilog, gumawa ng hindi mabilang na hukay, makakuha lamang ng kahit konting kasagutan sa katanungan ko. Nakapaguwi ako ng mahahalagang batong may ukit ng mga katagang babayin at alibata, buto ng mga ninuno natin, mga antigong kagamitang pandigma, intrumentong musikal, ginintuang kasuotan ng mga rajah't datu, mga rebulto ng anitong dating sinasamba ng ating lahi, mga lumang kasulatan at marami pang iba. Unti unti kong natatapalan ang ilan sa mga butas ng ating kasaysayan.

Di nagtagal nakilala ako sa aking sining. Ang mga relikong natagpuan ko ay makikita ngayon sa malalaking museo ng ating bansa sa ilalim ng pangalan ko. Nailathala ako sa mga libro't pahayagan. Nagkaroon ng mga panayam sa ibat ibang programa rito at sa ibang bansa. At nakapaguwi karangalan at pagkilala.

Sa tuwing inaalala ko ang mga taon sa piling ng aking sining, ng buhay kong puno ng pananaliksik at paglalakbay, alam kong naging masaya ako. Ngunit sa gitna ng aking pagreretiro, sa kabila ng lahat ng pagkilala, parangal at tagumpay, alam kong may kulang pa rin na hindi ko mapunan. Hindi ko pa rin matagpuan ang misteryong hinahanap ko. Yung misteryo, magpapanginig ng kalamnan ko sa pagkasabik at makakapagtayo ng aking balahibo. Yung makakakumpleto sa puwang ng pagkatao ko.

Hanggang sa matagpuan ko ang "Kwaderno".

Ang "Kwaderno", tulad ng pangalan nito, ay tulad ng isang normal kwaderno. May pabalat, mga pahina, mga nakasulat sa loob at kaparehas ng hugis at sukat. Pero roon natatapos ang pagkakahalintulad nila. Kung sa modernong kwaderno ang pabalat ay gawa sa karton o plastik, ang Kwaderno ay may makinis at manipis na antigong narra na may nakaukit na simbolo sa paligid nito bilang pabalat. Sa halip na pahinang papel ay mayroon ito koleksyon ng mga pinatuyong balat ng ibat ibang hayop, pinatuyong dahon at hinabing tela. At sa halip na modernong alpabeto ang ginamit sa pagsulat, puno ito ng pinaghalong baybayin at alibata. Ito na marahil ang natatanging bagay sa ating kasaysayan na may pinakamaraming bilang ng nakasulat gamit ang luma nating titik.

Ayon sa pananaliksik na aming isinagawa, ang mga ginamit na materyales sa Kwarderno ay may edad ng 400-500ng taon. Maging ang sulat ay hindi na matatagpuan sa matagal nang panahon, na labis lang na nakapagpagulo sa utak ng mga eksperto. Dahil kung ang materyales at sulat ay luma na, ang ginamit na tinta ay bago pa.

Yung tipong makikita mong tinta sa mga bagong ballpen na ginagamit ngayon. Isang katanungan ang nabuo. Papaanong lehitimong luma ang nakasulat ngunit ang tintang ginamit bago pa lang? Paano nangyari yun?

Bukod doon may iba pang katanungang naglalaro sa aking isipan. Una ay ang pinagmulan nito. Kung iisipin mo ang mga ganitong reliko ay matatagpuan lamang sa gitna ng kagubatan, o sa isang kweba, o nabaon sa ilalim ng lupa sa paglipas ng panahon, ngunit iba ang kwardernong ito.

Natagpuan ko ito sa ilalim ng isang vending machine sa lungsod ng quezon ng minsang mahulugan ako ng barya. Kung sino naglagay doon, kung paano, at bakit, marahil di ko na matutuklasan pa. Iniisip ko na lamang na tadhana ang nagdala sakin sa misteryong matagal ko nang hinahanap.

Pangalawa ay ang mismong mensaheng nakalakip sa Kwaderno.

Ginamit ko na ang lahat ng aking koneksyon sa larangang kinabibilangan ko, para lamang matulasan ang ibig sabihin ng mga nakasaad. Halos lahat na ng eksperto sa lumang panulat sa bawat sulok ng mundo ay inaral na ang kahulugan ngunit wala paring nagtagumpay. May nagsasabing koleksyon ng kwentong pambata ang nasaad, ang iba nama'y kautusan ng isang datu, o listahan ng mga kalakal nung panahon ng kalakalang galleon. Pero kung bakit bago ang tintang ginamit, wala paring makapagbigay ng paliwanag.

May nagsasabi rin na isa lamang itong napakalaki at planadong biro. Pero bakit? Hindi ako naniniwala. Walang dahilan para gumawa ang sinuman ng ganun. Sino ang magsusulat ng lumang at napakahabang mensahe sa isang antigong kwaderno para lamang itago sa ilalim ng vending machine? Walang gagawa noon. At higit sa lahat, hindi kayang paniwalaan ng puso ko na isa lamang biro ang misteryong hinanap ko nang kay tagal na panahon.

Hanggang sa panahong ito, wala pa ring makapagsabi kung ano ang nais iparating ng manunulat ng Kwaderno. Lahat ng eksperto ay sumuko na sa pagtuklas. Maliban sa isa. Maliban sa akin. Hindi pa rin ako sumusuko,

Kung lahat ng alam kong paraan sa pananaliksik ay nasubukan ko na, marahil dapat akong gumawa ng paraang di ko pa nakasanayan. Kung lahat ng eksperto sa aking larangan di nagtagumpay, marahil dapat akong lumapit sa mga taong iba ang paraan ng patingin sa mundo. Kaya lumalapit ako sa inyo.

Kalakip ng mensaheng ito ay ang replika ng mismong mensahe sa Kwaderno na masusing kinopya ng sarili kong kamay. Hindi man ito nakasulat gamit ang ating alpabeto kundi sa orihinal na babayin at alibatang ginamit, umaasa pa rin akong may kahit isa sa inyong may talento sa pagsasalin ang makakakita at makakaintindi nito. Kung mangyari man iyon, kontakin nyo lamang ako sa lalong madaling panahon.

Kung hindi man ninyo maintindihan ang mensahe, umaasa ako na kahit papaano, mapukaw nito ang puso ninyo sa pananaliksik ng misteryo ng ating bayan tulad ko noong bata pa ako.

Sana tulad ko, mahalin nyo rin ang ating kasaysayan at kasarinlan.

Sa pagreretiro ko sa aking karera, nalaman kong hindi rin pala ako nagretiro kundi ay nagsimula lang ako ng panibagong yugto ng aking paglalakbay para sa pagtuklas ang mga misteryong minahal ko. Gagawin ko ito hindi dahil sa ngalan ng sining ko kundi para sa sarili kong kaligayahan. Alam kong matutuklasan ko rin ang sagot sa misteryong ito. At sana, sa pag tagumpay ko, kasama ko kayo.

Isang magandang araw sa inyo, at MABUHAY!

Dr. Eleuterio P. Natural

Director of Archiological Society for National Treasures of Philippine History.

Day X of Month X of year 20XX

*Attached are some pictures of pages containing the replicated writings of the "Kwaderno".

To continue reading, click the link below.

(End of prologue)

Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon