KABANATA LX - Bisitasyon

4.5K 260 68
                                    

Maraming salita akong pwedeng ilarawan kay Bon Jovi, karamihan dito di kaaya-aya, ngunit kung tungkol sa pakikipaglaban ang batayan ang masasabi ko lang,

Sing-bagsik siya ng kanyang itsura.

Hindi ko siya nilalait, medyo lang.

Ang tawagin siyang pinakamagaling na mandirigma ng Kanlungan ay di nalalayo sa katotohanan, kung isasantabi mo syempre ang mga maestro. Walang kaparis ang paghawak niya ng sibat na parang parte ng kanyang katawan. Ipinapatong nya ito sa kanyang balikat habang kaswal na naglalakad, kapag may na kalaban isang mabilis na wasiwas at lumilipad na ang kanilang ulo. Isang daluhong at tumatagos sa leeg ang patalim nito. Walang mintis at laging sa pagitan ng baluti tumatama ang kanyang atake.

Kapag marami ang lumulusob sa kanya binubulag niya ito ng ginintuan niyang kalasag at inuumpog, sya namang talsikan ng mga ito na sinusundan niya ng pagtusok ng kanyang sibat.

Lakas, bilis, abilidad, nasa kanya na ang lahat.

Maliban sa itsura.

Hula ko kung sibat ang ginit niya nung aming duelo, hindi na umabot nang ilang segundo ang labanan. Datapwat kung maglalaban kami ngayon gamit ang kanya-kanyang sandata, malamang manalo ako. Pero iyon sa kayang sirain ng balisw-err bagwis ang kayang armamento. Bukod dun ilalampaso nya akong tunay.

Wala ako halos ginawa sa ruta namin pabalik ng Tanggulan, ang panaka-nakang kalabang nakaligtas sa pagragasa ni Apolaki na lumusob samin ay buong galak niyang tinatapos. Tila matagal nilang hinintay ang pagkakataong namupil ng kalaban, na tingin ko'y totoo. Maging ang kasama kong wirwir ay muntikan niyang kitilin kung hindi ko siya napigilan. Bukod dun hindi kami ni minsan nagpalitan ng salita, magkakampi kami ngunit hindi ibig sabihing magkaibigan. Yun nga lang pansin kong sinasadya niyang patalsikin ang lamang-loob ng mga halimaw sa akin. Parang bata. Binelatan ko nga pagtalikod.

Isang makapigil hiningang tanawin ang sumalubong sa aming pagdating sa Tanggulan. Parang dinukot ang puso ko at ipinangkalang sa tangke, napisak ito sa bigat.

Daan-daang patay na katawan ang nakalapag sa damuhan.

Mga residente ng Kanlungan, mga kasama kong tagapagtanggol, ay natatakluban ng puting telang binulaklak ng kulay ng buhay na inagaw sa kanila. Ang ilan sa kanila'y namukhaan kong nakasama ko sa pakikipaglaban sa unang pagsagupa, ang ilan ay nakabatian ko noon sa Tanggulan. Hindi ko kilala ang karamihan sa kanila ngunit kaisa ko ang mga umiiyak na mahal sa buhay sa tabi ng kanilang bangkay. Para akong nawalan ng ulirat saking mga paa.

Ngunit ikinahihiya kong amining nakaramdam ako ng kaluwagang wala akong nakitang malapit na kaibigang namatay. Sa katunayan walang taong namatay. Dwende, tikbalang at iba pang elemento, pero tao, sugatan oo ngunit sa kabutihang palad ay buhay.

Gayunpaman, ang sernaryong iyon ay nagpaalala sa akin kung gaano karupok ang buhay, sa sa kaunting batak ay mapipigtas ito. At nakita ko ito sa brutal na paraan. Ang duguang damuhan, mga putol na katawan, amoy na tila bakal sa hangin na nagiiwan ng lasa sa dila ang patunay nito. Nararamdaman ko sa likod ng lalamunan ang asidong nais isuka ng aking sikmura. Napatakip ako ng bibig, namumugto ang mata. Pinipigilan ang pagsuka. Dahil isa itong kalapastanganan sa mga nagalay ng buhay nila para sa amin.

"Itaas mo ang iyong mukha at huwag kang magpakita ng kahinaan."

Napatingin ako sa likuran ni Bon jovi. "Apoy sa gitna ng kadiliman. Iyon tayong mga cabeza sa paningin ng mga residente, tayo ang kanilang tanglaw. Wag mong hayaang mamatay ang apoy na kanilang tinitingala."

Napansin kong lahat sila ay nakatingin sa amin, mga mata'y puno ng luha at determinasyon. Mga matang susunod sa direkyong tatahakin ng kanilang pinuno, at kahit sa saglit na panahon, isa ako run. Isa akong cabeza.

Si Milo at ang Kwaderno (Book 1 Now Available for Pre-order)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon