"Tumingin ka sa paligid mo at sabihin mo sakin kung anong nakikita mo."
"........... Makalat? No offense uh."
Nasa opisina kami ni Lapu-lapu ni Makie. Ang lokasyon namin ay sa isang kwarto sa tuktok ng bundok. Sa kahilingan narin ng maestro, kami lang ang pinapasok nya. Si Tifa at Jazz at naiwan sa ibaba at dina pinasakay ng elevator. Oo may elevator sa Kanlungan, kala nyo uh.
Di naman nagreklamo si Tifa, siguro dahil maiinterview nya si Goyong at Pilandok. Naawa tuloy ako sa dalawa.
Ang kwarto ay halos pabilog lang, ang dingding ay natural na inukit sa dingding ng bundok. May mga lumang bandila ng Pilipinas na nakasabit sa itaas. Sa bandang likod may malaking kurtina na may malaking simbulo sa gitna. Isang malaking "K", sa puwang ng K sa kanan ay may tatlong bituin, sa kaliwang bahagi ay kalahating araw na paalon ang sinag.
Iyon siguro ang logo ng Kanlungan.
Sa paligid ay puno ng gamit na may pinsala. May mga putol na palaso't sibat, helmet pananggalang at pananggang may uka. Piraso ng espada, palakol, punyal atbp. Mga gula-gulanit na damit at mga ornamentong puno ng sira. Nakahanay lang sila sa sahig at mga aparador na parang organisadong kalat.
"Ok lang iho, tama ka naman sa isang banda. Sa mata ng iba, kalat lang ang mga ito. Mga sira-sirang kagamitan. Pero bawat isa sa mga ito ay may mga kwento at aral na naibabahagi sa atin."
Kumuha ang maestro ng isang helmet, binugahan at buong pagaarugang pinunasan ito. Kahit nakangiti'y banaag sa mata niya ang malalim na kalungkutan.
Napansin kong kahit sira-sira na ang mga kagamitan, kumikinang parin ito na parang bago. Halatang napangangalagaan at nalilinisan nang regular.
"Mga gamit ito ng ilan sa mga magaaral, kaibigan, kamaganak at kapanalig ko. Karamihan mga Napili. Bawat isa sa kanila ay lumaban nang buong tapang sa Organisasyon, o sumabak sa ilang misyon. At nasawi. Ang mga sira-sirang gamit nalang na ito ang nagsisilbing ala-ala nila. Mga mumunting palamuti na isinasabit ko sa puso ko araw-araw. Paalala kung bakit ba ako lumalaban." Paliwanag niya.
Sandaling nagkaroon ng katahimikan sa kwarto, bilang paggalang narin siguro sa mga namayapa. Maging si Makie nagusal ng maikling dasal.
Ang inisyal kong naisip naman ay iba. Kung lahat ng gamit ay patay na ang may-ari, ilang Napili na ang namatay? Masyadong marami, hindi mabilang.
Kung mamatay ba ako ididisplay din ang balisword? Iwinaksi ko sa isipan ang sapantahang iyon.
"Replika ba yun ng Spoliarium(1*)? Astig, meron ka nyan." Puna ko sa isang pintang nakabalandra lang sa isang sulok.
"Ahhh hindi, yan yung tunay, yung nasa Museong Pambasa ang replika. Si Juan mismo ang nagpinta nyan dito sa Kanlungan. Isa rin sya sa mga Napili dati." Sagot ni Maestro.
Osom. Nilapitan ko ito para tignan. Di araw-araw makakakita ka ng obra maestrang tunay.
"....Ano yung mga kulay brown na parang marka?"
"Ahhhh yan ba? Nung minsan kasi naginuman kami ng mga opisyales at dating Napili ng Kanlungan, wala kaming mahanap na mantel sa lamesa kaya yan nalang ang ginamit naming sapin. Hayaan mo na, di naman importanteng bagay yan. Halika maupo kayo."
Rakenrol, national treasure di importanteng bagay? Ilang milyones na artwork ginawang sapin? Wow lang talaga.
Naupo kami sa dalawang upuan sa harap ng mesa ni Maestro. Parang yung setup sa baranggay hall pag may nirereklamo ka.
"Di na ako magpapaliguy-ligoy pa Kwatro, matutulungan mo ba kami?" Pasok ni Makie.
"Gaya ng sabi ko alam ko na ang kwento nyo. Naghahanap kayo ng mapagtataguan mula sa organisasyon at mapagsasanayan gamitin ang bertud tama? Walang problema, isa talaga yan sa layunin ng Kanlungan." Giliw nyang sabi.

BINABASA MO ANG
Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)
FantasyAnong gagawin mo kapag natuklasan mong hindi ikaw, ikaw? Malabo di' ba? Okay lang. Kahit si Milo nalalabuan din. Mula sa normal at nakakabagot nyang buhay kung saan ang pinoproblema nya lamang ay ang buod nya sa Noli, ang gurong gawa sa biceps na...