"TIFAAAAAAA!"
Tangan-tanga si Mira dagli akong tumakbo tungo sa pinanggalingan ng sigaw ni Tifa.
Ngunit biglang lumagapak ang pinto pasara sa aking mukha kung kaya't di ako nakalabas. Ayaw pumihit ng hawakan kaya binangga ko ito ng aking braso. Pero masakit pala, nangilo ang ngipin ko kaya't sinipa ko ito. Nagpagod lang ako dahil hindi ito natinag. Pinausog ko ang bata at nilabas ang Balisword para sirain ang pintuan.
Pumosing ako na palang Voltez V pag gagamitin ang laser sword sabay marahas na hinawa ang pinto.
*Klangg!*
Tumalbog ang espada ko. Pakiramdam ko nayanig din ang aking mga buto sa pwersa nila. Pero mas nayanig ako sa katotohanang di ito tinablan ng Balisword.
Inulit ko uli, isa, dalawa, at marami pang beses, napupunit na ang balat sa aking palad ngunit di man lang ito natinag. Pero dala ng galit at pagaalala di ko makuhang tumigil.
"Sinasayang mo ang lang oras mo. Hindi mo masisira yan." Sabi ni Betty na nakatayo lang run sa pwesto. Tila naaaliw sa aking pinapakita.
"Anong ibig mong sabihin?" Gigil kong tanong sa kanya.
"Balahibo ng minokawa yan tama? Isa yang mapanganib na sandata na kayang humiwa ng halos kahit ano sa mundo. Sa mundo nyo. Sa kasamaang palad wala ka sa mundo nyo." Sabay tumawa sya.
"Ang buong bahay na ito ay isang hiwalay na mundong gawa namin ng asawa ko mula sa ilang espesyal na materyales. Natural lang na lagyan namin ng matibay na proteksyon ang kabahayan na ito laban sa mga tulad ninyo, lalo na sa mga pintuang gaya nyan."
"Pwes buksan mo ang pinto, kung hindi mapipilitan akong saktan ka!" Banta ko.
"Ganyan naman kayong mga lalake eh, lagi nyo nalang kaming sinasaktang mga babae." Sagot nya.
".....Ibang sakit yang tinutukoy mo. Saka wag mo kaming lahatin! At wag mong ibahin ang usapan! Buksan mo ang pinto kundi sasak-- papatayin kita!" Buong galit kong tugon.
"Yun ooh, sadista ka. I like it." Kinindatan nya ko, bigla akong natakot. Delikado sya. Sa maraming aspeto.
"Pero sasabihin ko sayo, hindi mo gugustuhing patayin ako o kahit ang asawa ko kung ayaw mong gumuho ang mundong ito na gawa namin at makulong kayo habambuhay haha."
Nanginginig nako sa galit, hindi ko alam ang gagawin ko, gusto ko sya sakalin, kung di lang nanlilimahid yung leeg nya.
Hinawakan ni Mirasol ang aking kamay at pinisil ito. Nakamulat ang kanyang mata na minsan lang nyang ginagawa. Sa tibay ng titig nya aakalain mong nakikita nya ako, kung di lang kulay puti ang itim ng kanyang mata, parang ulap na tumatakip sa liwanag ng buwan sa kalangitan.
"Wag kang magalala kuya, nandun naman si ate Makie, hindi nya papabayaan si ate Tifa." Mahinahon nyang sabi.
Hindi ko maipaliwanag pero kumalma ako dahil dun. Siguro kasi ngongo sya magsalita, nagpipigil kasi huminga sa ilong. Pero tama sya, wala akong dapat alalahanin lalo pat nandun si Makie. Pasalamat narin ako at magkasama si Jazz at Ever, sigurado akong hindi nya pababayaan ang bata.
Kailangan magisip ako ng paraan kung paano kami makakatakas sa dalawang tampalasang nilalang nang di sila pinapatay. Ang una kong kailangan gawin masira ang pintuan, o utakan ang batibat para buksan ito para sa amin.
Pero paano ko gagawin yun?
Muli kong hinampas ang pinto gamit ang Balisword pero di tulad nang dati, mahina na. Naghahanap kung may manipis na parte pero wala. Sa malapitang inspeksyon napakakinis nito, parang gawa sa marmol pero kulay itim.

BINABASA MO ANG
Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)
FantasyAnong gagawin mo kapag natuklasan mong hindi ikaw, ikaw? Malabo di' ba? Okay lang. Kahit si Milo nalalabuan din. Mula sa normal at nakakabagot nyang buhay kung saan ang pinoproblema nya lamang ay ang buod nya sa Noli, ang gurong gawa sa biceps na...